Saturday, October 24, 2009

Halika


Mula sa panulat ni Max Bringula

"Lord, if it's you," Peter replied, "tell me to come to you on the water." "Come," he said. - Matthew 14:28-29

Halika” – ito ang madalas bigkasin ng Panginoon sa Kanyang mga alagad at maging sa mga sumusunod sa Kanya at nagnanais na makapakinig ng Kanyang mga turo at makakita at makaranas ng Kanyang mga himala.

Ito ang makapangyarihang salita na binigkas Niya kay Pedro nang ang huli ay humiling sa Panginoon Hesus na siya’y makalakad din sa tubig. Pagkat nang mga oras na iyon (mga alas-tres ng madaling-araw) habang ang mga alagad ng Panginoon ay naglalayag sa ilog ng Galilee patungo sa Bethsaida ay naaninag nila mula sa di kalayuan na may naglalakad sa ibabaw ng tubig na sukat nilang ikinatakot. “Multo!” ang kanilang sigaw.

Subalit ang Panginoong Hesus pala iyon. “Ako ito, huwag kayong matakot” ang may pagmamahal Niyang sabi sa kanyang mga alagad. At doo’y sila’y napayapa.

Si Pedro na sa tuwina’y agresibo sa kanyang salita at gawi ang agad na nagwika at nagsabi “Panginoon, kung kayo nga po iyan, sabihin po ninyo sa akin na lumakad din sa tubig patungo sa inyong kinaroroonan.” Na tinugon naman ng Panginoon ng simpleng kataga na “Halika”. At si Pedro nga’y nakalakad sa tubig.

Batid na natin ang mga sumunod na kaganapan pagkatapos na maihakbang ni Pedro ang kanyang mga paa mula sa bangka patungo sa kinaroroonan ng Panginoong Hesus. (Basahin sa Matthew 14:30-32)

Gayunpaman, ang ating bibigyan ng pansin at pagbubulay-bulayan sa kaganapang ito na nakatala sa Matthew 14 ay ang salitang binigkas ng Panginoon kay Pedro nang mga sandaling iyon, ang “Halika”.

Ito’y salita ng paanyaya na kalakip ang katiyakang makakamtan ang nais kung tutugon at lalapit. Ganito ang naganap kay Pedro. Siya’y nakalakad sa ibabaw ng tubig taglay ang pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na nagwika sa kanya na “Halika”.

Ito rin ang ating mararanasan kung tayo’y tatalima sa paanyaya ng Panginoon. Maraming pagkakataon na tayo’y tinatawag ng Panginoon na lumapit sa Kanya na may pangakong taglay kung ating tatanggapin ang Kanyang paanyaya.

Buhay na walang hanggang ang ating kakamtin kung tatanggapin ang tubig na buhay na Kanyang alay.

"If anyone is thirsty, let him come to me and drink. Whoever believes in me, as the Scripture has said, streams of living water will flow from within him." – John 7:37-38

The Spirit and the bride say, "Come!" And let him who hears say, "Come!" Whoever is thirsty, let him come; and whoever wishes, let him take the free gift of the water of life. – Rev. 22:17

Kapatawaran ay makakamit kung tayo’y lalapit sa Kanya’t hihingi ng paglilinis sa ating karumihan. Tayo’y Kanyang gagawing puting-puti tulad ng niyebe kung tayo’y tatalima sa Kanyang paanyaya.

"Come now, let us reason together," says the LORD. "Though your sins are like scarlet, they shall be as white as snow; though they are red as crimson, they shall be like wool. – Isaiah 1:18

Kung tayo’y napapagal na sa takbo ng buhay sa mundong ating ginagawalan, kung ating puso’y hapo na sa pasakit at dusang nararanasan, at kung ang isipan nati’y suko na sa mga alalahanin, tanggapin natin ang Kanyang paanyaya upang maranasan ang kapahingahang di maibibigay ng mundong ito kungdi Siya lamang ang tunay na makapagkakaloob.

"Come to me, all you who are weary and burdened, and I will give you rest. Take my yoke upon you and learn from me, for I am gentle and humble in heart, and you will find rest for your souls" - Matthew 11:28-29

Tulad ni Pedro, tugunin natin ang Kanyang tinig na sa ati’y tumatawag na “Halika”.

Makapangyarihan ang ating Diyos na sa ati’y nag-aanyaya.

Kapatid, kaibigan, nag-iisip ka pa ba kung tutugon o nag-aalinlangan pa? Kung nais mo’y buhay na payapa at sagana, tawag niya’y dinggin. Hindi bukas, kungdi ngayon na.

Now na!

Isang Pagbubulay-bulay.

No comments: