Friday, October 10, 2008

Peklat - Isang Pagbubulay-bulay


Madalas tuksuhin ng mga bata ang isang kalaro kapag ito'y tadtad ng peklat sa binti. "Ay ang bata ang daming singko at diyes sa binti.. hahahaha....." ang maririnig mo habang sila'y nagtatawanan. At ang pobreng bata naman na sentro ng tuksuhan ay uuwing luhaan at magsusumbong kay Nanay o kay Itay. Subalit kung "atapang na lalaki", ito'y di patatalo at gaganti rin ng tukso. "Ikaw nga eh may alkansiya sa ulo... hahahaha..." sabay turo sa kalbong ulo ng kalaro.

Masarap gunitain ang mga panahong tayo'y isang paslit na bata pa. Walang muwang, walang inaalala, walang pinu-problema. Ang tanging gawi at iniisip lamang ay ang maglaro at magtampisaw sa tubig ng ulan o sa baha, ang maghabulan o magbaril-barilan sa mga batang kalalakihan, o magbahay-bahayan sa mga batang kababaihan naman. Sadya ngang napakasarap namnamin ang mga panahong yaon. Ang sarap maging bata, wag lamang magmistulang esep-bata.

Subalit ang sarap ng pagiging bata ay minsa'y may kaakibat din namang mga mapapait at masasakit na alaala. Alaalang nanunumbalik kapag nakakapa natin o nahahawakan at napapansin ang peklat sa binti, o sa kamay, sa mukha at ibang bahagi ng katawan. Peklat na sanhi ng ating kakulitan o katigasan ng ulo, o peklat na dulot ng kaapihan at pananakit na natamo. Anu man ang kadahilanan at naging sanhi ng pagkakaroon natin ng peklat, ang mga ito'y may aral na taglay na dapat pagbulay-bulayan at pagkatandaan natin upang di na maulit at maragdagan pa ang hapdi, ang sakit na mararanasan at sa huli'y maging panibagong peklat sa ating katawan, o sa ating puso at sa isipan.

Ang peklat ay maaaring isang pisikal na bagay sa bahagi ng ating katawan na dulot ng isang sugat na natamo. Gumaling man at maghilom nag-iwan naman ito ng kakaibang marka na siyang tinatawag nating peklat.

Gayunman, may peklat ding di nakikita ng ating paningin subalit nadarama natin. Peklat na dulot ng mapapait na karanasang pinagdaanan sa buhay na patuloy na nag-iiwan ng malungkot at mapait na alaala. And sometimes, the deepest scar are those that we cannot see, but we can feel the terrible pain it gives.

Subalit ang nakaraan ay di na dapat pang maging dahilan upang tayo'y di umusad at magtagumpay at manatili na lamang luhaan at talunan, bagkus ang peklat na natamo, maging ito man ay pisikal o sa puso o isipan ay dapat maging daan upang lalo pang maging masipag at magpunyagi upang marating at makamit ang mga pangarap at magampanan ang pagtawag sa atin ng Panginoon sa buhay na may kabanalan.

Tulad ng nasasaad sa Kanyang Salita sa Philippians 3:13-14, "But one thing I do: Forgetting what is behind and straining toward what is ahead, I press on toward the goal to win the prize for which God has called me heavenward in Christ Jesus." Dapat nating iwanan na at kalimutan ang nakaraang nagdulot sa atin ng peklat, at bagkus tayo'y humarap sa kasalukuyan at sa mga darating na araw ng ating buhay. Nang magkagayon, magiging maaliwalas ang lahat ng ating gagawin ng may ngiti sa ating mga labi, hindi ng lungkot at pighati.

Ikaw ba'y may peklat?

"Ay ang bata ang daming singko at diyes sa binti.. hahahaha....."

Wag tayong magpatalo sa pambubuyo ng ating kaaway, bagkus harapin natin ng buong tapang ang larangan ng buhay taglay ang pag-asa sa tagumpay na ipagkakaloob Niya.

"Peklat" - isang pagbubulay-bulay.

No comments: