Iba't Ibang Tanawin

Loading...

Wednesday, November 11, 2009

Magalak Ka!

Mula sa Panulat ni Max Bringula

Count it all joy…” – James 1:2

Nakapagpapa-bata raw ang pag-ngiti. Kapag tayo’y masayahing tao, hindi agad tayo tumatanda. Kahit Golden Years na, mukha pa ring 37 years old. Wala pang gitla na mababanaag sa kanyang noo. Bagama’t umiimpis na ang buhok at unti-unti nang sumisilip ang anit, “baby-looking” pa rin ang kanyang aura. “Masayahin kasi”, sabi nila.

Tunay na malaki ang nagagawa ng pagiging masayahin. Yung iba nga ay nanatiling pa rin feeling-eighteen sa paglipas ng panahon. Palagi na lang nagde-debut. Bagamat yung iba ay sadyang ipinako na ang edad sa trenta at thirty-one para raw nasa kalendaryo pa rin.

Ano man ang dahilan ng pananatili nating bata sa paningin, sa itsura man o sa ugali, malaking tulong kung tayo ay laging may taglay na ngiti sa pagharap sa hamon ng buhay.

Ito ang itinuturo sa atin ng Kanyang Salita na ating pagbubulay-bulayan sa James 1:2, “Magalak kayo!” Count it all joy.

Magalak kayo kapag kayo’y dumaranas ng iba’t ibang pagsubok, sapagkat alam ninyo na lalong magiging matatag ang inyong pananampalataya matapos ninyong pagtagumpayan ang mga pagsubok na iyan.” Ito ang wika sa atin ng kapatid na si Santiago.

Ito raw ang sikreto. Na sa bawat hamon ng buhay, sa mga pagsubok na dumarating, sa mga suliraning nararanasan, sa mga hirap na binabata, at mga lungkot na nadarama, ngiti raw ang ating isukli. “Count it all joy” ang wika sa ingles.

Magalak ka pagkat ito’y magiging daan upang lalo pang tumibay ang ating pananalig kung ipagkakatiwala sa Diyos ang nararanasang hirap at mabibigat na pagsubok.

Magalak ka pagkat pagkakataon ito upang mamalas ang kapangyarihan ng Diyos, madama ang Kaniyang pagmamahal at maranasan ang Kanyang pagkilos sa ating buhay.

Magalak ka pagkat pagkakataon din ito upang higit pa tayong makapag-impok ng kayamanan sa kalangitan sa pamamagitan ng ating patuloy na paglilingkod kahiman dumaraan sa matitinding hirap at pasakit.

Magalak ka pagkat may panibagong aral tayong matutunan na magiging tulay natin upang lalo pang maging matatag nang sa gayon ay maging daan din tayo upang maging pagpapala sa iba.

Magalak ka sapagkat sa pamamagitan ng pagsubok na ating pinagdaraanan, pagpapala ang kapalit nito matapos mapagtagumpayan.

Kapatid, kaibigan… ikaw ba’y dumaraan ngayon sa mabibigat na pagsubok? Dumaranas ng hirap at pasakit. Magalak ka!

Ituringn mo itong isang kagalakan, pagkat ito’y karagdagan sa lalo pang ikalalakas at ikatatag ng iyong pananampalataya kung ito’y ating mapagtatagumpayan.

Magalak ka pagkat kasama mo Siya.

Isang Pagbubulay-bulay.

Tuesday, November 10, 2009

Bro...

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"That at the name of Jesus every knee should bow, in heaven and on earth and under the earth, and every tongue confess that Jesus Christ is Lord." - Philippians 2:10

Palasak mong maririnig ngayon ang tawagang “bro” sa mga kalalakihan, bata man o matanda ang kausap. Ito ang kadalasang tawag ngayon sa mga magba-barkada, mag-kumpare, magkaibigan o maging sa sino mang makausap. Ito’y karagdagan sa dati ng tawagang “pare, tol, dre, at brod”. Sa mga magagalang naman, ang tawag ay “kuya” na siyang tagalong ng “bro”. (Sa mga kababaihan, “sis” naman ang tawag o kaya’y “ate”).

Nagsimulang maging word-of-mouth ang “bro” dahil kay Santino, ang bidang-karakter sa TV series na “May Bukas Pa”. Sa nasabing serye, nakikita’t nakakausap ng harapan ni Santino si Hesus na ang tawag niya ay “Bro”. Bagamat sa telebisyon ay di ipinapakita ang mukha ng karakter ni Hesus kungdi ang likod lamang.

Masasabing malaki ang nagagawa o impluwensiya ng media (radio, TV at diyaryo) sa isipan ng tao. Tumatatak sa kanilang isip ang nababasa, napapanood at naririnig kung kaya’t ito ang kanilang nagagaya, intensiyonal man o hindi. Tulad ng pagtawag ng “bro”. Ngayon, di lang sa magka-kaibigan, magkaka-barkada maririnig ang tawagang “bro”, kungdi maging sa Panginoong Hesus, ang tawag na ng iba’y “bro”.

Minsan ako’y nakapanood sa TV ng isang iniinterbiyu. Narinig ko sa isa sa kanyang sagot ang “at saka kay bro” sabay turo sa itaas na ang ibig sabihin na yung “bro” na kanyang pinatutungkulan ay ang Diyos.

Subalit ganito nga ba nararapat na ituring o itawag natin sa Diyos na may lalang ng langit at lupa? Sa Kanya na lumikha sa atin at nagbigay ng buhay?

Bagama’t ang salitang “bro” ay “brother” sa ingles na siya namang totoo na Panganay nating Kapatid si Kristo. Mababasa ito sa Romans 8:29, “For those God foreknew he also predestined to be conformed to the likeness of his Son, that he might be the firstborn among many brothers.”

Subalit higit pa sa Panganay na Kapatid si Kristo sa atin. Siya ang ating Panginoon, Tagapagligtas at Nag-iisang Diyos.

Tama lamang na ituring nating Panganay na Kapatid ang ating Panginoong Hesus. Subait mas mainam at nararapat na Siya’y tawagin nating Panginoon at Diyos sa halip na “bro”.

Sabi sa Isaiah 45:24, “Ang lahat ng tuhod ay luluhod, ang lahat ng labi ay magsasabi na si Hesus ay Diyos”.

Siya ang Panginoon ng mga panginoon, Hari ng lahat ng mga hari. - Rev 17:14

Si Hesus ay di lamang “bro”, Siya ang ating Panginoon, Tanging Tagapagligtas at Makapanyarihang Diyos.

Kaibigan, kapatid, bro... pagbulay-bulayan natin ito.

Monday, November 9, 2009

Tinig Niya'y Dinggin

Mula sa Panulat ni Max Bringula

In the past God spoke to our forefathers through the prophets at many times and in various ways, but in these last days he has spoken to us by his Son.” – Hebrews 1:1-2

Tulad ng isang mabuting ama, ang ating Diyos Ama sa langit ay laging sa atin ay nagbabantay. Tinatanaw at buong pagmamahal tayong pinagmamasdan. Nalulugod kapag tayo’y tapat na sumusunod sa Kanyang utos at naninimdim kung tayo’y sumusuway.

Sa lahat ng panahon, laging nakalaan ang Kanyang paalala. Ang kanyang pagtuturo’t pagtutuwid. Tinig Niya ang sa tuwina’y ating mapapakinggan.

Nasaan kayo?” ang tanong Niya kay Adan at Eba nang sila’y sumuway sa Kanyang iniutos na huwag kainin ang bunga ng puno sa gitna ng hardin (Genesis 3:6-9).

Halika” ang paanyaya Niya kay Pedro nang ang huli ay humiling kay Hesus na makalakad din sa ibabaw ng tubig tulad Niya (Matthew 14:28-29).

Ano ang ibig mong gawin ko?” ang pagtatanong Niya sa dalawang bulag na lumapit sa Kaniya at nagsusumamong sila’y pagalingin (Luke 18:35-41).

Huwag kayong matakot” ang madalas na binibigkas Niya sa Kanyang mga alagad bilang paghahanda sa mas mataas na antas ng kanilang paglilingkod (Luke 12:32).

Pagpapala ang iniiwan ko sa inyo” ang madalas Niyang tagubilin sa lahat (John 14:27, 20:21, 26).

Hindi kita iiwan, hindi kita pababayaan” ang buong pagmamahal na pangako Niya sa atin (Hebrews 13:5).

Ang Diyos ay di nagbabago. Siya pa rin noon, ngayon at bukas. Kung papaano Siya nangusap at tumatawag noon, ganoon pa rin hanggang ngayon ang Kanyang pagtawag at pagtuturo sa atin.

Sa pamamagitan ng Kaniyang mga Salita na ating naririnig, nababasa at pinagbubulay-bulayan, tayo’y Kanyang kinakausap at pinapaalalahanan. Nag-aanyaya Siya na sa Kanya’y lumapit at ibigay ang ating buong pagtitiwala. Ipinadarama Niya ang Kanyang wagas na pagmamahal at tinitiyak Niya ang Kanyang pag-iingat kailaman.

Kapatid, kaibigan… naririnig mo ba ang Kanyang tinig? Pinapakinggan mo ba ang Kanyang mga tagubilin?

O hanggang ngayo’y di mo Siya pinapansin. Binabalewala at di binibigyan ng oras at panahon.

Huwag nang patigasin ang ating puso. Huwag nang magbingi-bingihan pa. Tinig Niya’y dinggin.

Ngayon na. Now na.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

Ama Namin Diyos na makapangyarihan. Diyos na nakababatid ng laman ng puso’t isipan ninuman. Diyos na sa ami’y palaging nagtuturo’t nagtutuwid, salamat po sa Inyong mga Salita na patuloy naming napapakinggan. Sa Inyong tinig na patuloy naming naririnig. Aking dalangin na ako’y turuang palaging makinig sa Inyong mga turo at dinggin tuwina ang Inyong tinig na sa aki’y laging ipinaririnig. Sa Ngalan ni Hesus, Amen.”

Sunday, November 8, 2009

Ang Ating Dating Kinagawian

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Three times a day he got down on his knees and prayed, giving thanks to his God, just as he had done before." - Daniel 6:10

Madalas nating maririnig ang pagkukumpara ng panahon noong araw sa ngayon. Na noong araw daw ay simple lang ang buhay di tulad ngayon na masyadong kumplikado at masalimuot. Tahimik at banayad ang lahat di tulad ngayon na nagmamadali at animo’y kulang ang dalawamput-apat na oras.

Minsa’y naaalala rin natin at binabalik-balikan ang mga dating kinagawian. Noong tayo’y buong saya at sigla na naglalaro ng patintero, luksong-tinik, tumbang-preso, habulan, taguan at iba’t iba pang laro hanggang sa abutan na ng takip-silim at maririnig na lamang natin ang tawag ni Nanay na “uwi na, gabi na!”
Masarap. Masaya. Lalo na’t kung ang mga dating kinagawian ay matuwid at kalugod-lugod sa Kaniya. Kinagawian na dapat patuloy na gawin at di kalimutan.

Tulad ng ating mababasa sa Daniel 6:10 kung saan itong si Daniel ay hindi kailanman nilimot ang dating kinagawian na manalangin.

Three times a day he got down on his knees and prayed, giving thanks to his God, just as he had done before.”

Si Daniel ay ehemplo ng mapanalanginin. Tatlong beses sa isang araw kung siya’y manalangin – umaga, tanghali at gabi. Laging nagpapasalamat sa Diyos tulad ng kaniyang nakagawian. Bahagi na ng buhay ni Daniel ang manalangin. Kahiman saan siya naroroon, ano man ang kanyang ginagawa, at ano man ang kaniyang kalagayan at kinatatayuan.

Hindi niya nililimot kailanman ang mahalagang bagay na ito – ang manalangin.

Sa ating buhay-espirituwal, sa ating paglakad bilang mga lingkod Niya, huwag din nating lilimutin ang dating kinagawian. Tulad noong tayo’y makakilala sa Kanya – ang init ng ating paglilingkod, ang kasabikan sa Salita ng Diyos, ang kagalakan na makipag-fellowship sa mga kapatiran, at ang kasigasigan na manalangin.

Sa bawat paglipas ng panahon, habang nadaragdagan ang taon sa ating buhay, habang patuloy na pinadadalisay ng Panginoon ang pananampalatayang kaloob Niya sa atin, sikaping hindi malilimutan ang mga dating kinagawian.

Manalangin, maglingkod, magbulay-bulay ng Kanyang Salita at dumalo sa Kanyang gawain. Huwag manghinawa. Huwag manlamig. Bagkus patuloy na pagningasin ang alab ng ating dating kinagawian.

Kapatid, kaibigan … ano ang iyong pinagkaka-abalahan sa ngayon?

Gaano kadalas kaya tayong manalangin ngayon? Gaano kasidhi ang ating pagnanais na makarinig ng Kanyang mga turo o tayo kaya’y nanghihinawa na sa pagtutuwid Niya?

Tumatatak pa ba sa ating isipan ang mga Pagbubulay-bulay na ating nababasa? Sinusunod ito’t di kinalilimutan.

Pakalimiin ang bagay na ito. Tingnan at suriin natin ang ating mga gawi.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

Panginoon naming Diyos na dakila. Tunay nga po na napakasarap at napakainam na gawin at sundin ang Inyong mga Utos. Ang patuloy na tupdin ang Inyong kalooban. Turuan po Ninyo akong laging sumunod at tumalima sa Inyong nais. Ang patuloy na manalangin, mag-aral at magbulay-bulay ng Inyong Salita, ang maglingkod at dumalo sa Inyong mga gawain tulad ng dati ko ng nakagawian. Ilayo po Ninyo ako sa gawa ng kalaban, bagkus patuloy na manatili sa Inyong presensiya. Sa Ngalan ni Hesus na aking Panginoon ito po ang aking dalangin. Amen.”

Saturday, November 7, 2009

Salita Ko'y Iyong Kalugdan

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"May the words of my mouth and the meditation of my heart
be pleasing in your sight, O LORD, my Rock and my Redeemer
." – Psalms 19:14

Isang bagong umaga na naman ang ating nasilayan. Isang panibagong araw ng pagsunod at paglilingkod. Isang bagong pagkakataon na makapag-impok ng kayamanan sa kalangitan. Salamat sa Panginoon. Papuri sa Kanya.

Subalit ito nga ba ang numumutawi at ating mga labi pag-gising sa umaga? O pagka-aga-aga pa lamang ay para ng tambutso ng tren ang inyong bunganga sa kakaputak. Sa pagrereklamo sa tahanan man o sa trabaho.

Ni hindi ka na nakapag-usal ng panalangin at pasasalamat dahil nagmamadali ka’t male-late na sa trabaho dahil late ng nagising, dahil late na ring natulog dahil inumaga sa panonood, sa kaka-chat, at sa kaka-text.

Na sa halip na magbulay-bulay sa Salita ng Diyos, pakikipag-tsika-tsika agad ang inatupag, ni hindi pa nakapagmumumog, pakikipag-tsismis na agad sa kapitbahay ang inuna. Yun na ang ang kanyang umagahan. Talagang kinarir kumbaga ang pakikipag-huntahan. Pakikipag-bangkaan muna ang inasikaso bago ang trabaho. Buhay naman ng may buhay ang pinag-pipiyestahan.

Nalulugod kaya ang Diyos sa atin ng ganito?

Sabi ng Psalmist “May the words of my mouth and the meditation of my heart be pleasing in your sight, O LORD, my Rock and my Redeemer.”

Nawa o Diyos ang mga salitang magmumula sa aking bibig at ang pagmumuni-muni ng aking puso ay makapagbigay kaluguran sa Iyo.

Simulan natin ang linggong ito ng mainam. Maghandog ng pasasalamat at papuri sa Diyos. Ingatan ang mga salita na mamumutawi sa ating bibig. Iwasang makapanakit ng kalooban ng iba. Maging mahinahon at wag padalus-dalos sa salitang ating bibitawan. Pagkat ang ano mang salitang ating bigkasin mula sa ating mga labi ay maaaring makapagbigay-buhay at sigla sa iba, o makapagdulot ng sama ng loob at makapaglikha ng kagalit o kaaway.

Sikapin nating malugod ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng bawat salita na ating bibigkasin. Nawa’y ito’y salita ng pagpapala, ng kalakasan at ng Salitang nagbibigay-buhay na walang iba kungdi ang ating Panginoong Hesus.

Nawa’y salita natin kalugdan ng Panginoon.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

"O Diyos Ama naming sa langit, kapuri-puri po kayo sa Inyong mga ginawa at patuloy na ginagawa sa aming buhay. Salamat po sa bagong umagang inyong kaloob, sa bagong buhay na nagmumula sa Inyo. Turuan po Ninyo ako na palaging maalala ang inyong kabutihan at katapatan upang sa labi ko’y pagpupuri at pasasalamat ang lagi ng mamutawi. Nawa’y malugod po kayo sa mga salitang bibigkasin ng aking mga labi at sa mga Salita ninyong pinagbubulayan ng aking puso. Sa Ngalan ni Hesus, ito po aking pagsamo. Amen.”

Wednesday, November 4, 2009

Isang Munting Liwanag


Mula sa Panulat ni Max Bringula

And God said, "Let there be light," and there was light.
God saw that the light was good. (Genesis 1:3-4)

Kapag tayo’y nasa isang madilim na lugar kung saan buong paligid ay nababalot ng kadiliman at walang liwanag na maaninag, ang isang maliit na sindi mula sa kandila o palito ng posporo ay napakalaking tulong na. Nagkakaroon ng kislap sa ating mga mata kapag nasilayan ang isang munting liwanag.

Kapag madilim ang lugar na ating nilalakaran, tayo’y kakapa-kapa, buong ingat sa ating paghakbang dahil baka makabangga o matapilok kaya. Kung kaya’t kapag isang munting liwanag ang iyong nasilayan, dulot nito’y napakalaking kagalakan.

Kapag madilim ang paligid na iyong kinaroroonan, kaba at takot ang maaaring madama. Aandap-andap ka at kakaba-kaba. Subalit kapag isang munting liwanag ang ating maaninag dulot nito’y kakaibang sigla at saya.

Ganito ang nadama ng likhain ng Diyos ang liwanag. Dilim ang bumabalot noon sa buong paligid. Sinabi Niya, “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. Nasiyahan ang Diyos nang ito’y mamasdan. (Genesis 1:3-4)

Ganito rin ang ating nadarama kapag sa gitna ng kaguluhan, ng kalungkutan at pighati, sa animo’y kawalan ng pag-asa sa buhay, ang isang munting liwanag dulot ay ibayong kalakasan at pag-asa.

Sa ating buhay ay may isang nagbibigay-liwanag sa gitna na kadilimang nararanasan. Dulot Niya’y isang liwanag na nagbibigay-buhay.

"I am the light of the world. Whoever follows me will never walk in darkness, but will have the light of life." (John 8:12)

Sa Kanyang piling ay walang kadiliman, walang kaguluhan at walang kabalisaaan. Na maging sa gitna ng pagsubok at mga suliranin, kalakasan at tagumpay ang kaloob Niya.

Siya ay si Hesus – ang tunay na liwanag. Ang sinumang susunod sa Kaniya ay di na lalakad sa kadiliman, bagkus magkakaroon ng liwanag ng buhay.

Isang munting liwanag lang dulot na’y buhay na walang-hanggang.

Kapatid, kaibigan, nasasaiyo na ba ang liwanag o kadiliman pa rin ang iyong tinatahak?

Si Hesus ay tanggapin at papasukin sa iyong puso. Paghariin Siya sa iyong buhay at ang liwanag Niya’y iyong makakamtan.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

O Diyos Ama namin sa langit, Diyos ng liwanag na nagbibigay-buhay, aking idinudulog ang sarili sa iyong mga kamay. Mula sa kadiliman ako po’y inyong dalhin sa liwanag. Pinagsisihan ko pa ang aking pagsalangsang at mga kasalanan. Patawarin po Ninyo ako’t linisin sa aking karumihan. Maghari nawa Kayo sa aking puso at liwanag Ninyo ang aking lakaran. Ang liwanag Niyo nawa ang mamalas sa aking buhay. Sa Ngalan ni Hesus na aking Diyos at Panginoon. Amen.”

Tuesday, November 3, 2009

Luha

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Jesus wept." (John 11:35)

"Kung may kakayahan lang ang mga luha na sabihin ang mga dapat mong marinig, habang buhay akong iiyak dahil my mga bagay na puso lang ang nakakakita at luha lang ang may kakayahang magpadama."

Matalinghaga subalit puno ng katotohanan. Na maraming buting idinudulot ang pag-luha o pag-iyak. Ito man ay isang simpleng hikbi at pagpatak ng luha sa iyong kanang pisngi o isang malakas at nakakabinging pag-atungal.

Ayon sa mga medical personnel, nakakabuti raw ang pag-iyak pagkat nililinis nito ang ating mga mata. Ang totoo, hindi lang ang ating mata ang nalilinis, kungdi inaalis pa nito ang bigat na nararamdaman ng ating puso.

Sabi nga sa isang awit na aking narinig sa TV AD ni Sen. Manny Villar tungkol sa mga distressed OFWs, “Sige lang huwag mong pipigilan. Iiyak mo lang ang lahat sa buhay. Iiyak mo lang at ika’y tutulungan. Sige lang.”

Pinapawi ng luha ang ano mang sakit, hapdi at lungkot na ating nadarama. Pinaluluwag nito ang nagsisikip nating dibdib.


Kaya, sige lang. “Iiyak mo.” Huwag ng mahiya. Huwag ng magpa-macho-effect at magsasabing “lalaki ako. Hindi ako iiyak. Lalaki ini.” Hindeh! Ang pilit mong pagmamatigas. Subalit kapag napag-isa na, sabay atungal na akala mo kambing na kinakatay.

Yung iba ayaw pa talagang mapapansing sila’y naiiyak. Lalo na’t kapag nanonood ng ma-dramang pelikula tulad ng movie ni Vilma Santos na “Anak”. Na kapag walang nakakakita ay biglang pahid sa nagngingilid ng luha sa mata na kunwari’y napuwing laang. Yung iba, medyo “Mam, may I go out” muna, pero yun pala ay iiyak lamang dahil kanina pa naninikip ang dibdib sa bigat na nararamdaman.

Minsan nama’y di mo namamalayan, pumapatak na pala ang luha sa iyong mata. Garalgal na ang iyong pananalita. Lumuluha ka na pala.

Kaya, sige lang, wag mahiya. Iiyak mo lang.

Ang sanggol nga pagkasilang, iyak agad ang salubong niya sa pagpasok sa magulong mundo. Ito nga kaya’y iyak ng takot at pangamba o iyak ng kagalakan? Mabuting tanungin natin ang sanggol. Yun nga lamang, iyak din ang isasagot niya sa atin lalo na kung nagugutom na’t kailangan nang uminom ng gatas.

Luha. Mainam ito sa atin. Ito’y nagpapahayag ng ating saloobin. Sinasalamin nito ang ating nararamdaman. Ipinapadama nito ang nais bigkasin ng ating puso na di masambit ng ating labi.

Ang Panginoon man ay umiyak at lumuha. Ang pinaka-maikling talata na mababasa natin sa Bibliya ay nang ang Panginoon ay umiyak. “Jesus wept” ang inihayag ng John 11:35. Iniyak ng Panginoon ang lungkot na nadama sa pagkamatay ng kanyang matalik na kaibigang si Lazarus.

Gayundin, nang makita Niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng Kanyang bayang Israel, iniyak Niya rin ito. “As he approached Jerusalem and saw the city, he wept over it.” (Luke 19:41)

Kaya nga’t ang Panginoon ay nagbigay ng paanyaya sa mga nabibigatan at nahahapo. Sa mga labis na namimighati, sa nagdurusa at lumuluha, na lumapit sa Kaniya at sila'y Kanyang bibigyan ng kapahingahan (Matthew 11:28). A shoulder to cry on. Ito ang ibinibigay ng Panginoon sa atin.

Cast all your cares upon him for He cares for you.” (1 Peter 5:7)

Itangis mo sa Panginoon. Iiyak mo ang iyong nararamdaman. Huwag mahiya. Huwag mag-atubili. Higit sa lahat, itangis mo sa Panginoon ang pagkukulang at kalikuang nagagawa at ihingi ito ng tawad.

Wika Niya sa Isaiah 1:18, "Come now, let us reason together," says the LORD. "Though your sins are like scarlet, they shall be as white as snow; though they are red as crimson, they shall be like wool."

Luha. Malaki ang nagagawa ng ating pagluha. Nililinis nito di lang ang ating mga mata kungdi pati na ang ating puso.

Kapatid, kaibigan… ikaw ba’y lumuluha sa ngayon? Sige lang. Iiyak mo. Itangis mo sa Panginoon. Luha mo'y Kanyang papahirin.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

"Ama Naming Diyos na makapangyarihan at puspos ng pag-ibig sa lahat ng nalulumbay at nabibigatan. Akin pong inilalapit sa iyong mga kamay ang aking puso. Ang aking kalungkutan, mga pag-aalala at takot na nararamdaman. Kalingain Niyo po ako ng Inyong bisig pagkat Ikaw ang aking kalakasan at sa balikat Niyo ako makasusumpong ng kapahingahan. Luha ko’y inyong pahirin. Puso ko’y inyong linisin. Sa Ngalan ni Hesus na aking Panginoon, ito ang aking dalangin. Amen.”