Saturday, October 31, 2009

Gradweyt Na!

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"For to me, to live is Christ and to die is gain." (Philippians 1:21)

Ang buhay ng tao ay maihahalintulad sa isang pag-aaral sa eskuwelahan kung saan bago makapagtapos ay daraan sa mga maraming pagsusulit at pagsasanay. At matapos mapagtagumpayan ang mga ito ay mapabilang sa mga aakyat sa enteblado upang tanggapin ang diploma bilang patunay na ikaw ay gradweyt na. Tapos na! (sa wakas...)

Ang makapagtapos sa pag-aaral ay isang kapakinabangan. At upang makamit ito, kailangan maging tapat at sumunod sa mga alituntunin ng paaralan.

Ganito maihahambing ang tinutukoy ni Pablo sa Philippians 1:21 nang kanyang winika “For me to live is Christ, and to die is gain”.

Ayon kay Pablo, isang kapakinabangan ang magtapos, ang mag-graduate sa larangan ng buhay pagkat ang kahulugan nito’y lilisanin na ang makasalanang mundo, ang hirap at pasakit na nararanasan ng katawan at kakamtin ang putong mula sa Panginoon at makasama sa tahanang inihanda Niya para sa atin.

Sadyang mas mabuti nga ito. At ito ang ibig ni Pablo – ang makasama ang Panginoon. Ngunit napag-isip-isip rin niya na kung sa pananatili sa mundo ay makagagawa pa siya na mabubuting bagay, ito'y mainam din. “Hindi ko (tuloy) malaman ngayon kung alin ang pipiliin”, ang paglalahad niya. (Phil. 1:22)

Two choices and either one is good but ultimately, to be with the Lord is the best. That is why Paul exclaimed, “To die is gain.”

Subalit sa nakararami, ang mabuhay pa ay mas mainam. Ang lumawig pa ang buhay sa mahabang panahon ay makabubuti rin. Ito ay totoo kung titingnan natin na ang bawat araw na dumaratal sa ating buhay ay pagkakataon upang makapag-impok pa ng kayamanan sa kalangitan sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti at pamumuhay ng matuwid. (Matthew 6:20)

Subalit kung ang hangarin na mabuhay pa ay dahil nais pa nating malasap ang mga inihahandog ng mundo, dapat tayong mag-isip-isip muli. Pagkat hindi hawak ng tao ang “kanyang buhay”. Any moment, maaari tayong grumadweyt o "kunin na ni Lord" ang sabi nga ng iba. Handa na kaya tayo pag dumating ang takdang panahong iyon?

Upang makatiyak, tularan natin si Pablo na nagwika “For me to live is Christ.” Ang mabuhay ay para sa Kanya – ang ialay ang buhay sa Kanyang kaluwalhatian, ang sundin ang Kanyang mga Salita at gawin ang Kanyang ibig. Nang sa gayon, kapag dumating na tayo ay gra-gradweyt, atin ring mabibigkas ang katagang “to die is gain”.

Ikaw, handa ka na bang grumadweyt? O hanggang ngayo’y iskul-bukol ka pa rin.

Tandaan, ayaw man natin o gusto, darating ang panahong tayo’y gragradweyt din.

Ang tanong, handa na ba tayo?

Isang Pagbubulay-bulay.

No comments: