Mula sa panulat ni Max Bringula
Immediately Jesus reached out his hand and caught him. "You of little faith," he said, "why did you doubt?" - Matthew 14:31
Sa pagpapatuloy ng ating pagbubulay-bulay ng Kanyang mga Salita sa Matthew 14:15-32, atin namang tunghayan ang isang pangungusap na binigkas ng ating Panginoon sa verse 31 na ang sabi, “bakit ka nag-alinlangan?”
Ito ang salitang binitawan ng Panginoong Hesus nang si Pedro na noo’y nakalalakad na ng matuwid sa ibabaw ng tubig patungo sa kinaroroonan ng Hesus ay biglang nabaling ang paningin sa malakas na hanging rumaragasa at humahampas sa kaniya na sukat niyang ikinatakot kung kaya’t ang kanyang paglakad sa ibabaw ng tubig ay napalitan ng unti-unti niyang paglubog.
“Panginoon, tulungan po ninyo ako!” ang agad na sigaw ni Pedro.
Kagyat namang inabot ni Hesus kay Pedro ang Kanyang mga kamay upang iahon ang huli sa pagkakalubog.
“Napakaliit ng iyong pananampalataya. Bakit ka nag-alinlangan?” Ito ang agad na tinuran ni Hesus kay Pedro na noo’y nanginginig pa sa takot. At siya’y inakay ng Panginoong Hesus patungo sa bangkang sinasakyan sa pamamagitan ng paglakad muli sa ibabaw ng tubig.
“Bakit ka nag-alinlangan?” – isang pangungusap na di lamang kay Pedro pinatutungkulan, kungdi sa bawat isa sa atin na nakakakilala sa Panginoon at nakaranas ng Kanyang kabutihan at pagmamahal. Kung gaano Niya tayo iniingatan at pinagkakalooban ng lahat ng ating pangangailangan.
Subalit dahil lamang sa hampas ng hangin o sa unos na dumarating sa ating buhay ay humihina ang ating pananampalataya sa magagawa ng Diyos at dahil dito tayo’y animo’y unti-unting lumulubog sa dagat ng buhay na ating nilalakaran.
Dati-rati tayo’y nakalalakad ng matuwid na ang isipan at paningin ay nakatuon lamang sa Panginoon. Subalit sa oras na ibaling natin ang paningin sa iba – sa tao, sa materyal na bagay, sa kaganapang nangyayari sa ating paligid, sa suliranin, kahirapan at mga pagsubok sa buhay, maging sa sariling kakayahan, tiyak na ang unti-unting paglubog ang magaganap sa atin.
Nakakalimutan natin na mas makapangyarihan ang ating Diyos higit kanino pa man at sa ano mang bagay. God is bigger than our problem. He is greater than anyone.
Pinanghihinaan na tayo agad ng loob at nakadarama ng takot sa mga nararanasan at namamalas sa ating kapaligiran. Naging balisa at napuno ng mga pag-aalinlangan at mga alalahanin sa buhay pagkat paningin nati’y ibinaling sa iba sa halip na sa Panginoong Hesus lamang.
Sabi sa Hebrews 12:2, “Let us fix our eyes on Jesus, the author and perfecter of our faith, who for the joy set before him endured the cross, scorning its shame, and sat down at the right hand of the throne of God.”
Sa Panginoon daw natin ituon ang ating paningin na Siyang may akda ng ating pananampalataya at Siya ring magpapadalisay nito. Tularan natin ang ating Panginoon na dahil sa kagalakang naghihintay sa Kaniya at mararanasan sa kalangitan, hindi Niya inaliintana ang hirap na daranasin, maganap lamang ang dakilang kalooban ng Diyos.
Gayundin naman sa atin. Ano mang hirap ang danasin natin ngayon, mga pasakit na nakapagbibigay lungkot at pighati sa ating buhay, mga suliraning walang humpay at animo’y sunud-sunod na bagyong dumarating, huwag panghihinaan ng loob, huwag mag-aalinlangan.
Sa halip patuloy tayong lumakad sa ibabaw ng tubig, sa dagat ng buhay pagkat kasama natin ang Panginoon. Siya ang magpapahupa ng unos. Siya ang magpapatigil sa bagyo at hangin.
He who calms the storm and walks on the water is likewise the One who will hold us in His hands.
Kumapit ka lamang sa Kanya at tiyak makalalakad ka ng matuwid sa ibabaw ng tubig.
Huwag mag-alinlangan.
Kaya mo yan, kapatid pagkat kasama mo ang Panginoon.
Isang Pagbubulay-bulay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment