Showing posts with label Matthew. Show all posts
Showing posts with label Matthew. Show all posts

Monday, May 24, 2010

Hindi Lang Isang Beses, Kungdi Higit Pa


"Like newborn babes, crave pure spiritual milk, so that by it you may grow up in your salvation." - 1 Peter 2:2 (NIV)

Akda ni Max Bringula

Napakahalaga sa isang bagong silang na sanggol ang pagpapa-inom ng gatas. Ito man ay gatas na galing sa ina o infant's milk na nabibili sa tindahan o botika. May ingredient at akmang nutrition ito na kakailanganin ng sanggol upang siya'y lumaki ng tama at malusog.

Ganito rin inihalintulad ang isang bagong mananampalataya - kailangan niya ng puro at espirituwal na gatas upang lumago sa kanyang pananampalataya. At ang gatas na ito ay ang Salita ng Diyos.

Kung araw-araw ay pinapainom ang bata ng gatas, hindi lang isang beses kungdi higit pa, ganoon din nararapat sa Salita ng Diyos. Dapat palagiang busugin natin ang ating kaluluwa ng espirituwal na inumin at pagkain.

"Man does not live on bread alone, but on every word that comes from the mouth of God." - Matthew 4:4

Sikapin natin kung gayon na maglaan ng oras sa pakikinig, pagbabasa at pag-aaral ng Kanyang mga Salita. Ito ang kailangan natin upang lumago sa ating pananampalataya.

Hindi isang beses lamang, kungdi higit pa.

Selected Reading: 1 Peter 2:1-3

Wednesday, December 23, 2009

Ang Tunay na Star ng Pasko


Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Where is the one who has been born king of the Jews? We saw his star in the east and have come to worship him." - Matthew 2:2

Nang ipanganak ang Panginoong Hesus sa Bethlehem ng Judea, may isang talang lumitaw sa kalangitan na pagkaningning-ningning. Namumukod-tangi ang bituin na iyon na mas malaki kaysa sa iba at ang sinag ay lubos na napakaliwanag.

Hindi naikubli sa paningin ng tatlong pantas ang kakaibang Bituing iyon. Kung kaya’t sila’y tumungo sa Jerusalem at nagtanong-tanong. “Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita naming sa Silangan ang Kanyang tala at naparito kami upang sambahin Siya.”

Batid ng tatlong pantas kung sino ang tunay na Hari at kung ano ang nararapat ipagkaloob sa Bukod-tangi at Nag-iisang Bituin. Sila’y nag-alay ng pagsamba. At kaakibat niyon ay ang paghahandog ng kanilang kaloob.

Isa lamang ang tunay na tala na makapagbibigay-liwanag sa sanlibutan. Sa madilim at tahimik na gabi, ang talang iyon ay namukod-tangi.

Sa pagdiriwang ng Kapaskuhan, ating ibigay ang nararapat sa Nag-iisang Bituin. Si Hesus ang tunay na Star ng Pasko. Siya ang Parol ng Kapaskuhan.

Kung kaya’t sa pagsabit natin ng Parol sa kanya-kanyang tahanan, sa tuwing makikita natin ang simbolong ito ng Kapaskuhan, magpa-alala nawa ito sa atin na may Tunay na Bituin na dapat sambahin.

Tulad ng tatlong pantas, alayan natin Siya ng tunay na pagsamba at paghahandog. Isang pagsambang nagmumula sa puso. Pagsambang tunay at sa Espiritu. Tayo’y maghandog di lamang ng materyal na bagay, bagkus higit sa lahat ihandog natin ang sarili bilang haing-buhay, dalisay at kalugod-lugod sa Kanyang paningin.

Higit sa Parol na nasa iyong tahanan, sikaping nasa puso natin ang Nag-iisang Bituin pagkat Siya ang tunay na Star at Liwanag ng Pasko.

Kapatid, kaibigan.... tayo ng sumamba at maghandog. Maligayang Pasko sa iyo.

Isang Pagbubulay-bulay.

Monday, November 9, 2009

Tinig Niya'y Dinggin

Mula sa Panulat ni Max Bringula

In the past God spoke to our forefathers through the prophets at many times and in various ways, but in these last days he has spoken to us by his Son.” – Hebrews 1:1-2

Tulad ng isang mabuting ama, ang ating Diyos Ama sa langit ay laging sa atin ay nagbabantay. Tinatanaw at buong pagmamahal tayong pinagmamasdan. Nalulugod kapag tayo’y tapat na sumusunod sa Kanyang utos at naninimdim kung tayo’y sumusuway.

Sa lahat ng panahon, laging nakalaan ang Kanyang paalala. Ang kanyang pagtuturo’t pagtutuwid. Tinig Niya ang sa tuwina’y ating mapapakinggan.

Nasaan kayo?” ang tanong Niya kay Adan at Eba nang sila’y sumuway sa Kanyang iniutos na huwag kainin ang bunga ng puno sa gitna ng hardin (Genesis 3:6-9).

Halika” ang paanyaya Niya kay Pedro nang ang huli ay humiling kay Hesus na makalakad din sa ibabaw ng tubig tulad Niya (Matthew 14:28-29).

Ano ang ibig mong gawin ko?” ang pagtatanong Niya sa dalawang bulag na lumapit sa Kaniya at nagsusumamong sila’y pagalingin (Luke 18:35-41).

Huwag kayong matakot” ang madalas na binibigkas Niya sa Kanyang mga alagad bilang paghahanda sa mas mataas na antas ng kanilang paglilingkod (Luke 12:32).

Pagpapala ang iniiwan ko sa inyo” ang madalas Niyang tagubilin sa lahat (John 14:27, 20:21, 26).

Hindi kita iiwan, hindi kita pababayaan” ang buong pagmamahal na pangako Niya sa atin (Hebrews 13:5).

Ang Diyos ay di nagbabago. Siya pa rin noon, ngayon at bukas. Kung papaano Siya nangusap at tumatawag noon, ganoon pa rin hanggang ngayon ang Kanyang pagtawag at pagtuturo sa atin.

Sa pamamagitan ng Kaniyang mga Salita na ating naririnig, nababasa at pinagbubulay-bulayan, tayo’y Kanyang kinakausap at pinapaalalahanan. Nag-aanyaya Siya na sa Kanya’y lumapit at ibigay ang ating buong pagtitiwala. Ipinadarama Niya ang Kanyang wagas na pagmamahal at tinitiyak Niya ang Kanyang pag-iingat kailaman.

Kapatid, kaibigan… naririnig mo ba ang Kanyang tinig? Pinapakinggan mo ba ang Kanyang mga tagubilin?

O hanggang ngayo’y di mo Siya pinapansin. Binabalewala at di binibigyan ng oras at panahon.

Huwag nang patigasin ang ating puso. Huwag nang magbingi-bingihan pa. Tinig Niya’y dinggin.

Ngayon na. Now na.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

Ama Namin Diyos na makapangyarihan. Diyos na nakababatid ng laman ng puso’t isipan ninuman. Diyos na sa ami’y palaging nagtuturo’t nagtutuwid, salamat po sa Inyong mga Salita na patuloy naming napapakinggan. Sa Inyong tinig na patuloy naming naririnig. Aking dalangin na ako’y turuang palaging makinig sa Inyong mga turo at dinggin tuwina ang Inyong tinig na sa aki’y laging ipinaririnig. Sa Ngalan ni Hesus, Amen.”

Tuesday, November 3, 2009

Luha

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Jesus wept." (John 11:35)

"Kung may kakayahan lang ang mga luha na sabihin ang mga dapat mong marinig, habang buhay akong iiyak dahil my mga bagay na puso lang ang nakakakita at luha lang ang may kakayahang magpadama."

Matalinghaga subalit puno ng katotohanan. Na maraming buting idinudulot ang pag-luha o pag-iyak. Ito man ay isang simpleng hikbi at pagpatak ng luha sa iyong kanang pisngi o isang malakas at nakakabinging pag-atungal.

Ayon sa mga medical personnel, nakakabuti raw ang pag-iyak pagkat nililinis nito ang ating mga mata. Ang totoo, hindi lang ang ating mata ang nalilinis, kungdi inaalis pa nito ang bigat na nararamdaman ng ating puso.

Sabi nga sa isang awit na aking narinig sa TV AD ni Sen. Manny Villar tungkol sa mga distressed OFWs, “Sige lang huwag mong pipigilan. Iiyak mo lang ang lahat sa buhay. Iiyak mo lang at ika’y tutulungan. Sige lang.”

Pinapawi ng luha ang ano mang sakit, hapdi at lungkot na ating nadarama. Pinaluluwag nito ang nagsisikip nating dibdib.


Kaya, sige lang. “Iiyak mo.” Huwag ng mahiya. Huwag ng magpa-macho-effect at magsasabing “lalaki ako. Hindi ako iiyak. Lalaki ini.” Hindeh! Ang pilit mong pagmamatigas. Subalit kapag napag-isa na, sabay atungal na akala mo kambing na kinakatay.

Yung iba ayaw pa talagang mapapansing sila’y naiiyak. Lalo na’t kapag nanonood ng ma-dramang pelikula tulad ng movie ni Vilma Santos na “Anak”. Na kapag walang nakakakita ay biglang pahid sa nagngingilid ng luha sa mata na kunwari’y napuwing laang. Yung iba, medyo “Mam, may I go out” muna, pero yun pala ay iiyak lamang dahil kanina pa naninikip ang dibdib sa bigat na nararamdaman.

Minsan nama’y di mo namamalayan, pumapatak na pala ang luha sa iyong mata. Garalgal na ang iyong pananalita. Lumuluha ka na pala.

Kaya, sige lang, wag mahiya. Iiyak mo lang.

Ang sanggol nga pagkasilang, iyak agad ang salubong niya sa pagpasok sa magulong mundo. Ito nga kaya’y iyak ng takot at pangamba o iyak ng kagalakan? Mabuting tanungin natin ang sanggol. Yun nga lamang, iyak din ang isasagot niya sa atin lalo na kung nagugutom na’t kailangan nang uminom ng gatas.

Luha. Mainam ito sa atin. Ito’y nagpapahayag ng ating saloobin. Sinasalamin nito ang ating nararamdaman. Ipinapadama nito ang nais bigkasin ng ating puso na di masambit ng ating labi.

Ang Panginoon man ay umiyak at lumuha. Ang pinaka-maikling talata na mababasa natin sa Bibliya ay nang ang Panginoon ay umiyak. “Jesus wept” ang inihayag ng John 11:35. Iniyak ng Panginoon ang lungkot na nadama sa pagkamatay ng kanyang matalik na kaibigang si Lazarus.

Gayundin, nang makita Niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng Kanyang bayang Israel, iniyak Niya rin ito. “As he approached Jerusalem and saw the city, he wept over it.” (Luke 19:41)

Kaya nga’t ang Panginoon ay nagbigay ng paanyaya sa mga nabibigatan at nahahapo. Sa mga labis na namimighati, sa nagdurusa at lumuluha, na lumapit sa Kaniya at sila'y Kanyang bibigyan ng kapahingahan (Matthew 11:28). A shoulder to cry on. Ito ang ibinibigay ng Panginoon sa atin.

Cast all your cares upon him for He cares for you.” (1 Peter 5:7)

Itangis mo sa Panginoon. Iiyak mo ang iyong nararamdaman. Huwag mahiya. Huwag mag-atubili. Higit sa lahat, itangis mo sa Panginoon ang pagkukulang at kalikuang nagagawa at ihingi ito ng tawad.

Wika Niya sa Isaiah 1:18, "Come now, let us reason together," says the LORD. "Though your sins are like scarlet, they shall be as white as snow; though they are red as crimson, they shall be like wool."

Luha. Malaki ang nagagawa ng ating pagluha. Nililinis nito di lang ang ating mga mata kungdi pati na ang ating puso.

Kapatid, kaibigan… ikaw ba’y lumuluha sa ngayon? Sige lang. Iiyak mo. Itangis mo sa Panginoon. Luha mo'y Kanyang papahirin.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

"Ama Naming Diyos na makapangyarihan at puspos ng pag-ibig sa lahat ng nalulumbay at nabibigatan. Akin pong inilalapit sa iyong mga kamay ang aking puso. Ang aking kalungkutan, mga pag-aalala at takot na nararamdaman. Kalingain Niyo po ako ng Inyong bisig pagkat Ikaw ang aking kalakasan at sa balikat Niyo ako makasusumpong ng kapahingahan. Luha ko’y inyong pahirin. Puso ko’y inyong linisin. Sa Ngalan ni Hesus na aking Panginoon, ito ang aking dalangin. Amen.”

Sunday, January 18, 2009

Sa Ugoy ng Duyan


"Come to me, all you who are weary and burdened, and I will give you rest." (Matthew 11:28)

Iduyan mo ako sa ‘yong mga yakap
Dalhin mo ako sa dakong naroon Ka
Dahil napakasarap Oh Diyos kapag kasama Ka
May kagalakang di mapapantayan
Tunay na ligaya ay nakakamtan.

Ito’y lyrics ng Christian song na aking napakinggan habang ako’y nagmamaneho patungo sa opisina. Ang mga titik ng awit na ito na sinabayan ng malumanay na saliw ng tugtugin at akmang melodiya ay higit na nakapagdulot sa akin ng kakaibang kapahingahan at kalakasan habang siya’y aking pinapakinggan.

Naalala ko tuloy ang duyan na aking gamit nang ako’y paslit pa lamang. Bagama’t siya’y kumot lamang na itinali sa magkabilang dulo at isinabit sa poste ng aming bahay, malaking kapahingahan ang ibinibigay niyon kapag ako'y doon ay humimlay.

Doo’y napakasarap umidlip habang ika’y idinuruyan at inaawitan ng lullaby ni Inay. Mahimbing ang aking pagtulog pagkat tiyak kong sa bawat ugoy ni Inay ng duyan ay lakip roon ang kanyang kalinga’t pagmamahal.

Ganoon din maihahambing ang dulot ng pag-ibig sa atin ng Ama sa Langit. Sa Kanyang mga bisig, animo’y tayo’y nakahimlay sa duyan habang inuugoy ng Kanyang mga kamay. Kaya nga’t sabi ng awit

Iduyan mo ako sa ‘yong mga yakap,
dalhin mo ako sa dakong naroon Ka
Dahil napakasarap oh Diyos kapag kasama Ka
.”

Kung tayo’y napapagal sanhi ng labis na kaguluhan sa mundong ating ginagalawan, kung ang isip nati’y pagod na sa suliraning patuloy na nararanasan, kung ang puso nati’y hapo na sa paghahanap ng kapahingahan at katuparan ng mga minimiti at ninanais sa buhay, kung tayo'y nalulungkot at nalulumbay, alalahanin natin at pakinggan ang paanyaya ng Panginoon –

"Come to me, all you who are weary and burdened, and I will give you rest.” (Matthew 11:28)

Ito ang Kanyang pangako sa atin - sa lahat ng napapagal at namimighati. Tayo’y Kanyang iduruyan. Kalong ng Kanyang kamay at yakap ng Kanyang bisig, ipadarama Niya sa atin ang init ng Kanyang pagmamahal.

Sadyang napakasarap humimlay sa bisig ng ating Diyos. Doo’y makararanas tayo ng kapahingahan, makasusumpong ng kapanatagan, at makakamtan ang katagumpayan.

Ikaw ba’y napapagal, nahahapo, naninimdim, naguguluhan, nalulumbay?

Sa Kanyang duyan tayo humimlay. Sa ugoy ng duyan Niya tayo’y makasusumpong ng kapahingahan.

Iduyan mo ako sa ‘yong mga yakap,
dalhin mo ako sa dakong naroon Ka
Dahil napakasarap oh Diyos kapag kasama Ka.”

Isang pagbubulay-bulay.

Sunday, November 30, 2008

Masdan Mo Ang Mga Ibon



Masdan mo ang mga ibon.

Hindi sila nagtatanim o nag-aani o nag-iimbak kaya ng pagkain tulad ng mga langgam, subalit araw-araw ay may pagkain silang kaloob mula sa ating Ama sa Langit. Ikaw pa kaya ang di Niya pagkakalooban ng iyong mga kakailanganin? Ng mga bagay na labis mong ikinababahala at minsa’y ikinawawalan ng pag-asa.

Papaano na lang kaya” ang marahil sambit mo sa tuwina. Papaano na kung bigla isang araw ay mawalan ng trabaho dahil sa worldwide financial crisis na nararanasan ngayon? Papaano na ang bahay na aking ipinapatayo o hinuhulugan? Papaano na ang pag-aaral ni Utoy at ni Neneng? May plano pa naman akong bumili ng bagong kotse, laptop, celfon, at home theater equipments. “Mapupurnada pa yata” ang naibulalas mo, sabay kamot sa iyong ulunan.

Maraming bagay ang labis na ikinababahala ng tao. Kung ano ang kanyang kakanin, iinumin o susuutin. Iba’t ibang suliranin at mga alalahanin. Mula po noong una at hanggang ngayon, ganito ang kadalasang kalagayan ng tao. Tuliro, balisa at labis na nababahala.

Ito rin ang nakita ng ating Panginoon nung Siya’y namalagi sa lupa. Kung kaya’t nabanggit Niya ang mga katagang ito sa Matthew 6:26. “Look at the birds of the air; they do not sow or reap or store away in barns, and yet your heavenly Father feeds them. Are you not much more valuable than they?

Uu nga naman. Ang mga ibon ay di nagtatanim, di nag-aani, di nag-iimbak. Subalit araw-araw, sila’y may kinakain.

Naalala ko nung minsan ako’y napadako sa may Port Area sa Dammam, nang sumundo ako roon sa kapatiran na ang accommodation ay malapit lang sa lugar na iyon. Napansin ko mula sa salamin ng aking sasakyan ang napakaraming ibon na nagliliparan at sila’y mistulang patungo lahat sa iisang lugar. Habang binabaybay ko ang daan nakita ko ang lugar na kanilang tinutungo – isang compound (o pabrika yata iyon) kung saan may isang mistulang bundok na naroroon sa loob at doon sila'y dumarapo.

Napag-alaman ko na iyon pala’y pabrika ng mga bird feeds, at ang animo’y bundok na aking nakita ay mga raw materials na gagawing bird feeds. Tuwang-tuwa ang mga ibon sa labis-labis na pagkain na kanilang nakakain sa lugar na iyon. Libre at naroroon lang palagi.

Sa isip-isip ko "ganyan sila kamahal ng ating Ama sa langit."

Hindi ba’t mas higit pa tayo kaysa sa mga ibon na iyon? Tayo na nilikha Niya sa Kanyang wangis. Tayo na minahal Niya at inalayan ng Kanyang buhay. Kung gayon, di raw tayo dapat mabahala o mabalisa pagka’t ang Lumikha sa atin ay Siyang nagmamay-ari ng langit at lupa. May mahirap kaya sa Kanya na gawin?

Kung suliranin mo'y para bagang walang patid at di malirip kung ano ang gagawin, masdan mo ang mga ibon, at iyong mababatid nariyan Siya lagi upang pangangailangan mo’y Kanyang abutin.

Kung nahahapo at naguguluhimanan, na para bagang wala ng pag-asa na ika’y natatanaw, masdan mo ang mga ibon, at iyong madarama na kasama mo Siya sa tuwina at di ka Niya iniiwan kailanman.

Kung ang paligid mo’y animo’y pulos kaguluhan. Kapayapaan ay salat dahil sa mga alalahanin at pinagkaka-abalahan ng maraming mga nilalang, iyong pagmasdan ang mga ibon, at mapagtatanto mo na may isang Diyos, who is in control, at siyang naghahari sa lahat.

Masdan mo ang mga ibon.

Tuwing makikita mo sila, lumilipad, humuhuni at umaawit, maalala nawa natin ang kabutihan at katapatan ng Diyos sa atin.

Higit tayo kaysa sa mga ibon. Ikaw ba’y umaawit din at nagpupuri tulad nila? O ikaw ay labis na nag-aalala at naninimdim?

Kung gayon, masdan mo ang mga ibon.

Isang pagbubulay-bulay.

Wednesday, November 19, 2008

"Sayang" - Isang Pagbubulay-bulay


"Sayang! " - isang expression na ating kadalasang naririnig kapag may isang oportunidad o pagkakataong abot-kamay na natin, subalit lumagpas pa at di na-enjoy o nakamit dahil na rin marahil sa kapabayaan o kawalan ng interes o paniniwala.

O kaya nama'y kapag ang isang bagay na gustung-gusto natin ay napunta sa iba, mariin nating nasasambit ang katagang "Sayang!'

Nung dekada 70 ay sumikat ang awiting may titulong "Sayang " na noo'y inawit at pinasikat ni Claire dela Fuente. Tanda nyo pa ba ito? Aminin....

Bagama't ngayon ay may bago ng version ang "Sayang " na inawit naman ng Parokya ni Edgar. Alam nyo ba ito? Ako, alam ko... kapanahunan ko kasi ito eh. hehehe....

Kaylan nga ba natin huling nabigkas ang salitang "Sayang! "?

Sayang dahil maraming pagkakataong ibinigay sa atin na bahaginan ng Salita ng Diyos ang isang kaibigan, kapamilya, kapuso, kababayan, ka-opisina, kakuwarto, kabarkada, ka-tropa, ka-eskuwela, at iba't iba pang ugnayan natin sa isa't isa, subalit lumagpas ang pagkakataong iyon na di man lamang natin nabigkas ang mga Salitang magdudulot sana sa kanila ng buhay na walang-hanggan pagka't dumating ang panahon na pumawi na sila sa ating paningin. Ang pagkakataong iyon ay nawala na. "Sayang! Ba't di ko man lang nasabi sa kaniya nung andito pa siya," ang iyo na lamang naibulalas, habang ang lungkot at panghihinayang ay iyong damang-dama.

Sabi sa James 4:14, "For what is your life? It is even a vapor that appears for a little time and then vanishes away." Sandali nga lamang ang buhay ng tao. Kani-kanina lamang kausap o kasama mo, maya-maya'y wala na. Hindi natin tiyak hanggang kailan o di natin hawak ang buhay ninuman. Mahaba man o maikli ang itagal ng tao sa mundong ito, di pa rin siya maipaparis sa walang-hangganan. What is 70, 80 or more years of life here on earth compared to eternity. It is not even a dot. Kung kaya't wag nating sayangin ang pagkakataon, upang di natin masambit kinalaunan ang katagang "Sayang! "
Sayang dahil di mo man lang naipahiwatig at naiparinig ang salitang "mahal kita" o kaya nama'y "pinatatawad na kita". Ang panahon kapag lumipas ay di na maibabalik pa. Ang pagsisisi ay laging nasa huli, sabi nga nila. Kung kaya't wag nating hintayin ang huling sandali. Habang may panahon at pagkakataon, wag nating ipabukas ang nararapat gawin. Iparinig, ipadama, sambitin ang nais ng puso at siyang ibig ng Diyos.

Sayang dahil maraming pagkakataong ibinigay sa atin na makapaglingkod sa Kanyang kaharian subalit di natin ginawa o binibigyan ng pansin. Pagkakataong maka-awit, tumugtog, magturo, manguna sa pag-aaral, magsundo, mag-akay, magbigay at maghandog, at iba't iba pang paglilingkod sa iglesya o simbahan, sa lipunan at sa kapwa-tao, subalit ito'y ating pinagpapabukas, o kaya nama'y pilit na itinatanggi o isinasantabi.

Sabi sa Matthew 6:19-20, "Do not lay up for yourselves treasures on earth, where moth and rust destroy and where thieves break in and steal; but lay up for yourselves treasures in heaven, where neither moth nor rust destroys and where thieves do not break in and steal."

Ang bawat araw na idinurugtong ng Panginoon sa ating buhay ay isang pagkakataong makapag-impok ng kayamanan sa langit na di natutupok, inaanay, ninanakaw, o kinakalawang. Higit ito sa mga materyal na bagay na ating iniimpok, minimithi at pinagpapaguran na dagling natutupok, inaanay, ninanakaw, o kinakalawang, ayaw man natin o hindi.

Darating ang panahon na gustuhin man nating maglingkod o gumawa ng magagandang bagay ay di na natin magawa pagkat tayo'y maaaring wala ng lakas dahil sa katandaan, o kaya nama'y wala ng buhay.

Kung kaya't sabi nga "habang may sikat ang araw" sikapin nating gumawa. Wag na nating hintayin pa na kumulimlim, bumagyo o magdilim, pagka't sa panahong iyon, di na tayo makagagawa pa. At ang masasambit na lamang natin ay "Sayang! "

"Sayang! " Yan ba ang katagang nasasambit mo kadalasan?

Yan ba ang katagang babanggitin mo kinalaunan?

Nawa'y hindi, kungdi "Salamat " ang mamumutawi sa iyong labi pagkat di mo sinayang ang pagkakataong Kanyang ibinigay.

Pagpapala Niya'y sumaatin lagi!

Sunday, October 26, 2008

"Walang Himala"





"Walang Himala! Ang himala ay nasa puso ng tao... ang himala ay nasa puso nating lahat."


Sa mga tagahanga ng tinaguriang Superstar ng Pelikulang Pilipino, ang mga katagang ito ay di na mawawaglit sa kanilang kamalayan. Ang linyang ito na binigkas ni Elsa, ang pangunahing karakter sa pelikulang "Himala" na ginampanan ni Nora Aunor noong 1982, ay ilan lang sa mga tanyag na dialogue mula sa mga pangunahing Pelikulang Pilipino, tulad ng "You're nothing but a second-rate, trying hard copycat!" na binigkas naman ni Cherrie Gil sa karakter niya sa pelikulang "Bituing Walang Ningning", o kaya'y "Ding, ang bato, dali..." mula naman sa kapana-panabik na eksena sa mga pelikulang Darna na ginawa noon ni Gov. Vilma Santos, o kaya'y ang linyang pinasikat ng yumaong FPJ, ang "kapag puno na ang salop."

Ang mga katagang ito at iba pa na hango sa mga Pelikulang Pilipino ay kadalasang inuulit-ulit o ginagaya ng karamihan kung may nais tukuyin o kaya'y isang pamamaraan para takasan ang mapait at malungkot na karanasan o katotohanan ng buhay, tulad ng linyang "walang himala!"

"Walang himala...!!!" - yan ang maririnig mo sa iba kapag tinutukoy ang kawalang pag-asa o kaya'y pagsuko sa lipunang ginagalawan.

"Walang himala...!!!" - ang mauulinigan mo marahil kapag nabubugnot na sa kalagayan ng bansa na sa halip umusad ay lalo pa yatang dumadalusdos paibaba.

"Walang himala...!!!" - ito siguro ang naglalaro sa iyong isip kapag pagmamasdan mo at pakikinggan ang mga "pangakong napapako" ng mga politician at maging ng walang-pakundangang pagbabalewala ng mga namumuno sa ating pamahalaan sa karapatan at kalagayan ng kanyang mamamayan.

"Walang himala...!!!" - yan na marahil ang pinaka-abang pagtanggap sa kasalukuyang katayuan o nararanasan sa buhay. Katagang sumasalamin ng kawalang pag-asa o ng kawalan ng kakayahang makamit ang ninanais at pagdaka'y pagsuko sa dapat sanang gawin.

Subalit wala nga bang himala?

Sadya nga bang ang buhay ng tao ay parang life? Paikot-ikot na parang gulong. Minsa'y nasa itaas, minsa'y nasa ibaba. Paulit-ulit lang ba ang mga nagaganap? Kung ano ang kahapon ay siya ring mamamalas pag dating ng bukas?

Ang sagot ay "hindi". In fact, life is full of miracles. Life is a miracle in itself. Mula sa pagiging alabok, tayo'y hiningahan Niya ng buhay.

In Genesis 2:7 we read this verse, "And the LORD God formed man of the dust of the ground, and breathed into his nostrils the breath of life; and man became a living being."

Ito'y isang himala.
Ang pag-iyak ng isang bagong-silang na sanggol ay "isang himala". Kung kaya't ang pag-iyak nito pagkaluwal sa sinapupunan ng kanyang ina ay isang sigaw ng pasasalamat.

Ang bawat araw na idinurugtong ng Panginoon sa ating buhay ay "isang himala". Mula sa Kanyang walang-hanggang pagmamahal, tayo'y gumigising na may taglay na bagong lakas at sigla bagama't maaaring sa ating pagtulog tayo'y di na maka-gising. Mayroong iba nabagsakan ng eroplano o nasagasaan ng pison, o kaya'y binangungot. Subali't tayo'y buhay pa. Di ba ito'y "isang himala"?

Sabi ng Psalmist, "what is man that you are mindful of him?" (Psalms 8:4) Sino nga ba tayo? Tayo'y ba'y Karapat-dapat sa Kanyang pagmamahal? We are but a dust, yet the Lord loves us. He even loved us first.

Kung babalikan natin ang mga pinagdaanan sa buhay. Mula ng tayo'y isilang, nagkamalay, lumaki, nakapag-aral, nakapag-trabaho, nagkapamilya, at hanggang sa ngayon, patuloy na gumagawa ang Panginoon ng "himala" sa ating buhay. Marahil di lamang natin napapansin o binibigyang-pansin.

Kung papaano Niya tayo iniingatan sa araw-araw at kung papaano Siya tumutugon sa lahat ng ating pangangailangan ay "isang himala". Pagka't Siya'y Diyos ng himala, at sa Kanya'y walang mahirap gawin. Walang imposible sa ating Diyos.

In Matthew 9:28-29 tinanong ng Panginoon ang bulag na lalaking lumapit sa Kaniya na nais makakita, "Do you believe that I am able to do this?" "Opo, Panginoon", ang sagot ng lalaki. "According to your faith will it be done to you", at hinawakan ng Panginoon ang mata ng lalaki at siya'y muling nakakita.

Naranasan na ba natin ang himala ng Diyos? Nais ba nating maranasan ang Kaniyang himala?

Manalig ka lamang at ito'y magaganap. "According to your faith will it be done to you"

Kung magkagayon, "mayroong himala!"

Isang pagbubulay-bulay.

Sunday, October 19, 2008

Hintuturo (Sino ang Salarin)


"Limang mga daliri... kamay at paa... dalawang tainga, dalawang mata, ilong na maganda.

"Tanda nyo pa ba ang awit na ito? Yan ang awit na madalas na kinakanta sa atin marahil ng ating Nanay o Yaya o maging sa eskuwela nung tayo'y elementariya pa at nung tayo'y mga kyut pang mga bata. Kyut, dahil pag lumaki na raw kasi nagiging a-kyut.

Di naman po sa pagiging kyut ang topic natin sa Pagbubulay-bulay sa linggong ito pagkat alam kong kyut naman ang lahat. Na kahit nga pango ang ating ilong ay maganda pa ring tingnan. Kaya tamang-tama lang ang awit na "Limang mga daliri... kamay at paa... dalawang tainga, dalawang mata, ilong na maganda."

Class... ang topic natin ngayon ay tungkol sa ating mga daliri (di kasama yung sa paa). Ito ay ang ating hintuturo.

Ang hintuturo ay siyang tawag sa isa sa limang daliri natin sa kamay na ginagamit nating pang-turo kung may nais tayong tukuyin at tiyakin at ipakita sa kausap ang bagay o taong tinutukoy.

Bagama't ang sabi ng iba, may iba't ibang tawag raw ang mga daliri natin. May hinlalaki at may hinliliit. Kung anu pa ang mga iba ay di ko lubos na batid, bagkus ang tiyak na alam ko'y ang hintuturo.

Saan at sino ang gumagamit ng hintuturo?

Di lamang si Ms. Bilmoko (shortened for "bili mo ko nyan" "bili mo ko nyon") ang mahilig gumamit ng hintuturo. Ang mga bata rin ay sana'y na sana'y gumamit ng hintuturo. Kaya nga minsan ayaw nating isama si utoy at si ineng kapag pupunta ng mall dahil tiyak magtuturo na naman. At pag hindi mo binili ang ibig ay tiyak na mag-ngangangawa at maglulupasay na.

Madalas nagagamit natin ang ating hintuturo, consciously or unconsciously. Kapag ayaw nating tumanggap ng responsibilidad, ginagamit natin ang hintuturo. Nagtuturo tayo ng iba. "Siya na laang. Di kasi ako puwede eh."

Kapag ayaw nating akuin ang kasalanan bagama't maliwanag pa sa sikat ng araw sa dalampasigan na tayo ang nagkamali ay ginagamit natin ang ating hintuturo. "Siya naman kasi ang may kasalanan eh. Kung di ba naman niya ako binuyo, magagawa ko ba yon?" ang pangangatwiran mo pa.

Ang paggamit ng hintuturo sa di tamang gawi ay unang naganap ilang libong taon na ang nakalipas sa hardin ng Eden. Nang ang unang taong nilikha ng Diyos ay sumuway sa Kanyang utos. Wika ng Panginoon sa kanila sa Genesis 2:16-17, "You are free to eat from any tree in the garden; but you must not eat from the tree of the knowledge of good and evil, for when you eat of it you will surely die."

Subalit di ito ang naganap. Sa pambubuyo ng ahas (na walang iba kungdi si Satan) kinanin ni Eba at Adan ang bungang ipinagbabawal kainin. And the rest is history. It plunges the whole mankind into sin and eternal damnation.

Sino ang salarin? "Siya kasi eh..."

Nang tanungin ng Diyos kung bakit sila sumuway sa Kanyang utos, unang sumagot si Adan "Ito po kasing babaeng inilagay nyo sa akin, ibinigay niya sa akin ang bunga at tinukso akong kainin din."

"Bakit mo ginawa iyon", ang baling ng Diyos sa babae. "Ito po kasing ahas na ito, tinukso ako kaya ko kinain ang bunga", ang sagot ng babae.

Di man natin nakita kung papaano itinuro ni Adan ang babae bilang salarin, at kung papaano naman iniiwas ni Eba ang sarili at itinuro ang ahas bilang siyang salarin, ay maisasalarawan natin sa ating isipan na sila'y gumamit ng kanilang hintuturo upang iiwas ang sarili at ibaling sa iba ang pagkakamali.

At kung may hintuturo rin marahil ang ahas ay magtuturo rin ito at ibabaling sa babae ang sisi, "eh ikaw kasi eh... gusto mo rin naman di ba?, ba't ako ang sinisisi mo?" Yun nga lamang, wala na siyang mapagbalingang iba pagka't tatlo lamang silang naroroon. Marahil kung meron pa, naibaling pa sa iba ang sisi.

Dito nagsimula ang unang pagtuturuan. Dito nag-ugat ang pagsisisihan na hanggang ngayon ay nagagawa natin. Pilit nating iniiwas ang sarili sa maling nagawa. Pilit na nagbibigay ng baluktot na paliwanag, maiiwas lamang ang sarili at sa responsibilidad.

Hintuturo. Ikaw ba'y madalas gumamit ng iyong hintuturo?

Dapat nating pakalimiin, na kapag ginamit daw natin ang ating hintuturo upang ibaling sa iba ang sisi, ang nalalabing apat na daliri nati'y sa atin naman nakaturo. Sabi ng awit, "Bago mo linisin ang dungis ng iyong kapwa, hugasan mo (muna) 'yong mukha."

Yan rin ang nasasaad sa Matthew 7:3-4, "Why do you look at the speck of sawdust in your brother's eye and pay no attention to the plank in your own eye? " Na kung tatagalugin at sasabihin sa mas malalim na kahulugan ay ganito "Bakit mo nakikita ang puwing sa mata ng iyong kapwa, eh yang troso sa mata mo na pagkalaki-laki ay di mo napapansin at nakikita?".

Hintuturo. Sa susunod na paggamit natin ng ating hintuturo, tiyaking ito'y di para magturo ng iba at ibaling ang mali at kasalanan. Bagkus, palagiang muni-muniin ang bawat gawi natin upang di nagkakamali at ang nais at kalooban lamang ng Diyos ang siyang ginagawa natin.

Sa halip na magturo, sarili'y bantayan upang di makasuway sa utos Niya.

Hintuturo. Sino ang salarin?

Ikaw o ako... paka-ingat sa paggamit ng hintuturo.

Isang pagbubulay-bulay.

Pagpapala Niya'y sumaatin.