Wednesday, December 22, 2010

"MERRY" ba ang CHRISTMAS mo?


Ang pagsapit ng Kapaskuhan ay isa sa pinakamasayang okasyon sa Pilipinas at pinakaka-abangan ng marami, lalo na ng mga nagtratrabaho sa abroad. Ito ang buwan na itinataon nila upang magbakasyon. At kahit magastos sa ganitong panahon di nila alintana, makasama lamang ang mahal sa buhay at malasap ang simoy ng Kapaskuhan sa sariling bayan.

At habang papalapit ng papalapit ang Pasko, lalo itong nagiging kapana-panabik. Ilang araw na nga lang, Merry Christmas na.

Subalit ang tanong, “sadya nga bang Merry ang Christmas mo”? Sa mga nagdarahop, at isang kahig, isang tukang mga kababayan natin, magiging Merry kaya ang Christmas sa kanila?

Sa mga naulila at nawalan ng mahal sa buhay sanhi ng iba’t ibang kadahilanan, maaaring di nila madama kung Merry nga ba ang Christmas.

Sa mga Samahan ng Malalamig ang Pasko dahil iniwan ng minamahal, o kaya’y sadyang walang nagmamahal, siguradong hindi Merry ang Christmas para sa kanila.

At sa mga pamilya kung saan ang mahal sa buhay ay nasa ibang bansa na nagtratrabaho at malayo sa kanilang piling sa araw ng Pasko, maaaring di lubos na Merry ang kanilang Christmas.

At sa ating mga OFW, sa bawat isang nagtitiis ng hirap para sa ating mga mahal sa buhay, Merry ba ang Christmas mo?

Papaano nga ba magiging Merry ang Christmas?

Madalas nating naririnig ang pagbati na iyan, “Merry Christmas”. Bukam-bibig natin. Sinasambit bagama’t di lubos na batid marahil kung bakit nga ba Merry ang Christmas.

Ang kauna-unahang Pasko ay di lamang "silent and holy night". Ito'y puspos ng kagalakan, ng di masukat na kasiyahan pagka't isinilang ang Dakilang Manunubos ng sangkatauhan. "I bring you good news of great joy" ito ang tinuran ng anghel na naghatid ng balita ng gabing iyon. "Today in the town of David, a Savior has been born". (Luke 2:10-11)

Pagkasambit ng balitang iyon, nag-awitan at nagpuri ang libo-libong anghel sa kalangitan. (Luke 2:13-14) Binalot ng kabanalan at kagalakan ang pagsilang ng Dakilang Tagapagligtas. Ito ang dahilan kung bakit Merry ang Christmas.

Hindi nasusukat sa dami ng salapi na ating hawak o ng materyal na bagay na ating taglay ang kagalakang madarama sa Araw ng Kapaskuhan. Hindi sa dami ng regalong ating matatanggap o pagbating maririnig. Hindi rin ito makikita sa dami ng pagkain sa hapag-kainan, o kung sino ang ating kasama o hindi kasama.

Kahiman isang kusing lang marahil ang laman ng ating bulsa, kahit simpleng celfon lang ang gamit natin, kahiman malayo sa mahal sa buhay, kung si Kristo nama'y nasa ating puso, natitityak kong Merry ang Christmas mo.

Sa susunod na sambitin natin ang katagang "Merry Christmas", tiyaking si Kristo'y nananahan na sa atin upang tunay na maging Merry ang ating Christmas.

Merry Christmas po sa inyong lahat.

Wednesday, December 1, 2010

Be a Blessing!


Akda ni Max Bringula

This is something that we all can do - ang maging pagpapala sa lahat ng taong ating nakakasama, nakakausap at nakikilala. Ang pagbabahagi ay di lang sa materyal, kungdi sa lahat ng bagay. A simple smile, a pat on the back, a minute call to say "hello", a text message saying "musta ka na" are all but ways of being a blessing.

It may seem so simple and costless as we think, but for those who receives them, they're more than all the riches of the world. Priceless and incomparable.
Similarly, sharing our material blessings is a noble act. It is a much help to those in need no matter how big or small the given thing is.

God blesses us that we may in turn be a blessing to others. He wants us to be a channel of His blessings. Ang mga pagpapalang ating natatanggap ay di dapat sarilinin bagkus ibahagi upang pagpapala Niya'y patuloy na dumaloy sa atin. Dahil kapag ito'y sinarili at maging tikom ang kamay sa pagbibigay, maaari itong bawiin o kaya'y mawalan ng saysay at di na mapakinabangan.

Tulad ng tubig sa ilog - habang ito'y dumadaloy, laging sariwa at malinis ang tubig nito at marami ang nakikinabang. Subalit sa oras na tumigil ang pagdaloy nito at maimbak na lamang sa kinalalagyan, durumi ito't mamamaho tulad ng baradong estero, at di na pakikinabangan pa.

Kung kaya't kung nais na pagpalain, kung nais na maranasan ang buhos ng Kanyang pagpapala, sikaping maging pagpapala rin sa iba.

Be a blessing! That alone is a blessing in itself.

Wednesday, September 22, 2010

Sakang

Mula sa panulat ni Max Bringula

"If we claim to have fellowship with Him yet still walk in the darkness, we lie and do not live by the truth." - 1 John 1:6

Nakakita na tayo marahil ng taong sakang kung maglakad, kung saan ang dalawang talampakan ay magkasaliwa ang lakad, mistulang magkasintahang may LQ (lovers' quarrel). Magkahiwalay ang tingin bagama't sabay namang naglalakad. Ang isa'y nakatanaw sa kanluran, samantalang ang isa'y sa silangan. Iniiwasang magkasalubong ang paningin.

Sabi nila ang mga hapon daw ay sakang. Hindi naman lahat marahil, ang tugon ko naman. Subalit may mga Kristiyano na mistulang sakang. Hindi sa pisikal na paglakad, kungdi sa espirituwal. Inihahayag na siya'y Kristiyano, ngunit ang gawa'y taliwas sa sinasambit ng bibig. Kristiyano lamang sa nguso, hindi sa puso. May mga ilan pa nga na "kris-tiyan" lamang. Ang sikmura ang laging inaatupag. Ang Panginoon nila'y ang kanilang tiyan. Pag ginutom ay di na gagawa't kikilos.

Sakang pagkat patuloy na nakakapit sa kasalanan sa halip na kabanalan at pagsunod sa Kanyang kalooban ang ipanamumuhay. Ayaw bumitaw na animo'y lintang kapit na kapit sa binting sinisipsip.

Ikaw ba'y sakang? Kristiyano ka bang tunay o Kristiya-kristiyanuhan lamang. Suriin natin ang sarili baka tayo ay sakang na kung maglakad. Pagkat "kung sinasabi natin na tayo'y kaisa Niya, ngunit namumuhay pa rin sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay sa katotohanan." (1 John 1:6)

Tayo'y inialis Niya na sa kadiliman, nilinis sa ating karumihan. Kung kaya't mamuhay na tayo sa kaliwanagan at kabanalan.

Huwag maging sakang.

Isang pagbubulay-bulay.

Monday, August 23, 2010

Okatokat


by Max Bringula

"Do not be deceived: God cannot be mocked. A man reaps what he sows." - Galatians 6:7

Noong araw ay may TV series na ang titulo ay “Okatokat” na kapag binasa mo pabaligtad ay “Takot ako”. Ito’y serye ng mga kuwentong may katatakutan na bumenta naman sa mga Pinoy viewers dahil marahil gusto nilang sila’y tinatakot.

Kaya naman ang kadalasang dinurumog ng tao panoorin ay yung may ganitong tema tulad ng Twilight series at Friday the 13th series sa mga pelikulang banyaga, at sa lokal naman ay mayroong “Cinco”, “Feng Shui”, at ang serye ng “Shake, Rattle and Roll” na di na yata matapus-tapos dahil nasa ika-10 o ika-15 na yata ngayon, kung di ako nagkakamali.

Naaalala ko pa na noong kami’y paslit na bata pa, gustong-gusto naming makinig sa mga kuwento tungkol sa mga maligno’t mga asuwang, sa mga kapre’t manananggal, at iba pa na bagama’t nakakatakot ay wiling-wili naman kami sa pakikinig. Yun nga lamang, pag natapos na’y di na maka-uwi mag-isa dahil kinakabahan at natatakot na.

Ito rin ang panakot ni Tatay at ni Nanay noon kapag kami’y pasaway at ayaw sumunod. “Sige ka, may multo diyan” ang maririnig mong sasabihin nila. Kaya eto namang pobreng bata ay tatakbong papalapit sa magulang sabay kapit ng pagkahigpit-higpit sa saya ni Nanay.

Ikaw? Takot ka rin ba sa multo? Kumakaripas ng takbo sa kaunting kaluskos lamang.

Sa panahon ng supersonic age at mga high-digital equipments, maaaring passé na o lipas na ang ganitong multo-multo. Subalit ang totoo, marami pa rin sa atin ang takot sa multo. Hindi marahil sa tunay na multo (kung may multo nga bang talaga) kungdi sa sarili nating multo na tayo rin ang may gawa.

Ito ang labis na nakapagbibigay takot sa tao – ang humarap sa multong kanyang nilikha dahil sa kasalanan at maling mga gawa. Whatever a man sows, he reaps. Kung ano ang ating itinanim, ito ang ating aanihin. Kung ang itinanim natin ay galit at poot, pang-sasamantala, pang-aapi at pandaraya sa kapwa, ito rin ang aanihin natin pagdating ng araw. Ito rin ang haharapin natin pagdating ng panahon. Isang multong ating katatakutan.

Pagka’t ang kasalanan at maling gawa ay tulad ng isang self-guided missile na kapag pinakawalan mo’y tiyak na tutumbukin niya’t tatamaan ang inaasintang target. Ganito rin ang kasalanan at maling mga gawa natin, tiyak na ikaw ay babalik-balikan nito na animo’y multong nais kang takutin.

Kaya upang matakasan ang takot na idudulot nito, sikaping ang tama lamang ang ating gawin. Iwasan ang kasalanan at mga panlilinlang. Upang kinalaunan ay di tayo magsasabi ng “okatokat”. Takot ako eh.

Isang pagbubulay-bulay.

Sunday, August 22, 2010

Alabok


by Max Bringula

For dust you are, and to dust you will return.” (Genesis 3:19) Ito ang katotohanang di mapapasubalian. Katotohanang di matatakasan. Na tayo’y nagmula sa alabok, at sa alabok din tayo muling babalik.

Buhusan mo man ng isang katerbang lotion ang ating katawang-lupa, pakalinisin ng mababangong sabon, suutan ng pinaka-mamahaling damit at alahas, paliguan ng pinaka-mahalimuyak na pabango, alabok pa rin siyang maituturing kapag ang itinakdang oras ng muli Niyang pagbawi ng hiram nating buhay ay dumatal na.

For dust you are, and to dust you will return.” Isang katotohanang di maikukubli ng salapi, ng katanyagan, o ng kapangyarihan.

Maging ang mga naging hari ng iba’t ibang kaharian, mga personalidad na naging tanyag at pinagkakaguluhan na animo’y diyos at diwatang sinasamba’t niluluhuran, o maging ng pinakamayamang taong nabuhay sa ibabaw ng mundo ay hindi naligtas sa katotohanan na tayo’y isang alabok at sa alabok tayo’y babalik din.

Ito ang katotohanang pumapantay sa lahat ng uri ng tao – ng mayaman at ng mahirap, ng tanyag at ng ordinaryong nilikha, ng isang prinsipe at ng isang pulubi, ng maganda at di kagandahan, na malakas at ng mahina.

Kung gayon, ano ang higit na dapat nating pahalagahan? Ang katawang-lupa ba o ang ating espiritung babalik sa Diyos pagdating ng araw?

Ano ang kapakinabangan ng tao kung makamit man niya ang kayamanan ng mundo, mapasa-kanya ang kapangyarihan at katanyagan, marating ang rurok ng tagumpay, kung ang puso naman niya’y malayo sa Diyos? Maililigtas kaya niya ang sarili kung ang katawang-lupa’y bumalik na sa alabok?

Dapat nating pakatandaan na ang lahat ng bagay ay pansamantala lamang. Maging ang ating buhay ay lilipas din, gustuhin man natin o hindi. Ang ating kagandahan ay lilipas. Darami ang gitla sa ating noo. Mauubos ang ating buhok. Hihina ang ating tuhod. Unti-unting papalapit sa alabok na pinagmulan nito.

Kung kaya’t habang may lakas pa at may hininga, sikaping pahalagahan ang buhay na galing sa Kanya at hindi ang pisikal na kaanyuhan lamang. Manumbalik sa Diyos at sumunod sa Kanyang kalooban. Iaalay ang buhay at paghariin Siya sa ating puso. Upang bumalik man ang katawang-lupa sa alabok, nakatitiyak naman tayong mabubuhay na muli kapiling Niya sa Kanyang kaharian.

Ano ang mas pipiliin mo? Ang manatiling alabok o magtaglay ng buhay na walang-hanggan?

"For dust you are, and to dust you will return" - Genesis 3:19

Tuesday, July 6, 2010

Sa Ikapitong Araw

Pagbubulay-bulay ni Max Bringula

Banal para sa Panginoon ang ika-pitong araw. Ito ang ika-apat na utos na ibinigay Niya, "Remember the Sabbath day by keeping it holy." (Exodus 20:8). "Anim na araw kayong magtratrabaho at sa ika-pito ay siya ninyong pagpapahinga", dagdag pa ng Panginoon.

Paano natin gugulin ang ika-pitong araw? Papaano na ito'y magiging isang kapahingahan? Papaano ito magiging banal?

Nilikha ng Diyos ang langit at lupa, ang araw, buwan at mga bituin, mga hayop at halaman, pati na ang unang tao na si Adan at Eba sa loob ng anim na araw. At sa ika-pitong araw, Siya'y nagpahinga. Ito'y kanyang pinagpala at ginawang banal.

Ganito rin ang nais ng Diyos sa Kanyang mga nilikha. Anim na araw ang pag-gawa at ang ika-pito'y pagpapahinga. Ibig bang sabihin, hihilata na lamang tayo at magtutu-tulog ng isang buong araw? Hindi kikilos, hindi mag-aayos, hindi magluluto at kakain?

Dapat higit pa nga ang ating pag-gawa upang ang ika-pitong araw ay lubos na maging banal. Papaano? Mag-ukol ng oras at panahon sa pagpupuri at pagsamba. Maglingkod sa pamamagitan ng paghahayag ng Kanyang Salita. Tumulong sa kapus-palad. Magpakain sa mga nagutuom at nauuhaw. Bisitahin ang maysakit at nasa kulungan. Gumawa ng kabutihan. Sa pamamagitan ng mga ito magiging banal ang ika-pitong araw.

"Remember the Sabbath day by keeping it holy." (Exodus 20:8)

It doesn't matter kung anong araw ba ang Sabbath para sa inyo. Ito ba'y Sunday o Friday, o kaya'y Saturday. What matters is on the seventh day, we rested in the LORD and we make it holy.

Monday, July 5, 2010

The Sweetest Name of All

Pagbubulay-bulay ni Max Bringula

Calling a person in his/her own name with endearment and concern provides much joy and assurance to its recipient. No matter how witty and absurd the name is such as LUTGARDA, SOCORRO, PROCOPIO, SIMPRONIO, BONIFACIO, PERFECTO, and more, it will still sound like music in their ear if said right and straight from the heart. It gives respect to the person owning it.

Similarly, this is how we ought to give honor and adoration to the sweetest Name of all, the name above all names - the name of Jesus, whose every knee would bow, and every tongue would confess as Lord and Savior.

Ang pangalan ng Panginoon ay dapat igalang, bigkasin at gamitin ng wasto pagkat ito ang Ikatlong Utos. "You shall not misuse the name of the LORD your God." - Exodus 20:7

Ang sinumang sumasalaula ng pangalan ng ating Panginoon ay di ipawawalang-sala. (Exodus 20:7) Kung kaya't dapat itong sambitin ng may pagmamahal, isapuso ng tapat at mamalas sa ating mga gawa. Maluwalhati nawa ang Kanyang pangalan sa ating mga buhay.

Sunday, July 4, 2010

Rebulto


Worship belongs only to the true, eternal and invisible God.

"And God is Spirit, and those who worship Him, must worship Him in spirit and truth." (John 4:4) Siya'y dapat sambahin sa espiritu at hindi sa ano mang anyo. Ito ang ikalawang utos - "You shall not make for yourself an idol in the form of anything in heaven above ...or on the earth beneath or in the waters below. You shall not bow down to them or worship them." (Exodus 20:4-5)

Ipinagbabawal ng Diyos ang paggawa ng rebulto, ng ano mang hugis o anyo na nakikita natin sa langit, sa lupa o sa ilalim ng tubig upang luhuran at sambahin. Pagkat ang lahat ng bagay na ating nakikita ay nagmula sa Kanya. Kung kaya't ang pagsamba ay nauukol lamang sa Lumikha at hindi sa mga nilikha.

Mapanibughuin ang ating Diyos (at dapat lamang). Wala tayong ibang sasambahin kungdi Siya lamang. Worship the Creator and not His creation. Ang sinumang di susunod at patuloy na sasamba sa nilikha lamang ay parurusahan Niya hanggang ika-apat na lahi. Subalit pagpapalain Niya ang susunod sa Kaniya at sasamba ng tunay.

Ikaw ba'y may inuukit na rebulto sa iyong buhay? Mga tao, bagay, o sarili na sinasamba mo ng higit sa tunay na Diyos na Siyang pinagmumulan ng lahat.

Ang sinumang gumagawa nito ay matutulad sa rebultong sinasamba niya. May mata ngunit di nakakakita. May tainga ngunit di nakariring. May bibig subalit animo'y pipi na di makapagsalita. Ikaw ba ito?

Siyasatin natin ang sarili, baka naman may rebulto na tayong sinasamba.

"You shall not make for yourself an idol. You shall not bow down to them or worship them." - Exodus 20:4-5

Isang Pagbubulay-bulay.

Saturday, July 3, 2010

Ang Diyos na Tunay at Wala ng Iba

Sa panulat ni Max Bringula

"You shall have no other gods before Me." - Exodus 20:3

Iisa lamang ang Diyos na may likha ng langit at lupa, na nagbigay sa atin ng buhay at patuloy na nagdurugtung nito araw-araw. Isang tunay na Diyos na dapat purihin at sambahan, paglingkuran at alayan ng ating panaho't kalakasan. "You shall have no other gods before me" (Exodus 20:3) Ito ang unang utos.

May iba ka pa bang diyos na pinupuri't sinasamba? Ito man ay tao, bagay, pera, katanyagan at kapangyarihan, o maging ng sarili na minamahal mo ng higt kaysa sa tunay na Diyos. May umaagaw ba ng iyong atensiyon at oras sa halip na sa Kanya mo ituon? May binibigyan ka ba ng higit na prayoridad kaysa ang unahin ang kalooban at Kanyang nais? May sinusunod ka ba ng higit kaysa ang tumalima sa Kanyang mga utos? May iba pa bang diyos na nakaluklok sa trono ng iyong puso?

Siyasatin natin ang sarili. Baka may iba na tayong diyos na sinasamba at pinaglilingkuran. Ang utos Niya, "wala kang magiging ibang diyos, maliban sa Akin".

Siya lamang ang tunay na Diyos at wala ng iba.

Isang Pagbubulay-bulay.

Sunday, June 6, 2010

Araw-Araw, Gabi-Gabi


Ni Max Bringula

"But his delight is in the law of the LORD, and on his law he meditates day and night." – Psalms 1:2

Maraming bagay ang pinagkaka-abalahan ng tao. Mga bagay na umaagaw ng kanyang panahon at atensiyon upang di magawa ang mas mahalaga at mainam.

Ang araw ay ginagawang gabi at ang gabi na araw makamit lamang ang pinakamimithi o kaya’y magawa ang ninanais.

Wala namang masama rito kung dalisay ang pakay. Kung ang ibig ay masaganang buhay. Kung ang hangarin ay mabigyan ang pamilya ng magandang kinabukasan. Kung ang nais ay di na magtagal pa ang pananatili sa ibang bayan.

Subalit minsan nalilimutan natin na may mas mahalaga kaysa sa mga ito. At yan ay ang magbulay-bulay sa Salita ng Panginoon araw-araw, gabi-gabi.

Ilang oras kaya ang nagugugol natin sa panonood kaysa magbasa ng Bibliya? Gaano kaya katagal tayo makipag-chat o tumunganga sa Facebook kaysa makining ng Kanyang Salita? Yung isang oras nga lang na pakikinig ng Sermon kapag Biyernes o Linggo sa Pananambahan ay di pa matagalan, na parang sinisilihan ang puwet at di mapakali. Kung nasa kamay nga niya lamang ang tapusin ang Sermon ay siya niyang gagawin.

Pakatandaan, kung hangad nati’y buhay na masagana at may katagumpayan, limiin natin ang sinasabi ng Kanyang Salita sa Psalms 1:1-3 at sundin.

Blessed is the man who does not walk in the counsel of the wicked or stand in the way of sinners or sit in the seat of mockers. But his delight is in the law of the LORD, and on his law he meditates day and night. He is like a tree planted by streams of water, which yields its fruit in season and whose leaf does not wither. Whatever he does prospers.”

Sa halip na ang araw at gabi ay gugulin natin sa ibang mga bagay, tiyakin muna natin na tayo’y naglalaan din ng oras sa pagbubulay-bulay ng mga Salita Niya, araw-araw, gabi-gabi.

Suggested reading: Psalms 1

Wednesday, June 2, 2010

Tunay o Two-Ninety-Five?


Akda ni Max Bringula

"Thus also faith by itself, if it does not have works, is dead." - James 2:17 (NKJV)

Madalas nating naririnig ang papuri't pasasalamat sa kaligtasang ating natanggap, sa katiyakan ng walang-hanggang buhay na nasasaatin simula nang kilalanin at tanggapin si Hesus bilang Panginoon at Tagapagligtas.

Subalit hindi roon nagtatapos ang pagtawag sa atin ng Panginoon, bagkus ito'y simula lamang ng isang bagong hamon para sa atin. Pagka't hindi sapat na ihayag lamang natin ang pananampalatayang taglay. Hindi lang dapat ipangalandakan ang pananalig, kungdi ito'y dapat may kaakibat na mabuting gawa.

Ito ang ipinagdiinan ni Santiago sa sulat niya sa mga unang Kristiyano. Na kung sinasabi ninyong kayo'y may pananampalataya subalit di naman ito makita sa inyong mga gawa, ano ang saysay niyon? (James 2:14)

Kung ang kilos at pananalita natin ay di makitaan ng kabanalan, kung ang mga gawa natin ay taliwas sa Kanyang kalooban, kung ang puso natin ay tigib ng poot, pagmamalaki at pagsisinungaling, matatawag kayang pananampalataya iyan? Ang sagot ay hindi. Pagka't ito'y patay na pananampalataya.

Kapatid, kaibigan, pananampalataya mo ba'y tunay? O two-ninety-five?

Kung gayon, suriin ang iyong mga gawa.

"For as the body without the spirit is dead, so faith without works is dead also." - James 2:26

Isang Pagbubulay-bulay.

Suggested Reading: James 2:14-26

Tuesday, June 1, 2010

Recycle


Akda ni Max Bringula

Uso ngayon ang recycle. Kumbaga yung mga basurang dati rati ay itinatapon lamang (at kung saan-saan), ngayon ito’y nire-recycle upang maging kagamit-gamit sa halip na maging sagabal.

Tulad ng mga basyong bote, lata, sirang mga papel, plastic, atbp., lahat ng mga ito’y nire-recycle para mapakinabangan kaysa maging kabigatan.

Ang buhay ng tao ay ganito rin – puno ng mga unwanted garbages na ating dala-dala tulad ng mapapait na karanasan, damdaming sugatan, kabiguan, panghihinayang, at mga paulit-ulit na kasalanang nagagawa. Ang lahat ng ito’y basura sa ating buhay at walang buting magagawa kung pananatilihin at aarugain sa ating puso sa halip na iwaksi at itapon.

Tulad ng basura na nire-recycle upang maging kagamit-gamit at mapakinabangan, ganito rin ang dapat gawin sa mga unwanted garbages na taglay natin.

Kalimutan ang mapait na kahapon at harapin ang kasalukuyan at bukas na darating na may kasiyahan at pag-asang mula sa Panginoon. Magpatawad upang humilom ang sugat na nararamdaman. Magsikap upang ang kabiguan ay mapalitan ng tagumpay at ang panghihinayang ay mapawi na ng tuluyan. Sundin ang Kanyang kalooban sa halip ang gusto ng katawan upang kasalanan ay di na maulit pang gawin.

Sabi ni Paul sa Philippians 3:13-14, “But one thing I do: Forgetting what is behind and straining toward what is ahead, I press on toward the goal to win the prize for which God has called me heavenward in Christ Jesus.”

Ito ang ating gawin – huwag hayaan ang mga basura sa ating buhay ay maging hadlang upang di makamit ang tagumpay at putong na sa ating ipagkakaloob Niya. Sa halip gawin itong kapakinabangan. I-recycle, gawing kagamit-gamit.

Suggested Reading: Philippians 3:7-14

Monday, May 24, 2010

Hindi Lang Isang Beses, Kungdi Higit Pa


"Like newborn babes, crave pure spiritual milk, so that by it you may grow up in your salvation." - 1 Peter 2:2 (NIV)

Akda ni Max Bringula

Napakahalaga sa isang bagong silang na sanggol ang pagpapa-inom ng gatas. Ito man ay gatas na galing sa ina o infant's milk na nabibili sa tindahan o botika. May ingredient at akmang nutrition ito na kakailanganin ng sanggol upang siya'y lumaki ng tama at malusog.

Ganito rin inihalintulad ang isang bagong mananampalataya - kailangan niya ng puro at espirituwal na gatas upang lumago sa kanyang pananampalataya. At ang gatas na ito ay ang Salita ng Diyos.

Kung araw-araw ay pinapainom ang bata ng gatas, hindi lang isang beses kungdi higit pa, ganoon din nararapat sa Salita ng Diyos. Dapat palagiang busugin natin ang ating kaluluwa ng espirituwal na inumin at pagkain.

"Man does not live on bread alone, but on every word that comes from the mouth of God." - Matthew 4:4

Sikapin natin kung gayon na maglaan ng oras sa pakikinig, pagbabasa at pag-aaral ng Kanyang mga Salita. Ito ang kailangan natin upang lumago sa ating pananampalataya.

Hindi isang beses lamang, kungdi higit pa.

Selected Reading: 1 Peter 2:1-3

Sunday, May 23, 2010

The Power of Prayer


We cannot underestimate the power of prayer. It's the tool that God gave us to triumph in this weary and imperfect world. Much more if the prayer comes from His elect. "The effective prayer of the righteous man, availeth much", the Word of God says in James 5:16.

Therefore, let us approach His throne of grace and with humble and contrite heart, seek His mercy. He will be more than glad to answer our prayers. It is His joy to answer the call of His people. For in our prayer, His power and might is displayed.

You may be experiencing difficult moments in your life now. You could be financially incapacitated to meet your commitments, loved ones have been suffering from sickness, your job in peril, and many other uncertainties cropping up in your mind. Don't lose hope. There's a power in prayer. He is just a knee away, a prayer away. Utter a prayer now to Him. Nothing is impossible and difficult for Him.

Tuesday, May 18, 2010

I Am Sorry...


Akda ni Max Bringula

Sorry, di ko sinasadya. Di ko alam na nasaktan ka pala. Sorry talaga.”

Maaaring pamilyar sa atin ang ganitong mga kataga. Maaaring narinig mo na ito sa isang kaibigan, kapatiran o sa taong malapit sa iyong puso. O maaaring ikaw mismo ay nagbitiw ng ganitong pananalita. Nagsusumamo sa salitang iyong nabigkas na di naman ninais sabihin subalit nasambit na. Kung kaya’t kasunod na lamang niyon ay “Sorry…”

Sadyang malaki ang nagagawa ng maliit na dila na nasa loob ng ating bibig. Maliit subalit makapangyarihan. Sa salita na mula sa dila mapapasunod mo ang isang batalyon, mapapakilos mo ang puso’t isipan ng tao. Maaari itong makapagbigay liwanag at kulay sa madilim na pinagdaraanan. Nakapagdudulot ito ng kalakasan at sigla sa mga napapagal at nalulumbay.

Gayunpaman, sa dila ring iyan nagmumula ang kapamahakan, panghihina, kaguluhan at di pagkakaunawaan.

Kung kaya’t paka-ingatan daw natin ang bawat salita na mumutawi sa ating bibig. Limiing maigi ang bawat letrang ating titipahin, ite-tesxt at isusulat. Dahil baka sa halip na buhay ang dulot nito, pagkabigo, kalungkutan at kapahamakan ang kamtin ng makakarinig at makakabasa, o kaya’y galit at sakit ng kalooban ang maranasan ng tatanggap.

Ingatan ang labi. Suriin ang sasabihin at isusulat, upang sa kinalaunan ay di “sorry” ang ating babanggitin pagkatapos, kungdi, “salamat”.

For out of the abundance of the heart, the mouth speaks” – Matthew 12:34

Suggested Reading: James 3:1-11

Monday, May 3, 2010

Ang Bulag, Pipi at Bingi at ang Pilay


Akda ni Max Bringula

May popular na kundiman na madalas awitin ng mga matatanda noong araw o marahil magpahanggang-ngayon ay napapakinggan pa rin natin - yung “Doon Po Sa Amin”.

Batay sa lyrics ng awitin, sa bayan daw ng San Roque ay may nagkatuwaan na apat na pulubi – ang pilay, ang bulag, ang pipi at ang bingi. Umawit daw itong pipi, nakinig naman ang bingi, nanood ang bulag at humataw naman ng sayaw itong pilay na marahil ay nag-breakdance pa.

Nakaka-aliw, nakakagiliw pagkat imposibleng magawa ito ng pilay, bulag, pipi at bingi dahil taliwas ito sa kanilang pisikal na kalagayan.

Subalit ganito ang karamihan sa atin - animo’y pilay, bulag, pipi at bingi.

Hindi kakitaan ng katuwiran at kaliwanagan pagkat tayo mismo ay bulag sa katotohanan. Ang pinaiiral at pinanghahawakan ay ang baluktot na pananaw ng mundo sa halip na ang puro’t dalisay na mga Salita ng Diyos.

Animo’y pipi na hindi maihayag ang katotohanan pagkat tayo mismo ay nabubuhay sa kasinungalingan at pagbabalat-kayo kung kaya’t tikom ang bibig at di makapagsalita dahil di magiging kapani-paniwala at bagkus baka mapupulaan pa. “Ows….?” ang marahil pagtatanong at pagtataka ng makaririnig sa sasabihin natin pagkat taliwas sa ating gawa ang sinasambit ng ating bibig.

Animo’y bingi pagkat hindi napapakinggan o pinapakinggan ang aral na itinuturo Niya sa atin. Hindi sinusunod ang utos Niya. Bagama’t araw-araw naman nating naririnig o nababasa ang Kanyang mga Salita, may araw-araw na Pagbubulay-bulay na ibinabahagi sa atin, subalit mistulang bingi pa rin pagkat di naaaninag sa buhay ang pagbabagong idudulot sana kung pakikinggan niya lamang at susundin ang Salitang kanyang naririnig.

Kumpleto ang paa, subalit animo'y pilay. Di makalakad ng matuwid bagkus iika-ika at minsa'y animo'y sakang. Ang kabilang paa'y nasa katuwiran, samantala ang kabila nama'y nasa sanlibutan. Pilay pagkat di makakalakad kung walang tungkod na hahawakan. Lagi na lamang aalalayan.

Kapatid, kaibigan…. ikaw ba’y pilay, bulag, pipi at bingi?

May paa subalit di maihakbang sa tuwid na pamumuhay, may mata subalit di makita ang katotohanan at katuwiran. May bibig subalit di makapaghayag kung ano ang tama at nararapat. May tainga subalit di marinig ng malinaw ang mga utos at aral Niya?

Pagbulay-bulayan natin ito at pakalimiin. Baka tayo’y higit pa sa pilay, bulag, pipi at bingi

"They have mouths, but cannot speak, eyes, but they cannot see; they have ears, but cannot hear." - Psalms 135:16-17

Wednesday, April 28, 2010

FINISH LINE


by Max Bringula

Dati-rati'y ang bilis ng iyong takbo? Maliksi. Bawat hakbang ng iyong paa'y malawak ang naaabot. Halos di ka maabutan ng mga kasama mo. Subalit ano ang nangyari? Bakit para bagang bumagal yata ngayon ang iyong pagtakbo?. Nahahapo ka na ba? O may mga kadahilanang nagdudulot ng iyong unti-unting pagbagal at tuluyang pagtigil kung di susuriin ang pinagmulan o sanhi nito.

Ito ang isinulat ni Pablo na nakasaad sa Galatians 5:7, "You ran well. Who hindered you from obeying the truth?"

Maraming mga Kristiyano ang maaaring maka-relate sa sinasabing ito ni Apostle Paul. Kung saan dati-rati'y mainit tayo at masigasig sa gawain ng Panginoon. Ever-present at ever-ready. Nandiyan at laging handa kung may gawain. Subalit ngayon, susulpot, lilitaw kung kaylan lang ibigin, kung kaylan walang ibang gagawin na mas inuuna pa natin. Parang kabute na lilitaw lamang pagkatapos umulan. Mabuti pa nga ang kabute, alam mo kung kaylan lilitaw. Subalit ang Kristiyano, di mo maapuhap kung susulpot ba o hindi. O tuluyan ng naglaho na parang bula.

Dati-rati'y imahen ka ng katuwiran, ng kabanalan. Ilaw mo'y maliwanag at buhay mo'y pagpapala sa lahat. Ngunit ngayon ang katotohanan at kasinungalingan ay para bagang sa iyo'y iisa na lamang. Ilaw mo'y di na maaninag pagkat nalalambungan ng kadiliman.

Pakatandaan, tayong lahat ay mistulang mananakbo (runner) sa isang takbuhan. And we run in such a way as to reach the finish line at a shortest time possible. Ituon mo ang iyong paningin sa Finish Line at ika'y magtatagumpay. Tumakbo ka na nasa puso't isip mo ang pagwawagi.

"Let us run with endurance the race that is set before us, looking unto Jesus, the author and finisher of our faith.". (Hebrews 12:1-2)

Sunday, April 4, 2010

Breaking News - The Tomb is Empty, He Has Risen!


Mula sa panulat ni Max Bringula

"He is not here: for He has risen." – Matthew 28:6

Kung may CNN nung araw, ito marahil ang balitang bubulaga sa mga disipulo ng Panginoong Hesus, ni Herodes at ng kanyang mga sundalo, ni Pontio Pilato at ng mga Hudyo. Na wala si Hesus sa Kanyang libingan pagka't Siya'y muling nabuhay.

Ang balitang ito'y labis na nagbigay ng kagalakan sa mga kababaihan na noo'y nagtungo sa libingan ni Hesus madaling araw ng Linggo upang pahiran ng langis at pabango ang Kanyang katawan. Takot ang bumalot sa kanila noong una nang matagpuang wala sa libingan si Hesus, subalit ito'y napawi nang ihayag sa kanila ng Anghel na Siya'y wala roon pagka't Siya'y muling nabuhay.

Ang balitang ito'y nagbigay naman ng kapahingahan sa puso't isipan ng mga disipulo Niya na noo'y labis na naninimdim sa pagkamatay ng kanilang Panginoon. Na hindi naman pala sila tunay na iniwan ni Hesus pagka't Siya'y bumalik. Siya'y muling nabuhay.

Subalit malaking takot naman ang naramdaman sa buong katauhan ng mga sundalo, ng mga pinuno nang panahong iyon, ng mga Hudyo pagka't sila'y di naniwala sa isinugo ng Diyos. They really have all the reasons to be afraid of.

But how 'bout us, ang balita ba na Siya'y muling nabuhay ay nagdudulot pa rin sa atin ng ibayong kalakasan? Na Siya'y buhay at kailanman ay di Niya tayo iniwan at pinabayaan? O tayo'y animo'y walang buhay na Diyos pagkat tuwina'y talunan at di makapanagumpay sa palaso ng kalaban, sa tukso at mga pagsubok.

Kapatid, kaibigan... tayo'y bumangon na, tumindig pagka't ang ating Diyos ay buhay!

He has risen! That's the breaking news.

Ito'y ating pagbulay-bulayan.

Tuesday, March 16, 2010

Now Na!


Mula sa panulat ni Max Bringula

Yet who knows whether you have come to the kingdom for such a time as this?" – Esther 4:14

Bukam-bibig ngayon ang katagang ito kapag may minamadali tayo at nais magawa agad at ayaw ng ipagpabukas pa. Ating binibigkas ang “Now Na!”.

Ang linyang ito’y una kong narinig mula sa isang kabinete ni PGMA noon na umaklas sa kanyang pamahalaan dahil sa mga anomalyang di matagalan. Nagnais siya ng pagbabago kaya’t hinimok niya ang pamahalaan na gawin ang tama, hindi bukas kungdi agad. Now na!

Ganito rin ang tema ng linyang binitawan noon ni Sister Stella L, isang karakter sa pelikula na buong husay na ginampanan ng premyadong aktres ng bansa na si Vilma Santos sa pelikulang ganoon din ang title. “Kung hindi ngayon, kaylan? Kung hindi tayo, sino?” Isang sigaw ng paghamon ng pagkilos at paggawa ng nararapat na hindi ipinagpapabukas, kungdi dapat gawin agad. Now na!

Ang dalawang katagang ito’y madalas maririnig ngayon sa kapulungan ng mga nagnanais ng pagbabago – sa gobyerno man o sa lipunan na kinabibilangan. Lalo ngayong panahon ng kampanya, ang battle cry na ito ay halos bukam-bibig ng mga kandidato at pulitikong humihimok sa mamamayang sila’y iboto.

Ganito rin ang winika ni Mordecai sa pinsan niyang si Esther, isang Hudyo na naging Reyna ng Hari ng Persia noon (na ngayo’y Iran). Kanyang hinamon si Esther na gawin ang nararapat – ang lumapit sa Hari at hilinging huwag ng ituloy ang pagpapapatay sa mga Hudyo. Kanya pang idinagdag na iyon ang akmang panahon na siya ay kumilos at makagawa ng makabuluhang bagay sa kanyang bayan. “For such a time as this”. Yun na ang panahon, hindi bukas, hindi sa susunod na araw, linggo o taon, kungdi ngayon na. Now na!

Tayo rin man ay may panahong ibinigay sa atin kung saan tayo’y dapat kumilos agad at hindi na magpatumpik-tumpik pa. Pagkat kung hindi gagawin ngayon, kaylan pa? Iinog din naman ang mundo. Di naman mapipigilan ang paglipas ng panahon. Ang tanong, nagawa ba natin ang dapat ay ating ginampanan?

Kung kaya’t maging hamon nawa ito sa atin, sa personal mang buhay o sa relasyon natin sa Panginoon. May nararapat tayong gawin na di na dapat ipagpabukas pa kungdi ngayon na. Now na!

For such a time as this.”

Isang pagbubulay-bulay.

2009 copyrighted.

Monday, March 15, 2010

Kailangan Pa Bang I-Memorize Yan?


Mula sa panulat ni Max Bringula

I could not speak to you as spiritual people, but carnal, as babes in Christ.” – 1 Corinthians 3:1

Kailangan pa bang i-memorize yan?” Yan ang pumapailanlang na tanong araw-araw na iyong mapapakinggan sa isang radio program sa Pilipinas. Mala-sarcastic ang dating ng tanong kung saan hinahamon ang tagapakinig sa pagmamaang-maangan at pagbabale-wala sa mga payak na bagay na dapat ay alam niya na at di na kailangang i-memorize pa at ipagduldulan lagi sa kukote.

Mga bagay na dapat pang ipaliwanag ng husto bago kumilos gayong maliwanag pa sa sikat ng araw sa katanghalian ang tinutukoy at dapat gawin. “Mini-memorize pa ba yan?” Na ang ibig sabihin ay “dapat, alam mo na.”

Ganito rin ang hamon sa atin ng Diyos sa mga katuruan Niya na lagi nating naririnig at itinuturo sa atin subalit patuloy na sinusuway at ipinagwawalang-bahala. Kung kaya’t di tayo matuto-tuto. Kung kaya’t lagi na lamang tayong nasa basic, di na makausad, din a maka-alis-alis doon. Yun at yun na lamang palagi.

I could not speak to you as spiritual people, but carnal, as babes in Christ.” Yan ang sabi ni Paul sa mga Kristiyano na hindi natututo at mahina ang paglago bilang Kristiyano. Marahil ganito rin ang ipinakadiin-diinan ni Paul, “kailangan pa bang i-memorize yan? “

Ikaw, kaibigan…kapatid, natutunan mo na ba ang leksiyong itinuturo syo ng Diyos o hanggang ngayo’y di mo pa ma-memorize at pilit pa ring mini-memorize.

Kailangan pa bang i-memorize yan?”

Isang pagbubulay-bulay.

2009 copyrighted.

Monday, March 8, 2010

Turumpo - Pabalik-balik, Paikot-ikot


Mula sa panulat ni Max Bringula

Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan. Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga, habang araw na paikot-ikot.” – Mangangaral 1:5-6

Ganito ang napansin ni Solomon sa takbo ng buhay. Parang araw na sisikat at lulubog sa pinanggalingan. Bagama’t di naman umaalis ang araw sa kinalalagyan pagkat ang mundo ang siyang umiikot-ikot, pabalik-balik sa araw. Parang hangin na walang-sawa sa pag-ihip mula timog hanggang silangan, pati na hilaga at kanluran. Aalis, babalik, subalit naroroon pa rin pabalik-balik, paikot-ikot lang.

Para ring turumpo na pag inihagis ay iikot-ikot at pagkadaka’y hihinto pagkatapos.

Ganito ang buhay sa mundong ibabaw. Gigising sa umaga upang matulog uli pagsapit ng dilim. Isisilang upang bumalik din sa alabok kung saan nanggaling. Darating sa lupa para lisanin ulit pagdating ng araw?

Pabalik-balik, paikot-ikot lamang. Sabi nga ni Kim Atienza, “ang buhay ay weder-weder lang”.

Subalit ganito nga ba ang layunin ng Diyos sa atin? Ito nga ba ang Kanyang nais sa buhay na kaloob Niya?

Ang sagot ay “hindi” pagkat ang ibig Niya ay buhay na masagana, may kulay, may sigla at may pag-asa. Hindi pabalik-balik at paikot-ikot lamang.

At yan ay mararanasan ng lubos kung si Kristo ang nasa ating puso pagkat Siya ang tunay na kahulugan ng buhay.

Kilalanin natin Siya't iluklok sa trono ng ating puso bilang Panginoon at Tagapagligtas upang buhay nati'y di mistulang turumpong, paikot-ikot lamang.

Isang Pagbubulay-bulay.

Tuesday, March 2, 2010

Pagbabalik-loob


Mula sa Panulat ni Max Bringula

"So the people of Nineveh believed God, proclaimed a fast, and put on sackcloth, from the greatest to the least of them." - Jonah 3:5

Maraming mga kaganapan sa Bibliya ang ating matutunghayan tungkol sa pagbabalik-loob ng tao sa Diyos matapos marinig ang Kanyang Salita.

Sa panahon ng Panginoong Hesus mismo, marami ang nanumbalik at kumilala sa Diyos, tumalikod sa kasalanan at tuluyang naglingkod tulad ng mga apostoles. Nang si Paul ay magsimulang maghayag ng Ebanghelyo ng mabuting balita ng kaligtasan, marami ang tumanggap nito at kinilala ang Diyos sa kanilang buhay. Paul basically “turned the world upside down”. Sila’y nagbalik-loob.

Ito rin ang naganap sa Nineveh. Pagkatapos ihayag ni Jonah ang iniutos sa kaniya para sa Nineveh, sila’y nagbalik-loob sa Diyos, lahat ay nag-ayuno mula sa pinakamataas sa lipunan hanggang sa pinakamababa, pati na ang mga hayop na kanilang alaga bilang tanda ng pagsisi sa kasalanan at panunumbalik sa Diyos. (Jonah 3:5-10)

At sila’y Kaniyang pinakinggan. Ang parusang dapat igagawad sa kanila ay di Niya na ipinataw, bagkus sila’y pinatawad at pinanagana sa buhay, pisikal at espirituwal.

Ganito rin ang Diyos sa atin. Kung tayo’y magsisisi at magbabalik-loob sa Diyos, kikilala sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas, ang parusang dapat ay kakamtin natin ay Kanya ng papawiin at tayo’y pagkakalooban ng buhay na walang-hanggan.

Kaya nga’t tayo ng magbalik-loob sa Diyos. Huwag ng hintayin pa na maranasan ang parusa dito sa lupa at sa kabilang buhay dahil sa ating mga kasalanan. Bagkus magsisi, talikdan ang likong pamumuhay at humarap sa Diyos. Kilalanin Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas, at ang buhay na walang-hanggan ang ating makakamit.

Halina, kapatid, kaibigan…. tayo ng magbalik-loob sa Kaniya. Ito ang buhay na ibig Niya sa iyo.

Isang pagbubulay-bulay.

Sunday, February 28, 2010

Isa Pa Nga


Mula sa Panulat ni Max Bringula

Then the word of the LORD came to Jonah a second time.” – Jonah 3:1

Maraming pangyayari sa buhay ni Jonah ang sumasalamin ng buhay ng isang Kristiyano. Tulad ng pagsuway at panunumbalik sa Diyos matapos makaranas ng pagtutuwid at palo. Ito ang naganap kay Jonah. Matapos na siya’y sumuway at maranasang lunukin ng malaking isda, muli siyang binigyan ng isa pang pagkakataon ng Diyos upang tumalima sa Kanyang iniuutos.

Then the word of the LORD came to Jonah a second time.” Muli siyang iniluwa ng isda sa pampang upang sa pagkakataong iyon ay tupdin na ang iniuutos ng Diyos sa kanya.

Isa pa nga”, isang pagkakataon pa. Ito’y sapagkat ang Diyos ay mabuti at tapat na laging nagbibigay ng pagkakataon sa lahat na manumbalik sa Kaniya. Not just once, but many times over. He is not just the God of a second chance, of third chance, fourth chance, but a God that always gives chances to all. Oportunidad na makapanumbalik sa Kaniya. Oportunidad na makatalima sa Kanyang iniuutos.

Isa pa nga” yan ang tiyak na dalangin ni Jonah nang siya’y nasa loob ng tiyan ng isda. Isa pang pagkakataon. At siya’y di naman binigo ng Diyos. God gave him a second chance. A chance to do His will and a chance to obey His commands.

How about us? Ilang pagkakataon na kaya ang binigay ng Diyos sa atin upang tumalima sa Kanyang iniuutos? Subalit di pa rin tayo matuto-tuto. Tulad ng awit ni Gary V., lagi na lamang awit natin ay “Di Na Natuto”.

Huwag tayong mawili sa pagsabi ng “Isa pa nga”, pagkat ang Diyos bagamat Siya’y mabuti at tapat, ay Diyos na nagtutuwid sa mga anak Niyang pasaway. Nais ba nating maranasan pa ang lunukin ng isda tulad ni Jonah? Baka higit pa riyan ang mangyari sa atin kung di tayo tatalima agad sa Kanyang utos at magpapa-petek-petek pa dahil katuwiran nati’y pwede namang magsabi ng “Isa pa nga”. Isa pang pagkakataon.

Kung magkakagayon, baka hindi isang pagkakataon ang ibigay sa atin, kungdi isang matinding hambalos at hagupit.

Gusto mo ba yon?

Kapatid, kaibigan... kung gayon, tayo'y tumalima na sa Kaniyang iniuutos.

Monday, February 1, 2010

Sa Loob ng Tiyan ng Isda


Mula sa Panulat ni Max Bringula

"But the LORD provided a great fish to swallow Jonah, and Jonah was inside the fish three days and three nights." - Jonah 1:17

Sa mga kasama natin na ang hilig ay kumain, sasang-ayon sila na ang pinakamasarap na bahagi ng bangus, ano pa man ang luto rito - inihaw, paksiw o sinigang, ay yung tiyan. Naroroon sabi nila ang pinaka-taba kung kaya't masarap siya. Ito ang laging nauunang maubos at natitira lagi ang buntot.

Marahil ngangasab-ngasab ka pa pagkatapos kumain dahil ang pobreng isda ay nasa iyong tiyan na.

Subalit baligtarin natin ang pangyayari. Ano kaya't ikaw naman ang nasa loob ng tiyan ng isda at siya naman ang ngangasab-ngasab pagkatapos na ika'y kanyang kainin at lunukin?

Ganito po kasi ang nangyari kay Jonah. Siya'y nilunok ng buong-buo ng malaking isda pagkatapos na siya'y itapon sa karagatan sanhi na rin ng pagsuway sa utos ng Diyos.

Bagama't di isdang bangus ang lumunok kay Jonah, masarap kaya ang pakiramdam ng nasa loob ng tiyan ng isda? Siguradong sagot ninyo ay "hindi!"

Tumpak. Pagkat ganito ang naranasan ni Jonah. Halos itakwil niya ang panahong iyon na siya ay nasa loob ng tiyan ng malaking isda. Tatlong araw at gabi na siya ay naroroon. Nakaririmarim ang paligid. Nakakasulasok ang amoy.

Sa gayong kalagayan, napagtanto-tanto niya ang pagkakasala't pagsuway sa iniuutos ng Diyos. Doon ay nabatid Niya na may Diyos na banal na nagpaparusa sa maling gawi subalit nagmamahal pa rin ng labis sa mga tulad niya.

Hindi niloob ng Diyos na siya'y lunukin ng dagat at doo'y tuluyang mamatay. Bagkus nagpadala Siya ng malaking isda upang siya'y sagipin. Bagama't di kanais-nais ang mapapunta sa loob ng tiyan ng isda, dulot naman niyon ay kaligtasan.

Ganito ang minsa'y nagaganap sa atin. Tayo'y napapapunta sa loob ng tiyan ng isda. Mga pangyayari sa ating buhay na ang dulot ay dusa't paghihinagpis, mga paghihirap at sakit ng katawan at kalooban. Subalit yun pala'y niloob ng Diyos upang tayo'y gisingin at mapanumbalik ang dating matuwid na pamumuhay.

Subalit iibigin pa ba natin na lunukin ng malaking isda para tayo'y magising at matauhan?

Kung gayon, tumalima na sa Kanyang utos. Huwag ng magpakalayo-layo pa't tumakas. Sumunod na upang huwag maranasang mapapunta sa loob ng tiyan ng isda.

Kapatid, kaibigan... nanaisin mo ba na mapapunta sa loob ng tiyan ng isda?

Isang pagbubulay-bulay.

Wednesday, January 20, 2010

Itapon Ninyo Ako Sa Dagat

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Pick me up and throw me into the sea," he replied. - Jonah 1:12

Ito ang tinuran ni Jonah sa mga tripulante ng barkong kanyang sinakyan na papunta sana sa Tarsis subalit sinalubong ng isang napakalakas na bagyo sa gitna ng karagatan.

Sa gayong kalagayan, bawat isang tripulante'y nanalangin sa kani-kanilang diyos sa pagnanais na maligtas sa kapahamakang maaaring maganap kung lumubog ang barkong sinasakyan. Samantalang itong si Jonah ay mahimbing ang tulog sa ibaba ng barko na animo'y dinuruyan. Hindi naging kasagutan ang kanilang dalangin. Lalo lamang nagngalit ang bagyo. Ang dagat ay lalo pang nag-alburoto.
The sea was getting rougher and rougher…. the sea grew even wilder than before.” (Jonah 1:11, 13)

Kaya’t naisipan nilang magpalabunutan kung sino sa mga pasahero ang sanhi ng mala-delubyong bagyong nararanasan. Sino sa kanila ang may balat sa puwet, sabi nga ng matatanda.

Ganoon nga ang kanilang ginawa at nabunot ang pangalan ni Jonah. “Ikaw pala!” ang malakas nilang naisigaw. “Ano ang ginawa mo? Bakit ganoon na lamang ang galit ng iyong Diyos? Ano ang gagawin namin ngayon sa’yo upang humupa ang bagyo?”, ang sunod-sunod nilang tanong kay Jonah.

Itapon ninyo ako sa dagat” ang tugon ni Jonah. “Batid ko na ako ang dahilan kung bakit nararanasan nyo ang bagyong ito. Ako ang salarin” ang pagpapakumbabang pag-amin ni Jonah.

Ganoon nga ang kanilang ginawa at ang dagat ay muling tumahimik. (Jonah 1:15)
Kaylan na tayo ay natutulad kay Jonah? Na sa halip na maging pagpapala tayo sa mga nasa paligid natin, tayo’y nagiging pabigat pa at nagiging sanhi ng kanilang pagdurusa.

Bilang mga lingkod Niya, tayo’y inatasang maging pagpapala sa iba. Ito ang hangarin ng Diyos sa atin tulad ng ipinangako Niya kay Abraham na mababasa natin sa Genesis 12:2.

I will make you a great nation; I will bless you and make your name great; And you shall be a blessing.”

Pinagpapala tayo ng Diyos upang maging pagpapala rin. Kung kaya’t nawa’y ito ang ating gawin upang di magsisisi sa huli at magsasabing “ itapon ninyo ako sa dagat”.

Kapatid, kaibigan… nais ba natin ang gayon? Dahil sa ating pagsuway at pagsalangsang sa Diyos, kapahamakan ang sinasapit ng iba? Kung gayon, tuwirin ang landas at gawin ang mabuti upang di maranasang itapon sa dagat.

Isang pagbubulay-bulay.

Sunday, January 17, 2010

Sino ang Salarin?

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"They cast lots and the lot fell on Jonah." - Jonah 1:7

Sa ating pagpapatuloy ng pagbubulay-bulay sa Aklat ni Jonah ating napag-alaman na ang barkong kanyang sinakyan patungo ng Tarsis ay sinalubong ng napakalakas na bagyo sa gitna ng karagatan.

Ito’y sa dahilang sumuway si Jonah sa utos ng Diyos na pumunta sa Nineveh at doo’y mangaral. Sa halip na pumunta sa lugar na iyon, tumakas si Jonah papuntang Tarsis. Kung kaya’t nagpadala ang Diyos ng isang napakalakas na hangin na lumikha ng bagyong halos ikalubog ng barko.

Dahil dito, nangatakot ang mga tripulante at di malaman ang gagawin. Nanalangin na sila sa kani-kanilang diyos subalit wala pa ring nangyari, lalo pang lumakas ang bagyo at nagngalit ng husto, habang si Jonah nama’y mahimbing na mahimbing ang pagkakatulog.

Hoy gising!” ang sigaw sa kanya ng kapitan ng barko. "Ano't nagagawa mo pang matulog? Bumangon ka't manalangin sa iyong Diyos, baka sakaling kaawaan Niya tayo at iligtas sa kamatayan."

Isa marahil sa atin ang kadahilanan ng bagyong ito” ang sabi ng isa. "Subalit sino sa atin? Sino ang salarin?"

"Magpalabunutan tayo, para malaman natin kung sino ang dahilan ng lahat ng ito” ang suhestiyon ng isa.

Gayon nga ang kanilang ginawa at nabunot ang pangalan ni Jonas. – Jonah 1:7

Aha! Ikaw pala!” ang sabay-sabay nilang nasabi. At sinimulan nilang alamin kay Jonah kung anong nagawa niya’t gayon na lamang ang galit ng bagyong kanilang naranasan.

Hindi na naitago ni Jonah ang kasalanang nagawa. Hindi niya na nailihim ang pagsuway niya sa utos ni Yahweh.

Sadyang ang kasalanan kailanma’y di maikukubli. Itago man natin ito sa dilim, malalantad pa rin ito. Ibaon man ito sa pinakamalalim, mahuhukay pa rin.

Tulad ng isang bullet-guided missile. Pag ito’y pinakawalan mo, tiyak na tatamaan ang inaasintang target.

Gayon din ang kasalanan. Hindi mo matatakasan at maiilagan ang bullet-guided missile ng Diyos. Tiyak ika’y matatagpuan.

Your sin will surely find you out.” – Number 32:23

Kung gayon, bakit pa magpapakalayo? Bakit pa magpapakatago? Bakit pa ikukubli ang maling gawi? Bakit pa magmamaang-maangan sa kasalanang nagawa?

Lumapit na sa Diyos at manumbalik sa Kaniya. Ihingi ng kapatawaran ang kasalanang nagawa. Ihingi ng tawad ang pagsuway sa Kanya.

Kapatawaran naman Niya’y laging nakalaan sa mga nagpapakumbabang lumalapit sa Kanya.

Kapatid, kaibigan… ikaw ba ang salarin? Hindi pa huli ang lahat. Tumindig ka’t manumbalik na sa Kanya.

Isang pagbubulay-bulay.

Tuesday, January 12, 2010

Tulog o Nagtutulug-tulugan

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"But Jonah had gone down into the lowest parts of the ship, had lain down, and was fast asleep." - Jonah 1:5

Sa nakaraan nating Pagbubulay-bulay, ating natunghayan ang pagsuway ni Jonah sa iniutos ng Diyos na pumunta sa Nineveh upang pangaralan ang mga tao roon. Sa halip na tumungo sa Nineveh, siya’y tumakas papunta sa Tarsis lulan ng isang barkong papunta roon.

Subalit nang nasa kalagitnaan na ng dagat ang barkong sinakyan, inabot ito ng isang napakalakas na unos na halos ikalubog nito. Balisa’t di malaman ng mga tripulante kung anong gagawin. Nanalangin na sila sa kani-kanilang diyos subalit di pa rin humupa ang bagyo. Sa gitna ng ganoong kalagayan, si Jonah ay nakuha pa ring matulog ng pagkahimbing-himbing na di alintana ang panganib na maaaring sapitin.

Nang mga oras na iyon, di lamang mata ang kanyang ipininid, kungdi maging ang puso niya’y sarado, at ang katauhan niya’y manhid sa nangyayari na ang bagyong nararanasan ay sanhi ng kanyang pagsuway.

Siya nga kaya’y sadyang tulog o nagtutulug-tulugan lamang?

Sabi sa Psalms 119:70, “their hearts are callous and unfeeling”. Manhid at walang pakiramdam.

Ganito ang nagagawa ng kasalanan. Lalo na’t kung nakagawian na ang paggawa ng mali at likong pamumuhay. Nagkakakalyo ang puso. Hindi na tumatalab ang Salita ng Diyos at maging ang mga paalala ay di na rin pansin. Kung kaya’t maging ang mga pagpapalo ng Diyos ay di na rin iniinda.

Ganito ang naganap kay Jonah. Sa tahasang pagsuway niya sa Diyos, di niya pinansin ang unos na nararanasan at ang panganib na lumubog ang barkong sinasakyan, makatakas lamang sa utos ng Diyos na pumunta sa Nineveh.

Siya kaya’y sadyang tulog o nagtutulug-tulugan lamang. Nalulong na sa kasalanan. Manhid na ang katauhan. Wala ng pakiramdam.

Ganito rin kaya tayo? Hindi pa huli ang lahat. Ang unos na ating nararanasan sa buhay ay maaaring sanhi ng ating pagsuway. Tayo’y pinapaalalahanan ng Diyos kung kaya’t gumising at tumalima sa Kanyang utos. Huwag magtulug-tulugan. Bumangon at ayusin ang buhay.

Nanaisin pa ba nating lumubog ang barkong sinasakyan? Dahil tayo’y tulog at manhid na sa paggawa ng kasamaan.

Gumising. Magsisi na’t lumapit sa Diyos. Kapatawaran Niya’y laging laan kung sa Kaniya’y dudulog.

Kapatid, kaibigan… hindi pa huli ang lahat.

Isang Pagbubulay-bulay.

Sunday, January 10, 2010

Alalahanin Mo Siya

Mula sa "Munting Tanglaw" ni Alex Ventura

"Alalahanin mo ang Lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng buhay." - Mangangaral 12:1

Alalahanin mo Siya bago pa humina ang iyong katawan, bago manghina ang iyong mga bisig, bago mawala ang lakas sa iyong mga tuhod. Alalahanin mo Siya bago mabungi ang iyong mga ngipin at bago lumabo ang iyong mga mata. Alalahanin mo Siya bago ka mawalan ng pandinig na halos di mo na marinig ang ingay ng gilingan, ang huni ng mga ibon at himig ng awitin.

Alalahanin mo Siya bago dumating ang panahon na katakutan mo na umakyat sa itaas, bago dumating ang panahon na hindi ka na makalakad na mag-isa, bago pumuti ang iyong buhok, at lipasan ng kamalayan sa buhay. Alalahanin mo Siya bago mapigtas ang tali ng timba at itoy bumagsak at masira. Alalahanin mo Siya bago manumbalik sa lupa ang ating katawang-lupa at ang ating espiritu ay magbalik sa Dios na may bigay nito.

Ito ang tinagabilin sa atin sa Mangangaral 12:1 - "Alalahanin mo ang Lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng buhay"

Alalahanin mo ang Dios bago magkubli ang sikat ng araw, bago magdilim ang buwan at mga bituin, bago ka lambungan ng makapal at madilim na ulap.

Alalahanin mo si Yahweh na ating Dios na buhay na Siyang may lalang sa atin, pumili sa atin, ang nag-ingat sa atin. Dios na sa gabi’y nagmimistulang nagliliyab na apoy upang mabigyan ng liwanag ang kapaligiran at nagbibigay init sa nanlalamig nating mga kalamnan, at sa umaga naman Siya’y nagmimistulang ulap, upang tayo ay kanyang limliman sa init ng araw. Ang Dios na mabuti, ang Dios na tapat, at ang Dios na hindi nagbabago, Siya ang Dios noon, ngayon at magpakailanman at magpawalang-hanggan.

Alalahanin natin ang mga kabutihan na Kanyang ginawa sa ating buhay, pasalamatan natin Siya, dakilahin natin Siya, purihin natin Siya at sambahin natin Siya. Sapagkat Siya ang Dios na sumasanggalang sa lahat ng nagliliyab na palaso ng kaaway na ibig tayong saktan at wasakin ang ating buhay.

Nawa’y maging isang munting-tanglaw po sa atin ang munting-aral na ito upang maging mungting gabay sa ating paglago bilang Kristiyano
.

Saturday, January 9, 2010

Takas

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"But Jonah arose to flee to Tarshish from the presence of the LORD." - Jonah 1:3

Sa aklat ng Jonah ay mababasa natin ang isang kaganapan ng pagsuway at pagtalikod sa iniuutos ng Diyos.

Sa unang talata ng aklat, tinawag ni Yahweh si Jonah at inatasang tumungo sa bayan ng Nineveh upang sila’y pangaralan sapagkat suko na sa langit ang kanilang kasamaan.

Subalit ito’y di ginawa ni Jonah. Sa halip na sumunod, ipinasiya niya na magtago sa Tarsis sa pag-aakalang malayo na iyon kay Yahweh. Nakakita siya ng isang barko sa Joppa na patungo sa Tarsis, kaya’t agad-agad siyang sumakay doon.

Subalit, nakatakas nga ba si Jonah sa presensiya ng Diyos? Hindi na nga ba siya nakita’t natagpuan ni Yahweh?

Ang Diyos ay nasa lahat ng dako. He fills heaven and earth. Kung kaya’t walang bahagi sa mundo at sa langit na maaari nating pagtaguan at di Niya tayo matatagpuan.

Sabi sa Psalsm 139:7-10 – “Where can I go from your Spirit? Where can I flee from your presence? If I go up to the heavens, you are there; if I make my bed in the depths, you are there. If I rise on the wings of the dawn, if I settle on the far side of the sea, even there your hand will guide me, your right hand will hold me fast.”

Hindi tayo makapagtatago sa Diyos. Ito ang naranasan ni Jonah at ito ang mararanasan din natin. Kahit saang sulok pa ng mundo tayo magpakatago-tago, kahit sumiksik pa tayo sa pagkadilim-dilim na lugar, kita’t tanaw pa rin tayo ng Diyos. Matatagpuan Niya pa rin tayo.

Kung gayon, bakit pa magpapakalayo? Bakit pa susuway sa utos Niya sa halip na sumunod? Na kung may kailangan tayo’t gipit na, sa Kanya pa rin naman tayo tatakbo at hihingi ng tulong.

Hindi tayo makakatakas sa Kanyang presensiya. Walang bagay o kaganapan na di Niya alam at di nakikita.

Kung kaya’t sa halip na tumakas, sa halip na magtago, sa halip na sumuway sa Kanyang utos, tayo’y tumalima sa Kanyang ipinagagawa at manatili sa Kanyang presensiya.

Kapatid, kaibigan... nasaan ka ngayon? Ikaw ba’y nasa lugar na pinapupuntahan sa’yo ng Diyos, o ikaw animo’y isang takas?

Kung gayon, ikaw ay manumbalik. Sumuko ka na sa Diyos.

Isang Pagbubulay-bulay.

Wednesday, January 6, 2010

Wala Lang


Mula sa Panulat ni Max Bringula

Woe to you who are complacent in Zion”. – Amos 6:1

Wala lang” – yan ang katagang madalas kong naririnig sa mga kabataan ngayon. Na kung tama ang aking interpretasyon, ang ibig sabihin ay “sige lang bahala ka, I don’t care anyway.” Isang ugaling walang keber o paki sa nangyayari sa kanyang paligid. Ang pagwawalang-bahala bagamat may mahalagang dapat gawin. “Wala lang” yan ang agad isasagot syo kapag tatanungin mo na. Sa madaling salita, dedma. Bahala ka, anong paki-alam ko.

Maraming ganito sa atin, sa buhay espirituwal o maging sa araw-araw nating buhay. Nagkikibit-balikat lamang at walang ginagawa bagama’t mayroong dapat gawin. Kuntento na lamang at pa-upo-upo, kukuya-kuyakoy. Nakahiga’t nagkakamot ng tiyan sa halip na kumilos. Sa tuwirang salita ay tamad. Ang mga ganyan ay di dapat pakainin. Ito ang tahasang sinabi ni Paul sa 2 Thessalonians 3:10, “If a man will not work, he shall not eat.” Huwag pakainin ang tatamad-tamad. Huwag palamunin ang mahilig magsabi ng “wala lang”.

Gusto nyo ba yon? Naku, siguradong maraming aapela at mag-aalsa balutan. Kung gayon, tumindig ka, wag laging nakahilata. Ayaw mo palang magutom, puwes magtrabaho ka. Huwag palaging sambit ay “wala lang”.

Ang mga ganito’y kinamumuhian ng Diyos. Sa Amos 6:1, ito ang sinabi ni Propeta Amos sa bayang Israel noong sila’y nagwawalang bahala sa kalagayan ng kanilang bayan, “Woe to you who are complacent in Zion”. Kahabag-habag kayong namumuhay ng maginhawa sa Sion. Kaawa-awa naman kayo. Akala ninyo’y ang sarap ng buhay nyo. Sa totoo’y hindi pagkat kayo ang unang ipatatapon ng Diyos.

Namumuhi ako sa labis na kapalaluan ng Israel. Hindi ako nalulugod sa kanilang mga palasyo. Ibibigay ko sa kaaway ang buong lunsod at lahat ng naroroon.” Ito ang sinabi ng Diyos sa kanila sa Amos 6:8.

Nais din ba nating maranasan ang ganito? Dahil lamang sa ating pagwawalang-bahala at pagsasabi ng “wala lang” bagama’t mayroon kang dapat gawin.

May iniuutos ba ang Panginoon syo na dapat mong tupdin? May mga aral bang itinatagubilin Siya na dapat mong sundin? May mga paalala ba siya syo na dapat mong bigyan ng pansin?

Tumalima ka na ba o nagkikibit-balikat lamang at nagsasabing “wala lang”.

Kapatid, kaibigan… huwag nating tularan ang mga taga-Sion. May magagawa ka at dapat gawin. Tumindig ka’t gawin mo na. Ngayon na.

Now na” yan ang sabihin mo. Hindi ang “wala lang”.

Isang Pagbubulay-bulay.

Monday, January 4, 2010

A Straight Line

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Trust in the LORD with all your heart and lean not on your own understanding;
in all your ways acknowledge him,and he will make your paths straight
." - Proverbs 3:5-6

Isa sa mga principles sa Algebra says that “the shortest distance between two points is a straight line”.

Na kung lalapatan ng praktikal na aplikasyon, ang ibig sabihin ay - ang pinakamadaling paraan daw para marating agad ang lugar na pupuntahan ay ang tuwid na daan o straight line. Not the crooked line, nor the zigzag line.

Ito’y isang payak na katotohanan na di naman mahirap unawain. Na kung ang paglakad natin sa buhay ay di tuwid bagkus marami tayong mga short-cuts at paliko-likong gawi, maraming biglang liko sa kanan o sa kaliwa, maraming stop-over sa halip na diretso agad, tiyak na aabutin tayo ng siyam-siyam bago makarating sa ating pupuntahan.

Nung araw galit na galit si Inay sa akin dahil kapag ako’y inuutusan bumili ng suka o toyo o ng ano pa mang bagay sa bahay inaabot ako ng halos trenta minutos yata o isang oras dahil kung saan-saan pa ako nagagawi o nasusuong bago marating ang tindahan at bilhin ang iniuutos ni Inay. Makikipag-huntahan muna ako sa mga kalaro ko at makikipag-usyoso muna kung minsan. Kaya natuyuan na yung adobong niluluto ni Inay bago pa ako makabalik muli.

Minsan ganito rin maihahambing ang ating buhay-espirituwal o maging ang ating pang araw-araw na buhay. Hindi natin marating agad o masunod ang iniuutos sa atin ng Panginoon na puntahan o gawin pagkat marami tayong mga stopover sa buhay. Mahilig tayong lumiko sa halip na diretso lamang. Yung sariling diskarte ang sinusunod natin sa halip ang sa Diyos. Ang buhay natin ay puno ng trial and error. Akala natin yung ginagawa natin ang tama, subalit ang kinalalabasan ay mali pala.

Sabi sa Proverbs 14:12, “There is a way that seems right to a man, but in the end it leads to death”. Ganito rin ang sinasabi sa Proverbs 16:25.

Dalawang beses binanggit ang ganito sa Banal na Kasulatan upang bigyan babala ang tao sa mga kalikuang gawi na akala nila’y tama at siyang laging nais gawin subalit ito ang ikinapapahamak niya.

Sa pagpasok ng Bagong Taon, nawa’y atin nang ituwid ang liko-liko nating pamamaraan sa buhay. Iwasan ang trial and error bagkus sundin at isangguni sa Kaniya ang lahat ng balakin natin sa buhay. Ang Kanyang gawi ang ating sundin at tularan, at tiyak na magiging matuwid ang ating buhay.

Proverbs 3:5-6 says, “Trust in the LORD with all your heart and lean not on your own understanding; in all your ways acknowledge him, and he will make your paths straight.”

Tutuwirin Niya ang ating liko-likong daan, ang masalimuot nating buhay kung tayo’y sa Kaniya ay magtitiwala at susunod sa Kanyang mga tagubilin.

Kapatid, kaibigan… ang daang nilalakaran mo ba ngayo’y tuwid o maraming mga liko?

Paka-tandaan na ang daan tungo sa matuwid na buhay ay ang diretsong paglakad sa gabay ng ating Panginoon. The shortest distance between two points is a straight line.

Isang Pagbubulay-bulay.