Tuesday, October 27, 2009

Tubig at Langis

Mula sa panulat ni Max Bringula

Ang sabi ng marami kailanma’y hindi maaaring mapagsama ang tubig at langis. At siya namang totoo pagkat ang characteristics ng dalawang elementong ito ay magkasalungat – hindi maaaring magsanib. Kontra-pelo kumbaga sa simpleng salita.

Ganito rin ang bansag sa dalawang nilalang na di magkasundo’t laging nag-aaway. “Para kayong tubig at langisang sambit marahil ng nayayamot nyo ng kasama sa inyong pagbabangayan walang humpay.

Tubig at langis. Noong araw ay may pelikulang ginawa na ganito ang titulo at pinagbidahan nina Vilma Santos, Amy Austria at ang yumaong si Dindo Fernando. Kuwento ito ng mag-asawang di na magkabalikan dahil may namamagitan ng iba.

Titulo rin siya ng awit noon ni Sharon Cuneta na naging theme song ng nasabing pelikula. Sabi sa awit, "Tubig at langis, Idarang man sa init, 'di rin tatamis Dahil ang halo'y luha't paghihinagpis, Ang kirot ay di maalis kung labis."

Kahit anong pilit daw na muling pagsamahin at pag-isahin ay di mangyayari. Ganyan ang tubig at langis. Buti pa nga ang aso’t pusa bagama’t tinaguriang magkaaway na mortal ay kinalaunan ay makikitang mong buddy-buddy na sila. Magkasama sa pagkain at sa pagtulog. Pero hindi ang tubig at langis.

Sa buhay espirituwal, mayroon ding tubig at langis. At ito’y hindi ang iyong biyenan at ikaw. Hindi rin ang iyong bungangerang asawa at ikaw. O kaya’y ang mortal mong kaaway kung meron man. Pagkat ang mga iyan ay maipagkakasundo pang muli kung iibigin.

Subalit ang aking tinutukoy na tubig at langis sa buhay espirituwal ay ang ating pita ng laman at ang Espiritu ng Diyos na nananahan na sa atin mula ng tayo’y makakilala at tumanggap sa Kaniya.

Ang dalawang ito’y kailanma’y magkasalungat at di mapagsasama. Ganito ang sabi sa Galatians 5:17, “Sapagkat ang mga pita ng laman ay laban sa mga ninanasa ng Espiritu, at ang mga ninanasa ng Espiritu ay laban sa mga pita ng laman. Magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang ibig ninyong gawin.”

Ito ang katotohanang napagtanto ni Pablo nang minsa’y kanyang sinabi na may mga bagay na nais niyang gawin subalit hindi ito ang kanyang nagagawa. At ang mga bagay na ayaw niyang gawin ang siya namang nagagawa niya. (Romans 7:15)

Ito ay sapagkat ang ating makasalanang laman (o sinful nature) ay pilit pa ring umaalpas bagamat tayo’y nasa Panginoon na at bagong nilalang na. Wala na ang lumang pagkatao, tayo’y binago na. (2 Corinthians 5:17)

Habang ang ating paa ay nakatapak pa sa lupa, ang pita ng laman ay nasasa-atin pa. Ito ang dahilan kung bakit nagagawa pa natin ang bagay na di na dapat ginagawa ng isang tunay na anak ng Diyos.

Sino ang makapagliligtas sa akin sa ganitong kaaba-abang kalagayan?” ang naitanong ni Pablo. Salamat sa Diyos, sa pamamagitan Niya, ang pita ng laman ay ating mapagtatagumpayan. (Romans 7:24-25)

Kung kaya’t upang magtagumpay, upang mapagwagian ang digmaang namamagitan sa pita ng laman at ng Espiritu, ang tinuturing natubig at langis”, ating sundin ang payo sa atin sa Banal Niyang Aklat na ang wika ay ganitoIto ang sinasabi ko sa inyo, ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at huwag ninyong susundin ang pita ng laman.” (Galatians 5:16)

Isa lamang ang pipiliin. Hindi pwedeng mamangka sa dalawang-ilog. Hindi pwedeng maging unyango na pwede kahit saan. Hindi pwedeng sala sa init, sala sa lamig. Hindi pwedeng lumakad ng sakang. Isa lamang – ang Espiritu ba o ang pita ng laman ang ating susundin?

Tubig at Langis, hindi mo ito mapagsasama kailanman. Gayundin ang pita ng laman ay di pwedeng isama sa ating pagsunod sa Panginoon.

Mamili ka kaibigan, kapatid.

Wag ng mag-isip pa ng matagal. Ngayon na ang pagde-desisyon! Now na!

No comments: