Saturday, November 14, 2009

Isang Bato Ka Lang

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Reaching into his bag and taking out a stone, he slung it and struck the Philistine on the forehead. The stone sank into his forehead, and he fell facedown on the ground." - 1 Samuel 17:49

Isang bala ka lang” ito’y isa sa mga popular na linya ng yumaong FPJ at naging titulo ng kanyang pelikula. Madalas ginagaya ng iba ang linyang ito kapag pinaparinggan ang kalaban o kaaway na nais pataubin o pabagsakin.

Marahil ganito rin ang linya ng pound-for-pound king na si Pacman o Manny Pacquiao laban kay Cotto. Subalit hindi “isang bala ka lang”, kundi “isang suntok ko lang” bagsak ka na, ang wari’y sambit ni Pacman.

Ganito rin marahil ang tono ng pananalita ni David nang harapin niya ang mala-higanteng si Goliath na noo’y humahamon sa bayang Israel. “Lumabas kayo. Sino ang atapang na lalaki” ang sigaw ni Goliath noon sa mga sundalo at kay Haring Saul. (1 Samuel 17:10)

Ako ang lalaban” ang buong tapang na sagot ni David tangan ang kanyang tungkod at tirador at limang makikinis na bato na kinuha niya mula sa sapa. (1 Samuel 17:32,40)

Ha-ha-ha….” ang matunog at dumadagundong na tawa ni Goliath nang makita ang batang-batang si David na halos wala pa sa kalahati niya ang laki.

Ikaw? Ikaw ba ang lalaban sa akin? Isang uhuging taga-alaga lamang ng tupa. Binibiro mo ba ako? Ano ako, aso na haharap ka sa akin at patpat lang dala?” ang may pang-aasar na sagot ni Goliath sabay ng pagkalakas-lakas na tawa, “Ha-ha-ha....

Tumahimik ka Goliath” ang sagot ni David. “Hindi mo ba batid na ang Diyos ng Israel na iyong hinahamak ang aking kalasag? Ang dala mo’y tabak, sibat at balaraw, ngunit lalabanan kita sa Ngalan ni Yahweh, ang makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak. Ibibigay ka Niya sa akin ngayon! Pupugutin ko ang ulo mo at ipapakain kita sa mga ibon at sa mga hayop pati ang iyong mga kasamahan. Sa gayon, malalaman ng daigdig na ang Diyos ng Israel ay buhay. At makikita ng lahat na narito na makapagliligtas si Yahweh kahit walang tabak at sibat. Siya’y makapangyarihan at ipalulupig Niya kayo sa amin.” (1 Samuel 17:45-47)

Pagkatapos nito’y inilabas ni David ang kanyang tirador, at dinukot ang isang bato mula sa kanyang sublitan at sabay wika ng “isang bato ko lang”, at pinakawalan ni David ang bato mula sa kanyang tirador.

Blag!” ang malakas na tunog na narinig nang padapang bumagsak si Goliath. Sa lakas ng pagkakatirador ni David, tumama ang bato sa noo nito at bumaon na ikinabagsak niya. (1 Samuel 17:49)


Ito ang naganap ilang libong taon na ang nakaraan. Ano ngayon ang kaugnayan ng pangyayaring ito sa atin?

Tayong lahat ay tulad ni David. Nahaharap sa mala-higanteng Goliath na humahamak sa ating pananalig. Patung-patong na problema, di maubos-ubos na alalahanin, mga mabibigat na pagsubok, mga nakapanlulumong pang-huhusga ng mundo, mga mapang-aping tao na nagbibigay ng sakit at pighati sa atin. Sila at ang mga ito ang ating Goliath.

Subalit tulad ni David, mayroon tayong “isang Bato” na ating kalasag. “Bato” na kasama natin at nasasaatin.

Ito ang nakasaad sa Kanyang Salita sa 2 Samuel 22:2-3, “The LORD is my Rock, my fortress and my deliverer; my God is my Rock, in whom I take refuge, my shield and the horn of my salvation.”

Sa pamamagitan Niya, mapagtatagumpayan natin ang ano mang palaso ng kalaban. Malulupig natin at mapapabagsak ang ating Goliath.

Isang Bato ka lang”, ito ang sambitin. Ito ang panghawakan. Sa pamamagitan ng “Bato” tiyak ang ating tagumpay.

Kapatid, kaibigan… hinahamon ka ba ng iyong Goliath? Na sumusubok sa iyong pananalig, na nakapagpapahina ng iyong pananampalataya. Na nakapapalugmok sa atin.

Sambitin mo sa kanya, “isang Bato ka lang”.

Isang Pagbubulay-bulay.

No comments: