Showing posts with label Faith. Show all posts
Showing posts with label Faith. Show all posts

Wednesday, November 18, 2009

Alon

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"But let him ask in faith, with no doubting, for he who doubts is like a wave of the sea driven and tossed by the wind." - James 1:6

Kung pagmamasdan mo ang alon sa karagatan, mapapansin mong ito’y mistulang di napapagod sa pagbabalik-parito mula sa karagatan papunta sa dalampasigan, at sa dalampasigan papuntang muli sa gitna ng karagatan.

Ganito halos ang kanyang gawi araw at gabi. Hinahampas-hampas ng hangin saan man ibigin nito.

Di maka-imik, di maka-angal, di makapagsabi “ayaw ko na!”. “Mula ngayon, di mo na ako mapapaikot sa palad mo.” Ito marahil ang gusto sabihin ng alon, subalit siya’y animo’y pipi na di makapagsalita kung kaya’t waring alipin na susunud-sunod lamang sa ibigin ng hangin.

Ganito raw tayo kung pananampalataya natin ay parang switch ng ilaw na “on and off”. Minsa’y nagliliwanag, minsan nama'y pagkadilim-dilim. Hindi makapanindigan sa kanyang pananalig. Hindi mapanghawakan ang pangako ng Diyos pagkat siya mismo’y may pag-aalinlangan.

Kapag nanalangin, di bukal ang puso bagkus nagtatanong ang isipan na “ibibigay kaya Niya ang hinihiling ko?”. Na para bagang kulang ang kapangyarihan ng Diyos na kanyang pinanampalatayaan.

Pinatawad Niya na kaya ako” ang minsa’y sumasagi pa rin sa isipan. “Kaligtasan ko kaya’y lubos.”

Ang nais ng Diyos kapag tayo’y dudulog sa Kaniya, taglay natin ang isang dalisay na pananampalataya. Di nag-aalinlangan. Hindi nagdadalawang-isip.

Ginagantimpalaan Niya ang sinumang lalapit sa Kaniya ng may buong pananalig.

But without faith it is impossible to please Him, for he who comes to God must believe that He is, and that He is a rewarder of those who diligently seek Him. – Hebrews 11:6

Kapatid, kaibigan… ikaw ba’y tulad ng alon? Hinahampas-hampas ng hangin saan man nito ibigin. O pananampalataya mo sa makapangyarihang Diyos ay buo at tunay?
Wag ng mag-atubili. Huwag ng mag-alinlangan. Sa Kanya'y sumampalataya ka't manalig sapagkat sa Diyos ay walang imposible. "Nothing is too difficult for Him."


Isang Pagbubulay-bulay.

Monday, November 16, 2009

Para sa Iyo ang Laban na Ito

Contributed by Joseph Aguilar (dbd Bahrain)

Marami na namang kababayan natin ang marahil ay nagbubunyi sa pagka-panalo ni Manny kay Cotto. Pakiramdam nila ay sila rin ang nanalo sa laban.

Tiyak na ang iba ay napapasuntok pa habang nanunuod na animo'y sila ang nasa boxing arena. Umiigting ang kanilang pagka-makabayan sa mga panahong gaya nito.

Maging si Manny at ang kanyang kaanak (unang–una na diyan si Aling Dionisa) ay marahil animoy nasa alapaap ang pakiramdam (feels like heaven ika nga).

Ganito rin ang kagalakang nadarama ng Panginoon sa bawat pagsubok na nalalagpasan natin dahil mas napapagtibay ang ating pananalig sa Kanya.

Our faith is our victory… For whatsoever is born of God overcometh the world: and this is the victory that overcometh the world, even our faith. (1 John 5.4)

Makakayanan natin ang bawat suntok ng buhay dahil alam natin na ang Panginoon ang ating sandigan. Tulad ni Manny na dumaraan sa ilang pagsasanay at pagsubok para mahasa ang kanyang galing, tayo rin ay daraan sa Kanyang pagtutuwid at araw-araw ay binabago ng Panginoon at binibiyayaan ng kalakasan na nagmumula sa Kanya upang magtagumpay. "I can do all things through Christ who gives me strength." (Philippians 4:13)

BUT remember, WE have OUR OWN battle…OUR OWN FIGHT…

"Therefore we also, since we are surrounded by so great a cloud of witnesses, let us lay aside every weight, and the sin which so easily ensnares us, and let us run with endurance the race that is set before us, looking unto Jesus, the author and finisher of our faith, who for the joy that was set before Him endured the cross, despising the shame, and has sat down at the right hand of the throne of God. For consider Him who endured such hostility from sinners against Himself, lest you become weary and discouraged in your souls." (Hebrews 12:1-3)

Sa ating personal na laban, nagagalalak kaya ang Panginoon? O nakikisaya na lang ba tayo sa tagumpay ng iba?

Masasambit ba natin sa Panginoon na “Para sa Iyo ang Laban na Ito?”

Nasa sa atin ang kasagutan… isang Pagbubulay-bulay.

Sunday, October 25, 2009

Bakit Ka Nag-Alinlangan?

Mula sa panulat ni Max Bringula

Immediately Jesus reached out his hand and caught him. "You of little faith," he said, "why did you doubt?" - Matthew 14:31

Sa pagpapatuloy ng ating pagbubulay-bulay ng Kanyang mga Salita sa Matthew 14:15-32, atin namang tunghayan ang isang pangungusap na binigkas ng ating Panginoon sa verse 31 na ang sabi, “bakit ka nag-alinlangan?”

Ito ang salitang binitawan ng Panginoong Hesus nang si Pedro na noo’y nakalalakad na ng matuwid sa ibabaw ng tubig patungo sa kinaroroonan ng Hesus ay biglang nabaling ang paningin sa malakas na hanging rumaragasa at humahampas sa kaniya na sukat niyang ikinatakot kung kaya’t ang kanyang paglakad sa ibabaw ng tubig ay napalitan ng unti-unti niyang paglubog.

Panginoon, tulungan po ninyo ako!” ang agad na sigaw ni Pedro.

Kagyat namang inabot ni Hesus kay Pedro ang Kanyang mga kamay upang iahon ang huli sa pagkakalubog.

Napakaliit ng iyong pananampalataya. Bakit ka nag-alinlangan?” Ito ang agad na tinuran ni Hesus kay Pedro na noo’y nanginginig pa sa takot. At siya’y inakay ng Panginoong Hesus patungo sa bangkang sinasakyan sa pamamagitan ng paglakad muli sa ibabaw ng tubig.

Bakit ka nag-alinlangan?” – isang pangungusap na di lamang kay Pedro pinatutungkulan, kungdi sa bawat isa sa atin na nakakakilala sa Panginoon at nakaranas ng Kanyang kabutihan at pagmamahal. Kung gaano Niya tayo iniingatan at pinagkakalooban ng lahat ng ating pangangailangan.

Subalit dahil lamang sa hampas ng hangin o sa unos na dumarating sa ating buhay ay humihina ang ating pananampalataya sa magagawa ng Diyos at dahil dito tayo’y animo’y unti-unting lumulubog sa dagat ng buhay na ating nilalakaran.

Dati-rati tayo’y nakalalakad ng matuwid na ang isipan at paningin ay nakatuon lamang sa Panginoon. Subalit sa oras na ibaling natin ang paningin sa iba – sa tao, sa materyal na bagay, sa kaganapang nangyayari sa ating paligid, sa suliranin, kahirapan at mga pagsubok sa buhay, maging sa sariling kakayahan, tiyak na ang unti-unting paglubog ang magaganap sa atin.

Nakakalimutan natin na mas makapangyarihan ang ating Diyos higit kanino pa man at sa ano mang bagay. God is bigger than our problem. He is greater than anyone.

Pinanghihinaan na tayo agad ng loob at nakadarama ng takot sa mga nararanasan at namamalas sa ating kapaligiran. Naging balisa at napuno ng mga pag-aalinlangan at mga alalahanin sa buhay pagkat paningin nati’y ibinaling sa iba sa halip na sa Panginoong Hesus lamang.

Sabi sa Hebrews 12:2, “Let us fix our eyes on Jesus, the author and perfecter of our faith, who for the joy set before him endured the cross, scorning its shame, and sat down at the right hand of the throne of God.”

Sa Panginoon daw natin ituon ang ating paningin na Siyang may akda ng ating pananampalataya at Siya ring magpapadalisay nito. Tularan natin ang ating Panginoon na dahil sa kagalakang naghihintay sa Kaniya at mararanasan sa kalangitan, hindi Niya inaliintana ang hirap na daranasin, maganap lamang ang dakilang kalooban ng Diyos.

Gayundin naman sa atin. Ano mang hirap ang danasin natin ngayon, mga pasakit na nakapagbibigay lungkot at pighati sa ating buhay, mga suliraning walang humpay at animo’y sunud-sunod na bagyong dumarating, huwag panghihinaan ng loob, huwag mag-aalinlangan.

Sa halip patuloy tayong lumakad sa ibabaw ng tubig, sa dagat ng buhay pagkat kasama natin ang Panginoon. Siya ang magpapahupa ng unos. Siya ang magpapatigil sa bagyo at hangin.

He who calms the storm and walks on the water is likewise the One who will hold us in His hands.

Kumapit ka lamang sa Kanya at tiyak makalalakad ka ng matuwid sa ibabaw ng tubig.

Huwag mag-alinlangan.

Kaya mo yan, kapatid pagkat kasama mo ang Panginoon.

Isang Pagbubulay-bulay.