Monday, October 26, 2009

Bonsai!

Mula sa panulat ni Max Bringula

"Brothers, I could not address you as spiritual but as worldly-mere infants in Christ." -
1 Corinthians 3:1

Napagtanto na ba natin sa sarili kung bakit sa halip na lumago tayo sa ating pananampalataya, maging matibay at matatag dahil matagal-tagal na rin naman tayong Kristiyano ay kabaligtaran ang nagaganap at ating nakikita. Lalo pa tayong nagiging maramdamin, nagpupusong-mamon at nagdradramang-bukid, at kadalasa’y nag-e-esep-bata kahit di na mukhang bata.

Na dapat tayo ay natuturo na at nangunguna sa paghayo at pagbabahagi ng Kaniyang Salita pagkat taon na rin naman ang binilang mula ng makakilala tayo sa Panginoon. Isang dekada na at higit pa na tayo ay dumadalo sa mga Gawaing-espirituwal. Di na mabilang ang mga mensaheng ating nabasa at napakinggan. Ngunit magpahanggang-ngayon tayo pa rin yung inaamo-amo, inuunawa, iniintindi, sinusuyo-suyo, binibeybi kahit di na mukhang-beybi.

Na dapat ay naaasahan na tayo sa loob ng Iglesya. Tayo na yung tumatayo at nangangalaga sa mga tupa, umaakay at nagpapalakas sa mga mahihina, pagkat marami-rami na rin namang pagpapala ang ating tinanggap mula sa Panginoon - pagpapalang espirituwal, materyal at pisikal. Ilang sako na kaya ng bigas ang ating naubos, ilang bariles na ng tubig ang ating nainom, ilang drum ng na isda ang ating nilantakan, ilang kaing gulay at prutas na ang ating pinapak, ilang kilong baka at manok at tupa ang pumasok na sa ating tiyan tuwing tayo’y magkakaroon ng salu-salo o fellowshipping? Marami na. Ika nga, dapat ay may ganansiya na ang Panginoon sa atin kung pakalilimiin.

Subalit ang nagsusumigaw na katotohanan at maliwanag pa sa sikat ng araw na mamamalas natin ay - nananatili tayong “bonsai”. Isang cultured plant na unang ginawa ng mga Hapon na hindi lumalaki bagkus nananatiling maliit.

Ganyang tayong mga nag-e-esep bata. Ganyan tayo na binibeybi-beybi lagi. Ganyan tayo na tatamad-tamad at ayaw magpagamit sa Panginoon. Ganyan tayo na mahilig magreklamo. Ganyan tayo na konting kibot, nagdaramdam. Ganyan tayo na kaunting problema, nagnganga-ngawa. Mistulang halamang di lumalaki at nananatiling maliit. Kyut tingnan kung sa halaman. Pero kung sa atin hindi siya kyut, kungdi “akyut sa paningin” Hindi tayo makausad-usad sa ating buhay-Kristiyano.

Ito ang nakita ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinth kung kaya’t kanyang winika sa kanila “I could not address you as spiritual but as worldly-mere infants in Christ.”.

Matagal ng Kristiyano, matagal ng dumadalo and yet sabi ni Paul, “di ko kayo maituturing na spiritual” o malago na sa pananampalayata, “kungdi mga worldy – mga batang-esep.” Wala kayong inatupag kungdi ang kalayawan, ang walang katuturang-gawain ng mundo.

Masakit na pananalita, subalit ito ang nagdudumilat na katotohanan na makikita sa karamihan sa atin.

Kaylan pa kaya tayo lalago? Kaylan pa kaya tayo hahakbang patungo sa mas mataas na antas ng ating pananampalataya? Kaylan pa kaya tayo kikilos at maglilingkod sa Panginoon ng buo nating puso at kalakasan? Kaylan pa? Pagputi ng uwak, pag-itim ng tagak?

Life is short. Maikli lamang ang buhay ng tao. Make the most of it.
Let every day that God gave us be an opportunity for us to grow in our faith.

Wag manatiling “bonsai”. Bagkus maging matayog na puno na magiging silungan sa oras ng bagyo at ulan at maging sa init ng araw.

Ikaw, papayag ka bang tawaging "bonsai"?

Isang Pagbubulay-bulay.











No comments: