Saturday, April 7, 2012

Naroroon Ka Pa Rin Ba?

Were you there when they crucified my Lord?
Were you there when they crucified my Lord?
Oh..oh… sometimes it causes me to tremble, tremble, tremble.
Were you there when they crucified my Lord
?”

Hango ito sa isang awit na madalas kong naririnig kapag Semana Santa o Holy Week. Ang malumanay nitong melodiya na sinabayan ng taimtim na pag-awit ay sadyang nagdudulot ng kakaibang hapdi at kirot sa puso na animo’y isang balaraw na itinuturok.

Naroroon ka ba nang ang ating Panginoon ay ipinako at nabayubay sa krus? Nang Siya’y hampasin at pahirapan, suutan ng koronang tinik, duraan, sipain, at laitin.

Nadarama mo ba ang hirap at sakit na Kanyang tiniis para sa atin? Naririnig mo ba ang mga paglait na Kanyang tinamo? Nasaksihan mo ba ang pagturok ng koronang tinik sa kanyang ulunan at ang bawat hagupit na tumatama sa Kanyang likuran?

Dahil sa ating mga sala at ng sangkatauhan, ang ating Panginoon ay dumanas ng hirap at pasakit at kamatayan sa krus. Ang parusang dapat ay sa atin ipinataw ay Siya ang nagbata at umako.

But He was pierced for our transgressions,
He was crushed for our iniquities;
the punishment that brought us peace was upon him
. (Isaiah 53:5)

Naroroon ka pa rin ba magpa-hanggang ngayon? Dahil sa pagkakasala at patuloy na pagsuway.

Mahigit dalawang libong taon na ang nakalipas nang maganap ang lahat ng ito, subalit ang kaligtasan na dulot ng pagtanggap at pagsisisi sa ating mga kasalanan, ang pagkilala at pananalig sa ginawa ni Hesus upang tayo’y maligtas ay nananatili magpahanggang-ngayon at mananatili magpakailanman.

Kung kaya’t tayo’y dapat lumisan na sa lugar na pinangyarihan ng Kanyang kamatayan, at humakbang tayo patungo sa lugar ng Kanyang muling pagkabuhay – ng bagong buhay na kapiling Siya. Doon tayo dapat naroroon.

Kapatid, kaibigan, kasama.... saan ka naroroon ngayon?

Isang Pagbubulay-bulay
by Max Bringula Chavez

Tuesday, April 3, 2012

Patawarin N'yo Po Sila


Father, forgive them, for they know not what they are doing.” – Luke 23:34

Isang dakilang pagmamahal ang mamamalas sa katagang ito na namutawi mula sa bibig ng ating Panginoong Hesus. Habang binabata ang sakit na tumatagos sa buong kalamnan dahil sa pakong ibinaon sa Kanyang paa’t mga kamay, ang pagmamahal pa rin sa sangkatauhan ang laman ng Kanyang puso’t isipan.

Ganito Niya ipinadama ang Dakilang pagmamahal sa atin.

In this is love, not that we loved God, but that He loved us and sent His Son to be the propitiation for our sins.” – 1 John 4:10

Dahil sa ating sala, Siya’y nabayubay sa krus. Ang Kanyang kamatayan ang nagbigay sa atin ng buhay na walang-hanggan. Ang dugo Niya ang naglinis sa ating karumihan. (Heb. 9:22)

Patawarin N’yo po sila” – iyan ang katagang tumutungkol sa atin. Kapatawarang laging laan sa sino mang lalapit sa Diyos at hihingi ng paglilinis sa ating karumihan. Kahiman tayo ang sanhi ng Kanyang kamatayan at paghihirap, kapatawaran Niya’y kakamtin kung sasampalataya lamang at tatanggapin Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas.

Patawarin N’yo po sila” - nawa’y ang dakilang pagmamahal na ito na mula sa ating Diyos at Dakilang Lumikha ang magdala sa atin sa Kanyang paanan.

Isang Pagbubulay-bulay
by Max Bringula Chavez

Monday, April 2, 2012

Crucify Him! Crucify Him!


Ito ang kanilang sigaw, "crucify Him, crucify Him!" (Luke 23:21)

Kani-kanina lamang sila itong nagwawagayway ng Palaspas at nagbubunyi sa Kanya, inihahayag na dumating na ang kanilang Hari.

Subalit ano ang nangyari't ngayon ay iba ang kanilang isinisigaw? Mas ninais pa nilang palayain si Barabbas na isang kriminal at si Hesus na walang kasalanan ang magdusa't parusahan at siyang ipako sa krus.

Madali nga bang makalimot ang tao sa kabutihan ng Diyos? Di niya na ba naalala ang mga pagpapalang binibigay at pag-iingat Niya? Na sa oras ng kagipitan o sa paghahangad ng mas akala niya ay magandang bagay, ipagpapalit ang Diyos sa materyal, sa tao at sa ano mang bagay o mga kaganapan, matiyak lamang ang kanyang pakay at makamit ang nais.

"Crucify Him, crucify Him!"

Ganito rin ba ang ating isinisigaw? Dahil ipinagpalit natin Siya.

"There is a way that seems right unto man, but the end of it is destruction." - Proverbs 14:12

Siyasatin ang sarili, baka kasama tayo sa sumisigaw ng "crucify Him!"

Isang Pagbubulay-bulay
by Max Bringula Chavez

Sunday, April 1, 2012

Iwagayway Mo


They took palm branches and went out to meet him, shouting, "Hosanna! Blessed is he who comes in the name of the Lord! Blessed is the king of Israel!" - John 12:13

Ganito ang ginawa ng mga Hudyo nang pumasok si Hesus sa Jerusalem upang dumalo sa Feast of Passover. Kanilang iwinagayway ang palaspas na tangan bilang pagbubunyi kay Hesus bilang kanilang Hari.

Na siyang nararapat pagkat si Hesus ay Hari ng mga hari. Panginoon ng mga panginoon.

Ang pagwawagayway ng palaspas o ano mang bagay ay pagpapakita di lamang ng pagbubunyi kungdi ng pagpapasakop, pagkilala at pagtanggap sa hinahandugan nito.

Kung gayon, kung si Kristo ang ating Hari, Panginoon at Tagapagligtas, ano ang iwinawagayway mo bilang pagbubunyi sa Kanya kaakibat ang mataas na papuri at pagsamba?

Wika sa Romans 12:1, “Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako’y namamanhik sa inyo na ialay ang sarili bilang handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos."

Ang ating buhay na puspos ng Kanyang kabanalan ang siya nating iwagayway tanda ng pagkilala kay Hesus bilang ating Hari at Panginoon.

Isang Pagbubulay-bulay
by Max Bringula Chavez