Showing posts with label Genesis. Show all posts
Showing posts with label Genesis. Show all posts

Sunday, August 22, 2010

Alabok


by Max Bringula

For dust you are, and to dust you will return.” (Genesis 3:19) Ito ang katotohanang di mapapasubalian. Katotohanang di matatakasan. Na tayo’y nagmula sa alabok, at sa alabok din tayo muling babalik.

Buhusan mo man ng isang katerbang lotion ang ating katawang-lupa, pakalinisin ng mababangong sabon, suutan ng pinaka-mamahaling damit at alahas, paliguan ng pinaka-mahalimuyak na pabango, alabok pa rin siyang maituturing kapag ang itinakdang oras ng muli Niyang pagbawi ng hiram nating buhay ay dumatal na.

For dust you are, and to dust you will return.” Isang katotohanang di maikukubli ng salapi, ng katanyagan, o ng kapangyarihan.

Maging ang mga naging hari ng iba’t ibang kaharian, mga personalidad na naging tanyag at pinagkakaguluhan na animo’y diyos at diwatang sinasamba’t niluluhuran, o maging ng pinakamayamang taong nabuhay sa ibabaw ng mundo ay hindi naligtas sa katotohanan na tayo’y isang alabok at sa alabok tayo’y babalik din.

Ito ang katotohanang pumapantay sa lahat ng uri ng tao – ng mayaman at ng mahirap, ng tanyag at ng ordinaryong nilikha, ng isang prinsipe at ng isang pulubi, ng maganda at di kagandahan, na malakas at ng mahina.

Kung gayon, ano ang higit na dapat nating pahalagahan? Ang katawang-lupa ba o ang ating espiritung babalik sa Diyos pagdating ng araw?

Ano ang kapakinabangan ng tao kung makamit man niya ang kayamanan ng mundo, mapasa-kanya ang kapangyarihan at katanyagan, marating ang rurok ng tagumpay, kung ang puso naman niya’y malayo sa Diyos? Maililigtas kaya niya ang sarili kung ang katawang-lupa’y bumalik na sa alabok?

Dapat nating pakatandaan na ang lahat ng bagay ay pansamantala lamang. Maging ang ating buhay ay lilipas din, gustuhin man natin o hindi. Ang ating kagandahan ay lilipas. Darami ang gitla sa ating noo. Mauubos ang ating buhok. Hihina ang ating tuhod. Unti-unting papalapit sa alabok na pinagmulan nito.

Kung kaya’t habang may lakas pa at may hininga, sikaping pahalagahan ang buhay na galing sa Kanya at hindi ang pisikal na kaanyuhan lamang. Manumbalik sa Diyos at sumunod sa Kanyang kalooban. Iaalay ang buhay at paghariin Siya sa ating puso. Upang bumalik man ang katawang-lupa sa alabok, nakatitiyak naman tayong mabubuhay na muli kapiling Niya sa Kanyang kaharian.

Ano ang mas pipiliin mo? Ang manatiling alabok o magtaglay ng buhay na walang-hanggan?

"For dust you are, and to dust you will return" - Genesis 3:19

Monday, November 9, 2009

Tinig Niya'y Dinggin

Mula sa Panulat ni Max Bringula

In the past God spoke to our forefathers through the prophets at many times and in various ways, but in these last days he has spoken to us by his Son.” – Hebrews 1:1-2

Tulad ng isang mabuting ama, ang ating Diyos Ama sa langit ay laging sa atin ay nagbabantay. Tinatanaw at buong pagmamahal tayong pinagmamasdan. Nalulugod kapag tayo’y tapat na sumusunod sa Kanyang utos at naninimdim kung tayo’y sumusuway.

Sa lahat ng panahon, laging nakalaan ang Kanyang paalala. Ang kanyang pagtuturo’t pagtutuwid. Tinig Niya ang sa tuwina’y ating mapapakinggan.

Nasaan kayo?” ang tanong Niya kay Adan at Eba nang sila’y sumuway sa Kanyang iniutos na huwag kainin ang bunga ng puno sa gitna ng hardin (Genesis 3:6-9).

Halika” ang paanyaya Niya kay Pedro nang ang huli ay humiling kay Hesus na makalakad din sa ibabaw ng tubig tulad Niya (Matthew 14:28-29).

Ano ang ibig mong gawin ko?” ang pagtatanong Niya sa dalawang bulag na lumapit sa Kaniya at nagsusumamong sila’y pagalingin (Luke 18:35-41).

Huwag kayong matakot” ang madalas na binibigkas Niya sa Kanyang mga alagad bilang paghahanda sa mas mataas na antas ng kanilang paglilingkod (Luke 12:32).

Pagpapala ang iniiwan ko sa inyo” ang madalas Niyang tagubilin sa lahat (John 14:27, 20:21, 26).

Hindi kita iiwan, hindi kita pababayaan” ang buong pagmamahal na pangako Niya sa atin (Hebrews 13:5).

Ang Diyos ay di nagbabago. Siya pa rin noon, ngayon at bukas. Kung papaano Siya nangusap at tumatawag noon, ganoon pa rin hanggang ngayon ang Kanyang pagtawag at pagtuturo sa atin.

Sa pamamagitan ng Kaniyang mga Salita na ating naririnig, nababasa at pinagbubulay-bulayan, tayo’y Kanyang kinakausap at pinapaalalahanan. Nag-aanyaya Siya na sa Kanya’y lumapit at ibigay ang ating buong pagtitiwala. Ipinadarama Niya ang Kanyang wagas na pagmamahal at tinitiyak Niya ang Kanyang pag-iingat kailaman.

Kapatid, kaibigan… naririnig mo ba ang Kanyang tinig? Pinapakinggan mo ba ang Kanyang mga tagubilin?

O hanggang ngayo’y di mo Siya pinapansin. Binabalewala at di binibigyan ng oras at panahon.

Huwag nang patigasin ang ating puso. Huwag nang magbingi-bingihan pa. Tinig Niya’y dinggin.

Ngayon na. Now na.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

Ama Namin Diyos na makapangyarihan. Diyos na nakababatid ng laman ng puso’t isipan ninuman. Diyos na sa ami’y palaging nagtuturo’t nagtutuwid, salamat po sa Inyong mga Salita na patuloy naming napapakinggan. Sa Inyong tinig na patuloy naming naririnig. Aking dalangin na ako’y turuang palaging makinig sa Inyong mga turo at dinggin tuwina ang Inyong tinig na sa aki’y laging ipinaririnig. Sa Ngalan ni Hesus, Amen.”

Wednesday, November 4, 2009

Isang Munting Liwanag


Mula sa Panulat ni Max Bringula

And God said, "Let there be light," and there was light.
God saw that the light was good. (Genesis 1:3-4)

Kapag tayo’y nasa isang madilim na lugar kung saan buong paligid ay nababalot ng kadiliman at walang liwanag na maaninag, ang isang maliit na sindi mula sa kandila o palito ng posporo ay napakalaking tulong na. Nagkakaroon ng kislap sa ating mga mata kapag nasilayan ang isang munting liwanag.

Kapag madilim ang lugar na ating nilalakaran, tayo’y kakapa-kapa, buong ingat sa ating paghakbang dahil baka makabangga o matapilok kaya. Kung kaya’t kapag isang munting liwanag ang iyong nasilayan, dulot nito’y napakalaking kagalakan.

Kapag madilim ang paligid na iyong kinaroroonan, kaba at takot ang maaaring madama. Aandap-andap ka at kakaba-kaba. Subalit kapag isang munting liwanag ang ating maaninag dulot nito’y kakaibang sigla at saya.

Ganito ang nadama ng likhain ng Diyos ang liwanag. Dilim ang bumabalot noon sa buong paligid. Sinabi Niya, “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. Nasiyahan ang Diyos nang ito’y mamasdan. (Genesis 1:3-4)

Ganito rin ang ating nadarama kapag sa gitna ng kaguluhan, ng kalungkutan at pighati, sa animo’y kawalan ng pag-asa sa buhay, ang isang munting liwanag dulot ay ibayong kalakasan at pag-asa.

Sa ating buhay ay may isang nagbibigay-liwanag sa gitna na kadilimang nararanasan. Dulot Niya’y isang liwanag na nagbibigay-buhay.

"I am the light of the world. Whoever follows me will never walk in darkness, but will have the light of life." (John 8:12)

Sa Kanyang piling ay walang kadiliman, walang kaguluhan at walang kabalisaaan. Na maging sa gitna ng pagsubok at mga suliranin, kalakasan at tagumpay ang kaloob Niya.

Siya ay si Hesus – ang tunay na liwanag. Ang sinumang susunod sa Kaniya ay di na lalakad sa kadiliman, bagkus magkakaroon ng liwanag ng buhay.

Isang munting liwanag lang dulot na’y buhay na walang-hanggang.

Kapatid, kaibigan, nasasaiyo na ba ang liwanag o kadiliman pa rin ang iyong tinatahak?

Si Hesus ay tanggapin at papasukin sa iyong puso. Paghariin Siya sa iyong buhay at ang liwanag Niya’y iyong makakamtan.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

O Diyos Ama namin sa langit, Diyos ng liwanag na nagbibigay-buhay, aking idinudulog ang sarili sa iyong mga kamay. Mula sa kadiliman ako po’y inyong dalhin sa liwanag. Pinagsisihan ko pa ang aking pagsalangsang at mga kasalanan. Patawarin po Ninyo ako’t linisin sa aking karumihan. Maghari nawa Kayo sa aking puso at liwanag Ninyo ang aking lakaran. Ang liwanag Niyo nawa ang mamalas sa aking buhay. Sa Ngalan ni Hesus na aking Diyos at Panginoon. Amen.”

Sunday, October 26, 2008

"Walang Himala"





"Walang Himala! Ang himala ay nasa puso ng tao... ang himala ay nasa puso nating lahat."


Sa mga tagahanga ng tinaguriang Superstar ng Pelikulang Pilipino, ang mga katagang ito ay di na mawawaglit sa kanilang kamalayan. Ang linyang ito na binigkas ni Elsa, ang pangunahing karakter sa pelikulang "Himala" na ginampanan ni Nora Aunor noong 1982, ay ilan lang sa mga tanyag na dialogue mula sa mga pangunahing Pelikulang Pilipino, tulad ng "You're nothing but a second-rate, trying hard copycat!" na binigkas naman ni Cherrie Gil sa karakter niya sa pelikulang "Bituing Walang Ningning", o kaya'y "Ding, ang bato, dali..." mula naman sa kapana-panabik na eksena sa mga pelikulang Darna na ginawa noon ni Gov. Vilma Santos, o kaya'y ang linyang pinasikat ng yumaong FPJ, ang "kapag puno na ang salop."

Ang mga katagang ito at iba pa na hango sa mga Pelikulang Pilipino ay kadalasang inuulit-ulit o ginagaya ng karamihan kung may nais tukuyin o kaya'y isang pamamaraan para takasan ang mapait at malungkot na karanasan o katotohanan ng buhay, tulad ng linyang "walang himala!"

"Walang himala...!!!" - yan ang maririnig mo sa iba kapag tinutukoy ang kawalang pag-asa o kaya'y pagsuko sa lipunang ginagalawan.

"Walang himala...!!!" - ang mauulinigan mo marahil kapag nabubugnot na sa kalagayan ng bansa na sa halip umusad ay lalo pa yatang dumadalusdos paibaba.

"Walang himala...!!!" - ito siguro ang naglalaro sa iyong isip kapag pagmamasdan mo at pakikinggan ang mga "pangakong napapako" ng mga politician at maging ng walang-pakundangang pagbabalewala ng mga namumuno sa ating pamahalaan sa karapatan at kalagayan ng kanyang mamamayan.

"Walang himala...!!!" - yan na marahil ang pinaka-abang pagtanggap sa kasalukuyang katayuan o nararanasan sa buhay. Katagang sumasalamin ng kawalang pag-asa o ng kawalan ng kakayahang makamit ang ninanais at pagdaka'y pagsuko sa dapat sanang gawin.

Subalit wala nga bang himala?

Sadya nga bang ang buhay ng tao ay parang life? Paikot-ikot na parang gulong. Minsa'y nasa itaas, minsa'y nasa ibaba. Paulit-ulit lang ba ang mga nagaganap? Kung ano ang kahapon ay siya ring mamamalas pag dating ng bukas?

Ang sagot ay "hindi". In fact, life is full of miracles. Life is a miracle in itself. Mula sa pagiging alabok, tayo'y hiningahan Niya ng buhay.

In Genesis 2:7 we read this verse, "And the LORD God formed man of the dust of the ground, and breathed into his nostrils the breath of life; and man became a living being."

Ito'y isang himala.
Ang pag-iyak ng isang bagong-silang na sanggol ay "isang himala". Kung kaya't ang pag-iyak nito pagkaluwal sa sinapupunan ng kanyang ina ay isang sigaw ng pasasalamat.

Ang bawat araw na idinurugtong ng Panginoon sa ating buhay ay "isang himala". Mula sa Kanyang walang-hanggang pagmamahal, tayo'y gumigising na may taglay na bagong lakas at sigla bagama't maaaring sa ating pagtulog tayo'y di na maka-gising. Mayroong iba nabagsakan ng eroplano o nasagasaan ng pison, o kaya'y binangungot. Subali't tayo'y buhay pa. Di ba ito'y "isang himala"?

Sabi ng Psalmist, "what is man that you are mindful of him?" (Psalms 8:4) Sino nga ba tayo? Tayo'y ba'y Karapat-dapat sa Kanyang pagmamahal? We are but a dust, yet the Lord loves us. He even loved us first.

Kung babalikan natin ang mga pinagdaanan sa buhay. Mula ng tayo'y isilang, nagkamalay, lumaki, nakapag-aral, nakapag-trabaho, nagkapamilya, at hanggang sa ngayon, patuloy na gumagawa ang Panginoon ng "himala" sa ating buhay. Marahil di lamang natin napapansin o binibigyang-pansin.

Kung papaano Niya tayo iniingatan sa araw-araw at kung papaano Siya tumutugon sa lahat ng ating pangangailangan ay "isang himala". Pagka't Siya'y Diyos ng himala, at sa Kanya'y walang mahirap gawin. Walang imposible sa ating Diyos.

In Matthew 9:28-29 tinanong ng Panginoon ang bulag na lalaking lumapit sa Kaniya na nais makakita, "Do you believe that I am able to do this?" "Opo, Panginoon", ang sagot ng lalaki. "According to your faith will it be done to you", at hinawakan ng Panginoon ang mata ng lalaki at siya'y muling nakakita.

Naranasan na ba natin ang himala ng Diyos? Nais ba nating maranasan ang Kaniyang himala?

Manalig ka lamang at ito'y magaganap. "According to your faith will it be done to you"

Kung magkagayon, "mayroong himala!"

Isang pagbubulay-bulay.

Sunday, October 19, 2008

Hintuturo (Sino ang Salarin)


"Limang mga daliri... kamay at paa... dalawang tainga, dalawang mata, ilong na maganda.

"Tanda nyo pa ba ang awit na ito? Yan ang awit na madalas na kinakanta sa atin marahil ng ating Nanay o Yaya o maging sa eskuwela nung tayo'y elementariya pa at nung tayo'y mga kyut pang mga bata. Kyut, dahil pag lumaki na raw kasi nagiging a-kyut.

Di naman po sa pagiging kyut ang topic natin sa Pagbubulay-bulay sa linggong ito pagkat alam kong kyut naman ang lahat. Na kahit nga pango ang ating ilong ay maganda pa ring tingnan. Kaya tamang-tama lang ang awit na "Limang mga daliri... kamay at paa... dalawang tainga, dalawang mata, ilong na maganda."

Class... ang topic natin ngayon ay tungkol sa ating mga daliri (di kasama yung sa paa). Ito ay ang ating hintuturo.

Ang hintuturo ay siyang tawag sa isa sa limang daliri natin sa kamay na ginagamit nating pang-turo kung may nais tayong tukuyin at tiyakin at ipakita sa kausap ang bagay o taong tinutukoy.

Bagama't ang sabi ng iba, may iba't ibang tawag raw ang mga daliri natin. May hinlalaki at may hinliliit. Kung anu pa ang mga iba ay di ko lubos na batid, bagkus ang tiyak na alam ko'y ang hintuturo.

Saan at sino ang gumagamit ng hintuturo?

Di lamang si Ms. Bilmoko (shortened for "bili mo ko nyan" "bili mo ko nyon") ang mahilig gumamit ng hintuturo. Ang mga bata rin ay sana'y na sana'y gumamit ng hintuturo. Kaya nga minsan ayaw nating isama si utoy at si ineng kapag pupunta ng mall dahil tiyak magtuturo na naman. At pag hindi mo binili ang ibig ay tiyak na mag-ngangangawa at maglulupasay na.

Madalas nagagamit natin ang ating hintuturo, consciously or unconsciously. Kapag ayaw nating tumanggap ng responsibilidad, ginagamit natin ang hintuturo. Nagtuturo tayo ng iba. "Siya na laang. Di kasi ako puwede eh."

Kapag ayaw nating akuin ang kasalanan bagama't maliwanag pa sa sikat ng araw sa dalampasigan na tayo ang nagkamali ay ginagamit natin ang ating hintuturo. "Siya naman kasi ang may kasalanan eh. Kung di ba naman niya ako binuyo, magagawa ko ba yon?" ang pangangatwiran mo pa.

Ang paggamit ng hintuturo sa di tamang gawi ay unang naganap ilang libong taon na ang nakalipas sa hardin ng Eden. Nang ang unang taong nilikha ng Diyos ay sumuway sa Kanyang utos. Wika ng Panginoon sa kanila sa Genesis 2:16-17, "You are free to eat from any tree in the garden; but you must not eat from the tree of the knowledge of good and evil, for when you eat of it you will surely die."

Subalit di ito ang naganap. Sa pambubuyo ng ahas (na walang iba kungdi si Satan) kinanin ni Eba at Adan ang bungang ipinagbabawal kainin. And the rest is history. It plunges the whole mankind into sin and eternal damnation.

Sino ang salarin? "Siya kasi eh..."

Nang tanungin ng Diyos kung bakit sila sumuway sa Kanyang utos, unang sumagot si Adan "Ito po kasing babaeng inilagay nyo sa akin, ibinigay niya sa akin ang bunga at tinukso akong kainin din."

"Bakit mo ginawa iyon", ang baling ng Diyos sa babae. "Ito po kasing ahas na ito, tinukso ako kaya ko kinain ang bunga", ang sagot ng babae.

Di man natin nakita kung papaano itinuro ni Adan ang babae bilang salarin, at kung papaano naman iniiwas ni Eba ang sarili at itinuro ang ahas bilang siyang salarin, ay maisasalarawan natin sa ating isipan na sila'y gumamit ng kanilang hintuturo upang iiwas ang sarili at ibaling sa iba ang pagkakamali.

At kung may hintuturo rin marahil ang ahas ay magtuturo rin ito at ibabaling sa babae ang sisi, "eh ikaw kasi eh... gusto mo rin naman di ba?, ba't ako ang sinisisi mo?" Yun nga lamang, wala na siyang mapagbalingang iba pagka't tatlo lamang silang naroroon. Marahil kung meron pa, naibaling pa sa iba ang sisi.

Dito nagsimula ang unang pagtuturuan. Dito nag-ugat ang pagsisisihan na hanggang ngayon ay nagagawa natin. Pilit nating iniiwas ang sarili sa maling nagawa. Pilit na nagbibigay ng baluktot na paliwanag, maiiwas lamang ang sarili at sa responsibilidad.

Hintuturo. Ikaw ba'y madalas gumamit ng iyong hintuturo?

Dapat nating pakalimiin, na kapag ginamit daw natin ang ating hintuturo upang ibaling sa iba ang sisi, ang nalalabing apat na daliri nati'y sa atin naman nakaturo. Sabi ng awit, "Bago mo linisin ang dungis ng iyong kapwa, hugasan mo (muna) 'yong mukha."

Yan rin ang nasasaad sa Matthew 7:3-4, "Why do you look at the speck of sawdust in your brother's eye and pay no attention to the plank in your own eye? " Na kung tatagalugin at sasabihin sa mas malalim na kahulugan ay ganito "Bakit mo nakikita ang puwing sa mata ng iyong kapwa, eh yang troso sa mata mo na pagkalaki-laki ay di mo napapansin at nakikita?".

Hintuturo. Sa susunod na paggamit natin ng ating hintuturo, tiyaking ito'y di para magturo ng iba at ibaling ang mali at kasalanan. Bagkus, palagiang muni-muniin ang bawat gawi natin upang di nagkakamali at ang nais at kalooban lamang ng Diyos ang siyang ginagawa natin.

Sa halip na magturo, sarili'y bantayan upang di makasuway sa utos Niya.

Hintuturo. Sino ang salarin?

Ikaw o ako... paka-ingat sa paggamit ng hintuturo.

Isang pagbubulay-bulay.

Pagpapala Niya'y sumaatin.