Showing posts with label Revelation. Show all posts
Showing posts with label Revelation. Show all posts

Saturday, February 19, 2011

Yes, I Am Coming Soon


sa Panulat ni Max Bringula

"Yes, I am coming soon."(Revelation 22:20)

Isang pangako na ating mapanghahawakan sapagkat ang nagwika ay ang ating Panginoon, “I am coming soon!"

Noong araw kapag dapit-hapon na kung saan nag-aagaw ang liwanag at dilim ako’y uupo na sa may pintuan namin at tatanawin ang pagdating ni Nanay galing sa kanyang paglalabada. Ito kasi ang means of income ni Nanay noon sa pagpapalaki sa aming apat na magkakapatid bukod sa pagtitinda kung saan minsan kami’y kasama.

Ang paghihintay sa pagdating ni Nanay ay lagi kong kinasasabikan di lamang dahil sa dala niyang kakanin namin kungdi sa pangungulila at pagmamahal na rin bagama’t isang araw lang naman siyang wala sa bahay at ako ang naiiwan sa nakababata kong mga kapatid.

Nakagawian ko na rin na malinis na ang bahay at nakaligo’t maayos na ang kasuutan ng aking mga kapatid na dahil sa paglalaro ay gusgusin at marungis. Isang kagalakan sa akin na sa pagdating ni Nanay ay matutuwa siya’t masisiyahan sa kanyang daratnan.

Sa aking pagbubulay-bulay ng Kanyang Salita, aking napagtanto na ganito maihahalintulad ang pagdating ng Panginoon. Dapat ito’y kinasasabikan at Siya’y masisiyahan sa kanyang daratnan.

Ang pagdating Niya’y tiyak. Ang mga naganap, nagaganap at magaganap pa na ating nakikita’t nararanasan ay pawang katuparan lamang ng nakatala na sa Banal na Kasulatan, mga sensyales ng Kanyang muling pagbabalik. Kapag sumasapit na ang dapit-hapon, ito’y paalala na malapit na ang takdang oras na iyon.

Ang tanong – nakapaghanda na ba tayo? Kasuutan ba nati’y maayos at malinis na? Nasa pintuan na ba tayo’t naghihintay sa Kanyang pagdating? O di tayo magkanda-ugaga sa gagawin, tuliro at nagmamadali dahil magpahanggan-ngayon di pa natin naihanda ang sarili.

Hindi pa huli ang lahat. Sa bawat araw na dumaratal sa ating buhay ay pagkakataon upang tayo’y makapaghanda upang sa pag dapit-hapon, tayo’y madaratnan Niya na naghihintay sa kanyang muling pagbabalik.

Yes, He is coming soon. And He will.

Tuesday, November 10, 2009

Bro...

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"That at the name of Jesus every knee should bow, in heaven and on earth and under the earth, and every tongue confess that Jesus Christ is Lord." - Philippians 2:10

Palasak mong maririnig ngayon ang tawagang “bro” sa mga kalalakihan, bata man o matanda ang kausap. Ito ang kadalasang tawag ngayon sa mga magba-barkada, mag-kumpare, magkaibigan o maging sa sino mang makausap. Ito’y karagdagan sa dati ng tawagang “pare, tol, dre, at brod”. Sa mga magagalang naman, ang tawag ay “kuya” na siyang tagalong ng “bro”. (Sa mga kababaihan, “sis” naman ang tawag o kaya’y “ate”).

Nagsimulang maging word-of-mouth ang “bro” dahil kay Santino, ang bidang-karakter sa TV series na “May Bukas Pa”. Sa nasabing serye, nakikita’t nakakausap ng harapan ni Santino si Hesus na ang tawag niya ay “Bro”. Bagamat sa telebisyon ay di ipinapakita ang mukha ng karakter ni Hesus kungdi ang likod lamang.

Masasabing malaki ang nagagawa o impluwensiya ng media (radio, TV at diyaryo) sa isipan ng tao. Tumatatak sa kanilang isip ang nababasa, napapanood at naririnig kung kaya’t ito ang kanilang nagagaya, intensiyonal man o hindi. Tulad ng pagtawag ng “bro”. Ngayon, di lang sa magka-kaibigan, magkaka-barkada maririnig ang tawagang “bro”, kungdi maging sa Panginoong Hesus, ang tawag na ng iba’y “bro”.

Minsan ako’y nakapanood sa TV ng isang iniinterbiyu. Narinig ko sa isa sa kanyang sagot ang “at saka kay bro” sabay turo sa itaas na ang ibig sabihin na yung “bro” na kanyang pinatutungkulan ay ang Diyos.

Subalit ganito nga ba nararapat na ituring o itawag natin sa Diyos na may lalang ng langit at lupa? Sa Kanya na lumikha sa atin at nagbigay ng buhay?

Bagama’t ang salitang “bro” ay “brother” sa ingles na siya namang totoo na Panganay nating Kapatid si Kristo. Mababasa ito sa Romans 8:29, “For those God foreknew he also predestined to be conformed to the likeness of his Son, that he might be the firstborn among many brothers.”

Subalit higit pa sa Panganay na Kapatid si Kristo sa atin. Siya ang ating Panginoon, Tagapagligtas at Nag-iisang Diyos.

Tama lamang na ituring nating Panganay na Kapatid ang ating Panginoong Hesus. Subait mas mainam at nararapat na Siya’y tawagin nating Panginoon at Diyos sa halip na “bro”.

Sabi sa Isaiah 45:24, “Ang lahat ng tuhod ay luluhod, ang lahat ng labi ay magsasabi na si Hesus ay Diyos”.

Siya ang Panginoon ng mga panginoon, Hari ng lahat ng mga hari. - Rev 17:14

Si Hesus ay di lamang “bro”, Siya ang ating Panginoon, Tanging Tagapagligtas at Makapanyarihang Diyos.

Kaibigan, kapatid, bro... pagbulay-bulayan natin ito.

Sunday, November 16, 2008

Bakit Ako Mahihiya?


Sa dahilang nasimulan natin na mga sentimental songs ng late 70’s ang siyang titulo ng ating Pagbubulay-bulay lately tulad ng “Tukso, Layuan Mo Ako” noong nakaraang Linggo, ngayon nama’y ang pamagat ng ating Pagbubulay-bulay ay hango sa awitin na pinasikat noon ni Didith Reyes na “Bakit Ako Mahihiya?”

Hindi ko na bibigyan pa ng background ang awit na ito o ang umawit nito sa dahilang di naman tungkol sa nilalaman ng awit ang ating pagbubulay-bulayan kungdi ang paggamit sa katagang “Bakit Ako Mahihiya?”

Sabi nila makapal daw ang mukha ng taong di marunong mahiya. “Ang kapal naman ng apog mo” ang kantong-salita na maririnig mo kapag ikaw ay tinaguriang walang hiya. (Hindi walanghiya, kungdi walang hiya.)

Dapat nga ba tayong mahiya? Ikaw ba ang tipo na “shy type” kumbaga na ang sambit madalas ay “shy kasi ako eh”. “Dyahi naman” ang dugtong mo pa. Pero sa totoo lang ay gusto-gusto mo rin naman. “Jele-jele, bago quiere” sabi nga sa salitang Kastila. Aayaw-ayaw, pero gusto.

Sa totoo, ang tao’y nilikha na may dignidad. Isang obra-maestrang maipagmamalaki ng dakilang Tagapaglikha. Tayo ang pinakamagandang nilikha ng Diyos sa balat ng lupa pagka’t tayo’y nilikha sa wangis Niya.

Kung gayon, saan nagmula ang “hiya” ng tao sa sarili?

Ito’y unang naganap sa hardin ng Eden. Ating mababasa sa Genesis 3:7 ang ganito, “Then the eyes of both of them were opened, and they realized they were naked; so they sewed fig leaves together and made coverings for themselves.”

Pagkatapos kanin ni Adan at Eba ang ipinagbabawal na bunga, sila’y nagkamalay (o nagkaroon ng malisya) at kanilang napagtanto na sila’y hubad. Kung kaya’t kumuha sila ng dahon ng igos at ito’y pinagtagni-tagni upang ipantakip sa hubad na katawan. Sila’y nahiya.

At nang marinig nila ang yapak ni Yahweh, sila’y agad na nagtago sa kahuyan. “Nasaan kayo” ang tawag Niya. “Nagtago po kami pagka’t kami’y hubad,” ang tugon ng lalaki. Sila’y nahiya.

Ang “hiya” ay nagsimula nang sila’y magkasala. Nang sila’y sumuway sa iniuutos ng Diyos.

Ang kasalanan ang nag-aalis ng dignidad ng tao sa kanyang sarili. Ang nagdudulot sa kaniya na mahiya.

Subali’t ang kahihiyan na dulot ng kasalanan ay pinawi ng lahat sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus sa krus. Inako Niya ang kahihiyan na dapat ay sa atin. Kung kaya’t ang sinumang mananampalataya sa Kaniya ay di na huhusgahan pa, bagkus ay ipawawalang-sala. Tatakpan Niya ang kahihiyang idinulot ng kasalanan.

Bakit ako mahihiya?” kung kasalanan ay Kanya ng pinatawad at binayaran.

Bakit ako mahihiya?” kung taglay ko na ang kapangyarihan na makapamuhay ng may kabanalan.

"I tell you the truth, whoever hears my word and believes him who sent me has eternal life and will not be condemned; he has crossed over from death to life.” (John 5:24)

Bakit ako mahihiya?” kung taglay ko na ang kakayahang ihayag ang Kanyang kadakilaan. Ang kanyang kabutihan. Ang Kanyang katapatan. Ang Kanyang pagliligtas. Hindi ko ikahihiya na Siya ay ipahayag pagka’t Siya ang kaligtasan ng lahat.

I am not ashamed of the gospel, because it is the power of God for the salvation of everyone who believes.” (Romans 1:16)

Subali’t kung tayo’y di sumusunod sa Kanyang iniuutos. Kung tayo’y laging sumusuway sa Kanyang nais. Kung tayo’y laging tumatalikod sa Kanyang ipinagagawa sa atin. Kung tayo’y pasaway at ang laging ibig ay sundin ang pita ng laman sa halip na ang Kaniyang katuwiran, dapat nga tayong mahiya.

Pagka’t napakabuti Niya sa atin. Nanatili Siyang tapat bagama’t di tayo nagtatapat sa Kaniya. Di Niya pa rin tayo pinababayaan. Iniaabot ang Kanyang mga kamay upang tayo’y gabayan at ingatan. Tumutugon sa ating pangangailangan. Napakabuti ng Diyos. Dapat nga tayong mahiya kung patuloy ang ating pagsuway.

"Bakit ako mahihiya ?’’ - yan ba ang katagang sinasambit mo dahil angkin mo na ang kaligtasang kaloob Niya.

"Bakit ako mahihiya ? - pagka’t ikaw ay pinawalang-sala na at kahihiyan mo’y Kanya ng pinawi.

O tayo’y nahihiya pa rin dahil sa kasalana’y patuloy na namumuhay. Nahihiya dahil patuloy na sumusuway.

O sadyang tayo’y walang hiya.

He who has an ear, let him hear.” (Rev. 13:9) Siya na may pandinig, ay makinig.

Isang Pagbubulay-bulay.