"Limang mga daliri... kamay at paa... dalawang tainga, dalawang mata, ilong na maganda.
"Tanda nyo pa ba ang awit na ito? Yan ang awit na madalas na kinakanta sa atin marahil ng ating Nanay o Yaya o maging sa eskuwela nung tayo'y elementariya pa at nung tayo'y mga kyut pang mga bata. Kyut, dahil pag lumaki na raw kasi nagiging a-kyut.
Di naman po sa pagiging kyut ang topic natin sa Pagbubulay-bulay sa linggong ito pagkat alam kong kyut naman ang lahat. Na kahit nga pango ang ating ilong ay maganda pa ring tingnan. Kaya tamang-tama lang ang awit na "Limang mga daliri... kamay at paa... dalawang tainga, dalawang mata, ilong na maganda."
Class... ang topic natin ngayon ay tungkol sa ating mga daliri (di kasama yung sa paa). Ito ay ang ating hintuturo.
Ang hintuturo ay siyang tawag sa isa sa limang daliri natin sa kamay na ginagamit nating pang-turo kung may nais tayong tukuyin at tiyakin at ipakita sa kausap ang bagay o taong tinutukoy.
Bagama't ang sabi ng iba, may iba't ibang tawag raw ang mga daliri natin. May hinlalaki at may hinliliit. Kung anu pa ang mga iba ay di ko lubos na batid, bagkus ang tiyak na alam ko'y ang hintuturo.
Saan at sino ang gumagamit ng hintuturo?
Di lamang si Ms. Bilmoko (shortened for "bili mo ko nyan" "bili mo ko nyon") ang mahilig gumamit ng hintuturo. Ang mga bata rin ay sana'y na sana'y gumamit ng hintuturo. Kaya nga minsan ayaw nating isama si utoy at si ineng kapag pupunta ng mall dahil tiyak magtuturo na naman. At pag hindi mo binili ang ibig ay tiyak na mag-ngangangawa at maglulupasay na.
Madalas nagagamit natin ang ating hintuturo, consciously or unconsciously. Kapag ayaw nating tumanggap ng responsibilidad, ginagamit natin ang hintuturo. Nagtuturo tayo ng iba. "Siya na laang. Di kasi ako puwede eh."
Kapag ayaw nating akuin ang kasalanan bagama't maliwanag pa sa sikat ng araw sa dalampasigan na tayo ang nagkamali ay ginagamit natin ang ating hintuturo. "Siya naman kasi ang may kasalanan eh. Kung di ba naman niya ako binuyo, magagawa ko ba yon?" ang pangangatwiran mo pa.
Ang paggamit ng hintuturo sa di tamang gawi ay unang naganap ilang libong taon na ang nakalipas sa hardin ng Eden. Nang ang unang taong nilikha ng Diyos ay sumuway sa Kanyang utos. Wika ng Panginoon sa kanila sa Genesis 2:16-17, "You are free to eat from any tree in the garden; but you must not eat from the tree of the knowledge of good and evil, for when you eat of it you will surely die."
Subalit di ito ang naganap. Sa pambubuyo ng ahas (na walang iba kungdi si Satan) kinanin ni Eba at Adan ang bungang ipinagbabawal kainin. And the rest is history. It plunges the whole mankind into sin and eternal damnation.
Sino ang salarin? "Siya kasi eh..."
Nang tanungin ng Diyos kung bakit sila sumuway sa Kanyang utos, unang sumagot si Adan "Ito po kasing babaeng inilagay nyo sa akin, ibinigay niya sa akin ang bunga at tinukso akong kainin din."
"Bakit mo ginawa iyon", ang baling ng Diyos sa babae. "Ito po kasing ahas na ito, tinukso ako kaya ko kinain ang bunga", ang sagot ng babae.
Di man natin nakita kung papaano itinuro ni Adan ang babae bilang salarin, at kung papaano naman iniiwas ni Eba ang sarili at itinuro ang ahas bilang siyang salarin, ay maisasalarawan natin sa ating isipan na sila'y gumamit ng kanilang hintuturo upang iiwas ang sarili at ibaling sa iba ang pagkakamali.
At kung may hintuturo rin marahil ang ahas ay magtuturo rin ito at ibabaling sa babae ang sisi, "eh ikaw kasi eh... gusto mo rin naman di ba?, ba't ako ang sinisisi mo?" Yun nga lamang, wala na siyang mapagbalingang iba pagka't tatlo lamang silang naroroon. Marahil kung meron pa, naibaling pa sa iba ang sisi.
Dito nagsimula ang unang pagtuturuan. Dito nag-ugat ang pagsisisihan na hanggang ngayon ay nagagawa natin. Pilit nating iniiwas ang sarili sa maling nagawa. Pilit na nagbibigay ng baluktot na paliwanag, maiiwas lamang ang sarili at sa responsibilidad.
Hintuturo. Ikaw ba'y madalas gumamit ng iyong hintuturo?
Dapat nating pakalimiin, na kapag ginamit daw natin ang ating hintuturo upang ibaling sa iba ang sisi, ang nalalabing apat na daliri nati'y sa atin naman nakaturo. Sabi ng awit, "Bago mo linisin ang dungis ng iyong kapwa, hugasan mo (muna) 'yong mukha."
Yan rin ang nasasaad sa Matthew 7:3-4, "Why do you look at the speck of sawdust in your brother's eye and pay no attention to the plank in your own eye? " Na kung tatagalugin at sasabihin sa mas malalim na kahulugan ay ganito "Bakit mo nakikita ang puwing sa mata ng iyong kapwa, eh yang troso sa mata mo na pagkalaki-laki ay di mo napapansin at nakikita?".
Hintuturo. Sa susunod na paggamit natin ng ating hintuturo, tiyaking ito'y di para magturo ng iba at ibaling ang mali at kasalanan. Bagkus, palagiang muni-muniin ang bawat gawi natin upang di nagkakamali at ang nais at kalooban lamang ng Diyos ang siyang ginagawa natin.
Sa halip na magturo, sarili'y bantayan upang di makasuway sa utos Niya.
Hintuturo. Sino ang salarin?
Ikaw o ako... paka-ingat sa paggamit ng hintuturo.
Isang pagbubulay-bulay.
Pagpapala Niya'y sumaatin.
No comments:
Post a Comment