Wednesday, November 18, 2009

Alon

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"But let him ask in faith, with no doubting, for he who doubts is like a wave of the sea driven and tossed by the wind." - James 1:6

Kung pagmamasdan mo ang alon sa karagatan, mapapansin mong ito’y mistulang di napapagod sa pagbabalik-parito mula sa karagatan papunta sa dalampasigan, at sa dalampasigan papuntang muli sa gitna ng karagatan.

Ganito halos ang kanyang gawi araw at gabi. Hinahampas-hampas ng hangin saan man ibigin nito.

Di maka-imik, di maka-angal, di makapagsabi “ayaw ko na!”. “Mula ngayon, di mo na ako mapapaikot sa palad mo.” Ito marahil ang gusto sabihin ng alon, subalit siya’y animo’y pipi na di makapagsalita kung kaya’t waring alipin na susunud-sunod lamang sa ibigin ng hangin.

Ganito raw tayo kung pananampalataya natin ay parang switch ng ilaw na “on and off”. Minsa’y nagliliwanag, minsan nama'y pagkadilim-dilim. Hindi makapanindigan sa kanyang pananalig. Hindi mapanghawakan ang pangako ng Diyos pagkat siya mismo’y may pag-aalinlangan.

Kapag nanalangin, di bukal ang puso bagkus nagtatanong ang isipan na “ibibigay kaya Niya ang hinihiling ko?”. Na para bagang kulang ang kapangyarihan ng Diyos na kanyang pinanampalatayaan.

Pinatawad Niya na kaya ako” ang minsa’y sumasagi pa rin sa isipan. “Kaligtasan ko kaya’y lubos.”

Ang nais ng Diyos kapag tayo’y dudulog sa Kaniya, taglay natin ang isang dalisay na pananampalataya. Di nag-aalinlangan. Hindi nagdadalawang-isip.

Ginagantimpalaan Niya ang sinumang lalapit sa Kaniya ng may buong pananalig.

But without faith it is impossible to please Him, for he who comes to God must believe that He is, and that He is a rewarder of those who diligently seek Him. – Hebrews 11:6

Kapatid, kaibigan… ikaw ba’y tulad ng alon? Hinahampas-hampas ng hangin saan man nito ibigin. O pananampalataya mo sa makapangyarihang Diyos ay buo at tunay?
Wag ng mag-atubili. Huwag ng mag-alinlangan. Sa Kanya'y sumampalataya ka't manalig sapagkat sa Diyos ay walang imposible. "Nothing is too difficult for Him."


Isang Pagbubulay-bulay.

No comments: