Saturday, November 7, 2009

Salita Ko'y Iyong Kalugdan

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"May the words of my mouth and the meditation of my heart
be pleasing in your sight, O LORD, my Rock and my Redeemer
." – Psalms 19:14

Isang bagong umaga na naman ang ating nasilayan. Isang panibagong araw ng pagsunod at paglilingkod. Isang bagong pagkakataon na makapag-impok ng kayamanan sa kalangitan. Salamat sa Panginoon. Papuri sa Kanya.

Subalit ito nga ba ang numumutawi at ating mga labi pag-gising sa umaga? O pagka-aga-aga pa lamang ay para ng tambutso ng tren ang inyong bunganga sa kakaputak. Sa pagrereklamo sa tahanan man o sa trabaho.

Ni hindi ka na nakapag-usal ng panalangin at pasasalamat dahil nagmamadali ka’t male-late na sa trabaho dahil late ng nagising, dahil late na ring natulog dahil inumaga sa panonood, sa kaka-chat, at sa kaka-text.

Na sa halip na magbulay-bulay sa Salita ng Diyos, pakikipag-tsika-tsika agad ang inatupag, ni hindi pa nakapagmumumog, pakikipag-tsismis na agad sa kapitbahay ang inuna. Yun na ang ang kanyang umagahan. Talagang kinarir kumbaga ang pakikipag-huntahan. Pakikipag-bangkaan muna ang inasikaso bago ang trabaho. Buhay naman ng may buhay ang pinag-pipiyestahan.

Nalulugod kaya ang Diyos sa atin ng ganito?

Sabi ng Psalmist “May the words of my mouth and the meditation of my heart be pleasing in your sight, O LORD, my Rock and my Redeemer.”

Nawa o Diyos ang mga salitang magmumula sa aking bibig at ang pagmumuni-muni ng aking puso ay makapagbigay kaluguran sa Iyo.

Simulan natin ang linggong ito ng mainam. Maghandog ng pasasalamat at papuri sa Diyos. Ingatan ang mga salita na mamumutawi sa ating bibig. Iwasang makapanakit ng kalooban ng iba. Maging mahinahon at wag padalus-dalos sa salitang ating bibitawan. Pagkat ang ano mang salitang ating bigkasin mula sa ating mga labi ay maaaring makapagbigay-buhay at sigla sa iba, o makapagdulot ng sama ng loob at makapaglikha ng kagalit o kaaway.

Sikapin nating malugod ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng bawat salita na ating bibigkasin. Nawa’y ito’y salita ng pagpapala, ng kalakasan at ng Salitang nagbibigay-buhay na walang iba kungdi ang ating Panginoong Hesus.

Nawa’y salita natin kalugdan ng Panginoon.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

"O Diyos Ama naming sa langit, kapuri-puri po kayo sa Inyong mga ginawa at patuloy na ginagawa sa aming buhay. Salamat po sa bagong umagang inyong kaloob, sa bagong buhay na nagmumula sa Inyo. Turuan po Ninyo ako na palaging maalala ang inyong kabutihan at katapatan upang sa labi ko’y pagpupuri at pasasalamat ang lagi ng mamutawi. Nawa’y malugod po kayo sa mga salitang bibigkasin ng aking mga labi at sa mga Salita ninyong pinagbubulayan ng aking puso. Sa Ngalan ni Hesus, ito po aking pagsamo. Amen.”

No comments: