Showing posts with label John. Show all posts
Showing posts with label John. Show all posts

Monday, November 16, 2009

Para sa Iyo ang Laban na Ito

Contributed by Joseph Aguilar (dbd Bahrain)

Marami na namang kababayan natin ang marahil ay nagbubunyi sa pagka-panalo ni Manny kay Cotto. Pakiramdam nila ay sila rin ang nanalo sa laban.

Tiyak na ang iba ay napapasuntok pa habang nanunuod na animo'y sila ang nasa boxing arena. Umiigting ang kanilang pagka-makabayan sa mga panahong gaya nito.

Maging si Manny at ang kanyang kaanak (unang–una na diyan si Aling Dionisa) ay marahil animoy nasa alapaap ang pakiramdam (feels like heaven ika nga).

Ganito rin ang kagalakang nadarama ng Panginoon sa bawat pagsubok na nalalagpasan natin dahil mas napapagtibay ang ating pananalig sa Kanya.

Our faith is our victory… For whatsoever is born of God overcometh the world: and this is the victory that overcometh the world, even our faith. (1 John 5.4)

Makakayanan natin ang bawat suntok ng buhay dahil alam natin na ang Panginoon ang ating sandigan. Tulad ni Manny na dumaraan sa ilang pagsasanay at pagsubok para mahasa ang kanyang galing, tayo rin ay daraan sa Kanyang pagtutuwid at araw-araw ay binabago ng Panginoon at binibiyayaan ng kalakasan na nagmumula sa Kanya upang magtagumpay. "I can do all things through Christ who gives me strength." (Philippians 4:13)

BUT remember, WE have OUR OWN battle…OUR OWN FIGHT…

"Therefore we also, since we are surrounded by so great a cloud of witnesses, let us lay aside every weight, and the sin which so easily ensnares us, and let us run with endurance the race that is set before us, looking unto Jesus, the author and finisher of our faith, who for the joy that was set before Him endured the cross, despising the shame, and has sat down at the right hand of the throne of God. For consider Him who endured such hostility from sinners against Himself, lest you become weary and discouraged in your souls." (Hebrews 12:1-3)

Sa ating personal na laban, nagagalalak kaya ang Panginoon? O nakikisaya na lang ba tayo sa tagumpay ng iba?

Masasambit ba natin sa Panginoon na “Para sa Iyo ang Laban na Ito?”

Nasa sa atin ang kasagutan… isang Pagbubulay-bulay.

Monday, November 9, 2009

Tinig Niya'y Dinggin

Mula sa Panulat ni Max Bringula

In the past God spoke to our forefathers through the prophets at many times and in various ways, but in these last days he has spoken to us by his Son.” – Hebrews 1:1-2

Tulad ng isang mabuting ama, ang ating Diyos Ama sa langit ay laging sa atin ay nagbabantay. Tinatanaw at buong pagmamahal tayong pinagmamasdan. Nalulugod kapag tayo’y tapat na sumusunod sa Kanyang utos at naninimdim kung tayo’y sumusuway.

Sa lahat ng panahon, laging nakalaan ang Kanyang paalala. Ang kanyang pagtuturo’t pagtutuwid. Tinig Niya ang sa tuwina’y ating mapapakinggan.

Nasaan kayo?” ang tanong Niya kay Adan at Eba nang sila’y sumuway sa Kanyang iniutos na huwag kainin ang bunga ng puno sa gitna ng hardin (Genesis 3:6-9).

Halika” ang paanyaya Niya kay Pedro nang ang huli ay humiling kay Hesus na makalakad din sa ibabaw ng tubig tulad Niya (Matthew 14:28-29).

Ano ang ibig mong gawin ko?” ang pagtatanong Niya sa dalawang bulag na lumapit sa Kaniya at nagsusumamong sila’y pagalingin (Luke 18:35-41).

Huwag kayong matakot” ang madalas na binibigkas Niya sa Kanyang mga alagad bilang paghahanda sa mas mataas na antas ng kanilang paglilingkod (Luke 12:32).

Pagpapala ang iniiwan ko sa inyo” ang madalas Niyang tagubilin sa lahat (John 14:27, 20:21, 26).

Hindi kita iiwan, hindi kita pababayaan” ang buong pagmamahal na pangako Niya sa atin (Hebrews 13:5).

Ang Diyos ay di nagbabago. Siya pa rin noon, ngayon at bukas. Kung papaano Siya nangusap at tumatawag noon, ganoon pa rin hanggang ngayon ang Kanyang pagtawag at pagtuturo sa atin.

Sa pamamagitan ng Kaniyang mga Salita na ating naririnig, nababasa at pinagbubulay-bulayan, tayo’y Kanyang kinakausap at pinapaalalahanan. Nag-aanyaya Siya na sa Kanya’y lumapit at ibigay ang ating buong pagtitiwala. Ipinadarama Niya ang Kanyang wagas na pagmamahal at tinitiyak Niya ang Kanyang pag-iingat kailaman.

Kapatid, kaibigan… naririnig mo ba ang Kanyang tinig? Pinapakinggan mo ba ang Kanyang mga tagubilin?

O hanggang ngayo’y di mo Siya pinapansin. Binabalewala at di binibigyan ng oras at panahon.

Huwag nang patigasin ang ating puso. Huwag nang magbingi-bingihan pa. Tinig Niya’y dinggin.

Ngayon na. Now na.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

Ama Namin Diyos na makapangyarihan. Diyos na nakababatid ng laman ng puso’t isipan ninuman. Diyos na sa ami’y palaging nagtuturo’t nagtutuwid, salamat po sa Inyong mga Salita na patuloy naming napapakinggan. Sa Inyong tinig na patuloy naming naririnig. Aking dalangin na ako’y turuang palaging makinig sa Inyong mga turo at dinggin tuwina ang Inyong tinig na sa aki’y laging ipinaririnig. Sa Ngalan ni Hesus, Amen.”

Wednesday, November 4, 2009

Isang Munting Liwanag


Mula sa Panulat ni Max Bringula

And God said, "Let there be light," and there was light.
God saw that the light was good. (Genesis 1:3-4)

Kapag tayo’y nasa isang madilim na lugar kung saan buong paligid ay nababalot ng kadiliman at walang liwanag na maaninag, ang isang maliit na sindi mula sa kandila o palito ng posporo ay napakalaking tulong na. Nagkakaroon ng kislap sa ating mga mata kapag nasilayan ang isang munting liwanag.

Kapag madilim ang lugar na ating nilalakaran, tayo’y kakapa-kapa, buong ingat sa ating paghakbang dahil baka makabangga o matapilok kaya. Kung kaya’t kapag isang munting liwanag ang iyong nasilayan, dulot nito’y napakalaking kagalakan.

Kapag madilim ang paligid na iyong kinaroroonan, kaba at takot ang maaaring madama. Aandap-andap ka at kakaba-kaba. Subalit kapag isang munting liwanag ang ating maaninag dulot nito’y kakaibang sigla at saya.

Ganito ang nadama ng likhain ng Diyos ang liwanag. Dilim ang bumabalot noon sa buong paligid. Sinabi Niya, “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. Nasiyahan ang Diyos nang ito’y mamasdan. (Genesis 1:3-4)

Ganito rin ang ating nadarama kapag sa gitna ng kaguluhan, ng kalungkutan at pighati, sa animo’y kawalan ng pag-asa sa buhay, ang isang munting liwanag dulot ay ibayong kalakasan at pag-asa.

Sa ating buhay ay may isang nagbibigay-liwanag sa gitna na kadilimang nararanasan. Dulot Niya’y isang liwanag na nagbibigay-buhay.

"I am the light of the world. Whoever follows me will never walk in darkness, but will have the light of life." (John 8:12)

Sa Kanyang piling ay walang kadiliman, walang kaguluhan at walang kabalisaaan. Na maging sa gitna ng pagsubok at mga suliranin, kalakasan at tagumpay ang kaloob Niya.

Siya ay si Hesus – ang tunay na liwanag. Ang sinumang susunod sa Kaniya ay di na lalakad sa kadiliman, bagkus magkakaroon ng liwanag ng buhay.

Isang munting liwanag lang dulot na’y buhay na walang-hanggang.

Kapatid, kaibigan, nasasaiyo na ba ang liwanag o kadiliman pa rin ang iyong tinatahak?

Si Hesus ay tanggapin at papasukin sa iyong puso. Paghariin Siya sa iyong buhay at ang liwanag Niya’y iyong makakamtan.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

O Diyos Ama namin sa langit, Diyos ng liwanag na nagbibigay-buhay, aking idinudulog ang sarili sa iyong mga kamay. Mula sa kadiliman ako po’y inyong dalhin sa liwanag. Pinagsisihan ko pa ang aking pagsalangsang at mga kasalanan. Patawarin po Ninyo ako’t linisin sa aking karumihan. Maghari nawa Kayo sa aking puso at liwanag Ninyo ang aking lakaran. Ang liwanag Niyo nawa ang mamalas sa aking buhay. Sa Ngalan ni Hesus na aking Diyos at Panginoon. Amen.”

Tuesday, November 3, 2009

Luha

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Jesus wept." (John 11:35)

"Kung may kakayahan lang ang mga luha na sabihin ang mga dapat mong marinig, habang buhay akong iiyak dahil my mga bagay na puso lang ang nakakakita at luha lang ang may kakayahang magpadama."

Matalinghaga subalit puno ng katotohanan. Na maraming buting idinudulot ang pag-luha o pag-iyak. Ito man ay isang simpleng hikbi at pagpatak ng luha sa iyong kanang pisngi o isang malakas at nakakabinging pag-atungal.

Ayon sa mga medical personnel, nakakabuti raw ang pag-iyak pagkat nililinis nito ang ating mga mata. Ang totoo, hindi lang ang ating mata ang nalilinis, kungdi inaalis pa nito ang bigat na nararamdaman ng ating puso.

Sabi nga sa isang awit na aking narinig sa TV AD ni Sen. Manny Villar tungkol sa mga distressed OFWs, “Sige lang huwag mong pipigilan. Iiyak mo lang ang lahat sa buhay. Iiyak mo lang at ika’y tutulungan. Sige lang.”

Pinapawi ng luha ang ano mang sakit, hapdi at lungkot na ating nadarama. Pinaluluwag nito ang nagsisikip nating dibdib.


Kaya, sige lang. “Iiyak mo.” Huwag ng mahiya. Huwag ng magpa-macho-effect at magsasabing “lalaki ako. Hindi ako iiyak. Lalaki ini.” Hindeh! Ang pilit mong pagmamatigas. Subalit kapag napag-isa na, sabay atungal na akala mo kambing na kinakatay.

Yung iba ayaw pa talagang mapapansing sila’y naiiyak. Lalo na’t kapag nanonood ng ma-dramang pelikula tulad ng movie ni Vilma Santos na “Anak”. Na kapag walang nakakakita ay biglang pahid sa nagngingilid ng luha sa mata na kunwari’y napuwing laang. Yung iba, medyo “Mam, may I go out” muna, pero yun pala ay iiyak lamang dahil kanina pa naninikip ang dibdib sa bigat na nararamdaman.

Minsan nama’y di mo namamalayan, pumapatak na pala ang luha sa iyong mata. Garalgal na ang iyong pananalita. Lumuluha ka na pala.

Kaya, sige lang, wag mahiya. Iiyak mo lang.

Ang sanggol nga pagkasilang, iyak agad ang salubong niya sa pagpasok sa magulong mundo. Ito nga kaya’y iyak ng takot at pangamba o iyak ng kagalakan? Mabuting tanungin natin ang sanggol. Yun nga lamang, iyak din ang isasagot niya sa atin lalo na kung nagugutom na’t kailangan nang uminom ng gatas.

Luha. Mainam ito sa atin. Ito’y nagpapahayag ng ating saloobin. Sinasalamin nito ang ating nararamdaman. Ipinapadama nito ang nais bigkasin ng ating puso na di masambit ng ating labi.

Ang Panginoon man ay umiyak at lumuha. Ang pinaka-maikling talata na mababasa natin sa Bibliya ay nang ang Panginoon ay umiyak. “Jesus wept” ang inihayag ng John 11:35. Iniyak ng Panginoon ang lungkot na nadama sa pagkamatay ng kanyang matalik na kaibigang si Lazarus.

Gayundin, nang makita Niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng Kanyang bayang Israel, iniyak Niya rin ito. “As he approached Jerusalem and saw the city, he wept over it.” (Luke 19:41)

Kaya nga’t ang Panginoon ay nagbigay ng paanyaya sa mga nabibigatan at nahahapo. Sa mga labis na namimighati, sa nagdurusa at lumuluha, na lumapit sa Kaniya at sila'y Kanyang bibigyan ng kapahingahan (Matthew 11:28). A shoulder to cry on. Ito ang ibinibigay ng Panginoon sa atin.

Cast all your cares upon him for He cares for you.” (1 Peter 5:7)

Itangis mo sa Panginoon. Iiyak mo ang iyong nararamdaman. Huwag mahiya. Huwag mag-atubili. Higit sa lahat, itangis mo sa Panginoon ang pagkukulang at kalikuang nagagawa at ihingi ito ng tawad.

Wika Niya sa Isaiah 1:18, "Come now, let us reason together," says the LORD. "Though your sins are like scarlet, they shall be as white as snow; though they are red as crimson, they shall be like wool."

Luha. Malaki ang nagagawa ng ating pagluha. Nililinis nito di lang ang ating mga mata kungdi pati na ang ating puso.

Kapatid, kaibigan… ikaw ba’y lumuluha sa ngayon? Sige lang. Iiyak mo. Itangis mo sa Panginoon. Luha mo'y Kanyang papahirin.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

"Ama Naming Diyos na makapangyarihan at puspos ng pag-ibig sa lahat ng nalulumbay at nabibigatan. Akin pong inilalapit sa iyong mga kamay ang aking puso. Ang aking kalungkutan, mga pag-aalala at takot na nararamdaman. Kalingain Niyo po ako ng Inyong bisig pagkat Ikaw ang aking kalakasan at sa balikat Niyo ako makasusumpong ng kapahingahan. Luha ko’y inyong pahirin. Puso ko’y inyong linisin. Sa Ngalan ni Hesus na aking Panginoon, ito ang aking dalangin. Amen.”

Sunday, November 16, 2008

Bakit Ako Mahihiya?


Sa dahilang nasimulan natin na mga sentimental songs ng late 70’s ang siyang titulo ng ating Pagbubulay-bulay lately tulad ng “Tukso, Layuan Mo Ako” noong nakaraang Linggo, ngayon nama’y ang pamagat ng ating Pagbubulay-bulay ay hango sa awitin na pinasikat noon ni Didith Reyes na “Bakit Ako Mahihiya?”

Hindi ko na bibigyan pa ng background ang awit na ito o ang umawit nito sa dahilang di naman tungkol sa nilalaman ng awit ang ating pagbubulay-bulayan kungdi ang paggamit sa katagang “Bakit Ako Mahihiya?”

Sabi nila makapal daw ang mukha ng taong di marunong mahiya. “Ang kapal naman ng apog mo” ang kantong-salita na maririnig mo kapag ikaw ay tinaguriang walang hiya. (Hindi walanghiya, kungdi walang hiya.)

Dapat nga ba tayong mahiya? Ikaw ba ang tipo na “shy type” kumbaga na ang sambit madalas ay “shy kasi ako eh”. “Dyahi naman” ang dugtong mo pa. Pero sa totoo lang ay gusto-gusto mo rin naman. “Jele-jele, bago quiere” sabi nga sa salitang Kastila. Aayaw-ayaw, pero gusto.

Sa totoo, ang tao’y nilikha na may dignidad. Isang obra-maestrang maipagmamalaki ng dakilang Tagapaglikha. Tayo ang pinakamagandang nilikha ng Diyos sa balat ng lupa pagka’t tayo’y nilikha sa wangis Niya.

Kung gayon, saan nagmula ang “hiya” ng tao sa sarili?

Ito’y unang naganap sa hardin ng Eden. Ating mababasa sa Genesis 3:7 ang ganito, “Then the eyes of both of them were opened, and they realized they were naked; so they sewed fig leaves together and made coverings for themselves.”

Pagkatapos kanin ni Adan at Eba ang ipinagbabawal na bunga, sila’y nagkamalay (o nagkaroon ng malisya) at kanilang napagtanto na sila’y hubad. Kung kaya’t kumuha sila ng dahon ng igos at ito’y pinagtagni-tagni upang ipantakip sa hubad na katawan. Sila’y nahiya.

At nang marinig nila ang yapak ni Yahweh, sila’y agad na nagtago sa kahuyan. “Nasaan kayo” ang tawag Niya. “Nagtago po kami pagka’t kami’y hubad,” ang tugon ng lalaki. Sila’y nahiya.

Ang “hiya” ay nagsimula nang sila’y magkasala. Nang sila’y sumuway sa iniuutos ng Diyos.

Ang kasalanan ang nag-aalis ng dignidad ng tao sa kanyang sarili. Ang nagdudulot sa kaniya na mahiya.

Subali’t ang kahihiyan na dulot ng kasalanan ay pinawi ng lahat sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus sa krus. Inako Niya ang kahihiyan na dapat ay sa atin. Kung kaya’t ang sinumang mananampalataya sa Kaniya ay di na huhusgahan pa, bagkus ay ipawawalang-sala. Tatakpan Niya ang kahihiyang idinulot ng kasalanan.

Bakit ako mahihiya?” kung kasalanan ay Kanya ng pinatawad at binayaran.

Bakit ako mahihiya?” kung taglay ko na ang kapangyarihan na makapamuhay ng may kabanalan.

"I tell you the truth, whoever hears my word and believes him who sent me has eternal life and will not be condemned; he has crossed over from death to life.” (John 5:24)

Bakit ako mahihiya?” kung taglay ko na ang kakayahang ihayag ang Kanyang kadakilaan. Ang kanyang kabutihan. Ang Kanyang katapatan. Ang Kanyang pagliligtas. Hindi ko ikahihiya na Siya ay ipahayag pagka’t Siya ang kaligtasan ng lahat.

I am not ashamed of the gospel, because it is the power of God for the salvation of everyone who believes.” (Romans 1:16)

Subali’t kung tayo’y di sumusunod sa Kanyang iniuutos. Kung tayo’y laging sumusuway sa Kanyang nais. Kung tayo’y laging tumatalikod sa Kanyang ipinagagawa sa atin. Kung tayo’y pasaway at ang laging ibig ay sundin ang pita ng laman sa halip na ang Kaniyang katuwiran, dapat nga tayong mahiya.

Pagka’t napakabuti Niya sa atin. Nanatili Siyang tapat bagama’t di tayo nagtatapat sa Kaniya. Di Niya pa rin tayo pinababayaan. Iniaabot ang Kanyang mga kamay upang tayo’y gabayan at ingatan. Tumutugon sa ating pangangailangan. Napakabuti ng Diyos. Dapat nga tayong mahiya kung patuloy ang ating pagsuway.

"Bakit ako mahihiya ?’’ - yan ba ang katagang sinasambit mo dahil angkin mo na ang kaligtasang kaloob Niya.

"Bakit ako mahihiya ? - pagka’t ikaw ay pinawalang-sala na at kahihiyan mo’y Kanya ng pinawi.

O tayo’y nahihiya pa rin dahil sa kasalana’y patuloy na namumuhay. Nahihiya dahil patuloy na sumusuway.

O sadyang tayo’y walang hiya.

He who has an ear, let him hear.” (Rev. 13:9) Siya na may pandinig, ay makinig.

Isang Pagbubulay-bulay.