Showing posts with label OFW. Show all posts
Showing posts with label OFW. Show all posts

Sunday, November 2, 2008

Anak - Isang Pagbubulay-bulay sa buhay-OFW




"Kung ayaw mo sa akin, ayaw ko rin s’yo. Sana di na lang ako ang naging ina mo, sana di na lang kita naging anak.

Ngayon kung iniisip mo na hindi mo ko pinili bilang isang ina mo, sana maisip mo rin na hindi ito ang buhay na pinili ko para sa mga anak ko.

Kung iniisip mo na sana ibinalik kita sa tiyan ko, sana maisip mo rin na ilang beses kung ginusto na hindi na kayo ipinanganak, para di nyo na maranasan ang hirap dito sa mundo.

Sana kahit minsan ay binigyan mo ng halaga ang lahat ng paghihirap ko sa inyo. Lahat ng sakrispisyo ko sa inyo.

Sana tuwing umiinom ka ng alak, habang hinihitit mo ang sigarilyo mo, habang nilulustay mo ang mga perang pinadala ko, sana maisip mo rin kung ilang pagkain ang tiniis kong hindi kainin para makapagpadala ako ng malaking pera dito.

Sana habang nakahiga ka riyan sa kutson mo, natutulog, maisip mo rin kung ilang taon ang tiniis ko na matulog mag-isa habang nangungulila ako sa mga yakap ng mga mahal ko.

Sana maisip mo rin kahit kaunti kung gaano kasakit para sa akin ang mag-alaga ng mga bata na di ko kaano-ano, samantalang kayo, kayong mga anak ko, na di ko man lang maalagaan.

Alam mo ba kung gaano kasakit iyon sa isang ina? Alam mo ba kung gaano kasakit yon?

Kung hindi mo ako kayang ituring bilang isang ina, respetuhin mo na lang ko bilang tao
Yun lang, Carla. Yun lang."

Pamilyar ba ang mga linyang ito sa inyo? Nanumbalik ba sa inyong alaala ang eksenang ito sa pelikulang “Anak”, kung saan ay buong husay na ginampanan ng nag-iisang Reyna ng Pelikulang Pilipino at premyadong aktres ng bansa na ngayo’y isa ng magaling na gobernadora ng lalawigan ng Batangas, walang iba kungdi si Gov. Rosa Vilma Santos-Recto, ang karakter ng isang ina na napilitang mag-abroad at mag-trabaho bilang DH (o sa ngayo’y tinatawag ng Household Worker) para lamang maitaguyod ang pamilya. Subalit ang naging kapalit naman niyon ay ang paglayo ng kalooban ng kaniyang mga anak sa kaniya.

Bilang pagpupugay sa magaling at nananatiling pangunahing bituin ng Pilipinas sa loob ng apat na dekada, at bilang handog sa kanyang kaarawan ngayong ika-3 ng Nobyembre, aking naisipang paglaanan ng espasyo sa aking panulat ang isang kaibigan at minamahal na idolo, na si Ms. Vilma Santos, sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga natatanging eksenang nabanggit sa pelikulang “Anak”.

Ang pelikulang ito ay tumabo sa takilya nang ipalabas noong taong 2000. Ito’y humakot rin ng mga iba’t ibang parangal kabilang na ang Pinakamahusay na PelĂ­kula at Pinakamahusay na Aktres sa iba’t ibang award-giving bodies noong taong sumunod.

Malapit sa puso ng mga OFW’s tulad ko ang pelikulang ito pagka’t siya’y sumasalamin ng tunay na buhay ng isang mangagawang Pilipino sa labas ng bansa – ang kanyang mga pangarap, mga karanasan, tagumpay at mga kabiguan habang nakikipagtunggali sa larangan ng buhay.

Ang mga salitang binitawan ni Vilma bilang si Josie habang ipinapaliwanag kay Carla (na ginampanan naman ni Claudine Barretto) ang hirap na dinanas para lamang makapagpadala ng pera ay malinaw na larawan ng buhay ng isang OFW.

Tinitiis ang pag-iisa at pangungulila, ang hirap ng kalooban at sakit ng katawan sanhi ng mga mabibigat na trabaho sa ilalim ng matinding init ng araw, o sa labis na lamig ng panahon.

Di iniinda ang masasakit na salita mula sa among pinaglilingkuran, ang pagod sa haba ng oras ng trabaho o maging ang karamdaman, matiyak lamang may maipapadala sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Sana kahit minsan ay binigyan mo ng halaga ang lahat ng paghihirap ko sa inyo. Lahat ng sakrispisyo ko sa inyo.

Sana tuwing umiinom ka ng alak, habang hinihitit mo ang sigarilyo mo, habang nilulustay mo ang mga perang pinadala ko, sana maisip mo rin kung ilang pagkain ang tiniis kong hindi kainin para makapagpadala ako ng malaking pera dito

Sana habang nakahiga ka riyan sa kutson mo, natutulog, maisip mo rin kung ilang taon ang tiniis ko na matulog mag-isa habang nangungulila ako sa mga yakap ng mga mahal ko.

Bawat salita ay tumatagos. Tumuturok sa malambot na bahagi ng ating puso.

Ang akala ng iba’y masarap, maginhawa ang buhay-OFW. Akala ng marami madaling kumita ng dolyar na para bagang ito’y pinupulot lamang.

Subali’t ang totoo, karamiha’y nagtitiis, nagtitiyaga, dumaranas ng lungkot at pighati, minamaltrato, napapahamak at minsa’y nakikitlan ng buhay. All because of one desire – ang mai-angat ang antas ng buhay at malasap ng pamilya ang kaginhawaan.

Kung kaya’t ang pelikulang ito na “Anak” ay magsilbi nawang paalala at magbukas ng kaisipan ng karamihan sa ating mga kababayan ng kalagayan ng isang OFW.

Maraming mga “anak” ang marahil ay di lubos na nakakaunawa ng hirap na tinitiis ng isang ina o ama para lamang di maranasan ng mga anak ang hirap ng buhay sa mundo.

Maraming mga “anak” ang marahil ay di alintana ang sakit ng kalooban at katawan na binabata ng magulang para lamang sila’y mapalaki ng maayos at matiyak ang magandang kinabukasan.

Maraming mga “anak” marahil ang “pasaway” masunod lamang ang layaw at luho ng katawan kahiman ito’y magdulot ng pighati sa puso ng isang ina o ng isang ama.

Mga “anak”, ating pahalagahan ang pagmamahal na inuukol sa atin ng ating mga magulang. Ating pasalamatan sila sa kanilang pag-aruga at pagpapalaki sa atin. Bagama’t marahil ay di sapat sa ating pananaw ang oras at panahon na kanilang ibinigay, gayunpaman, sila’y kaloob ng Diyos sa atin bilang ating mga magulang – na dapat mahalin at igalang.

Nang isilang ka sa mundong ito, laking tuwa ng magulang mo
At ang kamay nila ang iyong ilaw
At ang nanay at tatay mo’y di malaman ang gagawin
Minamasdan pati pagtulog mo
At sa gabi’y napupuyat ang iyong nanay
Sa pagtimpla ng gatas mo
At sa umaga nama’y kalong ka ng iyong amang tuwang-tuwa sa iyo.

Ganyan tayo kamahal ng ating ina, ng ating ama.

At kung tayo’y lumaki man na di nasumpungan ang haplos ng isang ina sa ating mga kamay, lumaki na di naranasan ang tapik sa balikat mula sa ating ama, ating pakatandaan na may isang tunay na Ama tayo sa langit na sa ati’y lubos na nagmamahal at unang nagmahal sa atin.

Wika sa Isaiah 49:15-16, "Can a mother forget the baby at her breast and have no compassion on the child she has borne? Though she may forget, I will not forget you! (says the LORD). See, I have engraved you on the palms of my hands;

Salamat sa Diyos nating buhay, ang ating tunay na Ama.

Salamat sa magaling na pagganap, Ms. Vilma Santos. Isang inspirasyon sa amin ang "Anak".

Maligayang kaarawan, Ate Vi!

Mabuhay ka!

Anak” – isang pagbubulay-bulay sa buhay OFW.

Wednesday, October 22, 2008

Buhay Saudi (ang akala nila..)


This is a forwarded eMail message sent to me which the author requested to share to all OFWs. I took the liberty to edit it to make it more pleasant to read, but the essence of the message remains.

Cheers!

Max


A fellow OFW named "Maeng Ni" posted this.

Akala ng mga tao na nasa Pilipinas na kapag nasa Saudi ka marami ka ng pera. Ang totoo, marami kang utang, dahil credit card lahat ang gamit mo sa pagbili ng mga gamit mo. Kailangan mo gumamit ng credit card kasi naubus na ang cash dahil pinadala na sa Pinas. Pag hindi ka kasi nagpadala iisipin nila nakalimutan mo na sila.

Akala nila mayaman ka at marami kang pera kasi buwan-buwan libo-libo padala mo walang palya, at kapag pumalya iisipin nila baka nagbisyo ka na o may sinusustentuhang iba. Hindi nila alam food allowance na lang ang natitira sa'yo at pag kinulang pa umuutang pa at lista muna sa malapit na bakala.

Pag may okasyon sa Pinas - birthday, fiesta, anniversary, pasko, new year, at iba pa, padala ka agad panghanda. Ang sarap ng kainan nila. Di nila alam ikaw ay nagtitiyaga sa budget meal, kabsa, noodles o de lata at itlog na nakakabutlig na ng balat, hay naku!

Akala ni Tatay, Nanay, Ate, Kuya, anak, mga pamangkin at iba pa na namumulot ka ng pera sa Saudi. Kada may problema, text kaagad. Kumusta sa una pero sa bandang huli kelangan ng ng pera. Hay naku! Nakaka-alergic na ang text sa roaming - puro gastos. At minsan padala ka pa ng load! Load mo nga, utang pa kay Pana. Hay naku! Bakit ba nauso pa yan, dagdag gastos lang talaga at pag di ka pa nag-reply, aawayin ka pa!

Akala nila masarap maging OFW at tinatawag na bagong bayani. Naku mas masarap pa yong nasa Pinas na sa katas ni bagong bayani ay syang umaani! Utang sa Saudi ay lalong dumarami.

Akala nila masarap sa Saudi. Di nila alam di ka na nga makauwi kasi round-trip tiket kina-cash mo para mapadala lang at ibayad sa utang.

Akala nila sosyal ka na dahil de kulay na ang buhok mo, uso pa at naka-highlight pa, Di nila alam buhok mo namumuti na sa stress at problema. At pag minalas pa, nalalagas pa!
Akala nila masarap sa Saudi kasi pag-uwi mo mestiso ka, maputi at mamula-mula ang balat mo. Dii nila alam babad ka sa opisina at kulong sa bahay mo dahil no choice ka. Mga kapitbahay mo di mo kaano-ano. Walang paki-alaman at kung lalabas ka sunog ang balat mo. Init ng araw sobra!

Akala nila mayaman ka na kase may kotse ka na. Di nila alam hulugan pa ito! Ang totoo, kapag hindi ka bumili ng kotse sa Saudi, maglalakad ka ng milya-milya sa ilalim ng init ng araw o kaya sa winter na kasama ang asawa mong naka-abaya at naka-tarha. O kaya naman, magtiyaga kang mag-abang ng Saptco o Coaster na ubod ng babaho ng mga pasahero at pagbaba mo amoy putok ka na rin, grabe! Walang jeepney, tricycle o padyak sa Saudi. Maraming mga Pakistani, Bangladesh na driver na ubod ng baho. Pag minalas ka, Arabo na taxi driver na rapist pa ang masasakyan mo.

Akala nila masarap ang buhay dito sa Saudi. Ang totoo, puro ka trabaho kase pag di ka nagtrabaho, terminated ka gagawan ka pa ng kwento ng kapwa mo Pilipino! Hindi ka na pwedeng tumambay sa kapitbahay kase baka ma-mutawa ka pag kasama mo ang syota mo. Pero marami pa ring matatalinong matsing ang nakakalusot. Nagpapagawa ng fake na papel para kunwari kasal. Mga imoral!

Akala nila masaya ka kase nagpadala ka ng picture mo sa Red Sand, Hidden Valley, Faisaliah Mall, Riyadh Zoo, Corniche,Obhur at iba pang attractions. Ang totoo, kailangan mo ngumiti kase minsan minsan ka lang makaka-picture. Bawal kasi basta-basta kumuha ng picture dito. Makukulong ka.

Akala nila malaki na ang kinikita mo kase riyal na sweldo mo. Ang totoo, medyo malaki pagpinalit mo ng peso. Pero riyal din ang gastos mo sa Saudi. Ibig sabihin, ang riyal mong kinita sa presyong riyal mo rin gagastusin. Ang P15.00 na sardinas sa Pilipinas, SAR3.00 sa Saudi. Alangan namang puro cafeteria food ang kakainin mo. Aba, mamatay ka sa highblood o hepa nyan kasi nga umaapaw na sa mantika, marumi pa! Kadiri! Kaya lang pag naubusan ka ng pera, no choice ka. You have to take the risk .

Akala nila buhay milyonaryo ka na kase ang ganda ng bahay at kotse mo. Nag pa-lypo kay Calayan at nagpa-retoke kay Vicky Belo. Ang totoo, nag loan ka lang sa SABB , SAMBA o Riyadh Bank na huhulugan mo ng limang taon. Ibig sabihin, alipin ka ng bahay at kotse mo at ng luho mo at ng bansang ito. Kasi nga mag-loan ka ba naman dahil sa luho.

Madaming naghahangad na makarating sa Saudi. Lalo na mga nurses at mga medsec. At eto pa, pati cleaners mahirap maging normal na manggagawa sa Pilipinas. Madalas pagod ka sa trabaho. Pag dating ng sweldo mo, kulang pa sa pagkain mo. Pero ganun din sa ibang bansa. Lalo na kaya sa Saudi, wala kang outlet ng stress mo kasi madaming bawal.

Hindi ibig sabihin riyal na ang sweldo mo, yayaman ka na. Kailangan mo ring magbanat ng buto para mabuhay ka sa ibang bansa.

Isang malaking sakripisyo ang pag alis mo sa bansang pinag-silangan at malungkot iwanan ang mga mahal mo sa buhay. Hindi pinupulot ang pera dito o pinipitas o iniigib. Hindi ako naninira ng pangarap. Gusto ko lang buksan ang bintana ng katotohanan.

Mahirap mangibang bayan. Sino ba ang may kasalanan na iwan ang sariling bayan? Manilbihan sa dayuhan at malayo sa pamilya ay may kahirapan. Hangga't may pinay DH na nangingibang bayan na simbolbolo ng ating kahirapan, kawawang bayan ni Juan patuloy na mapag-iiwanan.

Kaya Juan iwan ka ng pera para sayo, para sa kinabukasan mo!

(please share)