Monday, November 2, 2009

Sa Piling ng mga Patay

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"As for you, you were dead in your transgressions and sins." - Ephesians 2:1

Madalas nating napapanood sa pelikula na ang tema ay horror tulad ng Zombie, Dracula, atbp. ang eksena kung saan ang mga patay ay bumabangon mula sa libingan at nakikihalubilo sa daigdig ng mga buhay. Mayroon din na animo’y buhay talaga at nakaka-usap subalit sila pala’y mga patay, tulad sa pelikulang pinagbidahan ni Nicole Kidman, ang “The Others” na may Filipino version din na “D’ Anothers” ni Vhong Navarro.

Sa Banal na Aklat ay may nakasulat ding ganito, mga patay na kasa-kasama natin sa pagkain, sa pagtulog, sa pagpasok sa trabaho, sa eskuwela, sa paglalaro, sa pag-gimik, sa bangkaan at sa halos lahat ng ating ginagawa sa mundo, naroon sila – nakikihalakhak, ngumingiti, sumisimangot, humikhikbi, humihilik, at kung anu-ano pang uri ng damdamin pagkat sila’y humihinga pa subalit mga mistulang patay. Hindi itsurang patay na halos buto’t balat at ampaw ang pisngi’t may bulak sa ilong bagkus matitipuno pa nga’t malulusog.

Subalit bakit ang taguring sa kanila’y mga patay. Ito ang binabanggit sa Kanyang Salita na ating pagbubulay-bulayan na matatagpuan sa Ephesians 2:1, “As for you, you were dead in your transgressions and sins.” Noon daw tayo’y mga patay dahil sa ating pagsuway at mga kasalanan.

Itinuturing ng Diyos na patay ang sinumang di kumikilala at sumasampalataya sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas. Yung mga namumuhay pa sa kasalanan at gawaing maka-sanlibutan. Yung mga walang ibig kungdi sundin ang pita ng laman at ang layaw ng mundo.

Sila’y mga patay pagkat ang espiritu nila’y wala pang tunay na ugnayan sa Diyos na siyang nagbibigay buhay at bumubuhay ng mga patay. At marami ang ganyan. Maaaring katabi natin sila ngayon, kausap, ka-chat, ka-text mate, kasiping, kapiling. Tayo’y mistulang napaliligiran ng mga patay. Namumuhay sa piling ng mga patay.

Maging tayo ay ganoon din noong wala pa tayo kay Kristo, noong patay pa ang ating espiritu. Subalit ngayon tayo’y binuhay na muli ni Kristo kung kaya’t pagsumakitan natin na mamuhay ayon sa kalooban Niya.

Ikaw ba’y buhay na o nananatiling patay? Humihinga ngunit mistulang patay.

Pakatandaan, ang sinumang walang tunay na ugnayan sa Diyos at namumuhay sa kasalanan ay tinatawag na patay. Subalit ang sino mang magsusuko ng sarili sa Diyos, hihingi ng kapatawaran at tatanggap at mananalig kay Kristo Hesus bilang Kanyang Panginoon at Tagapagligtas ay pagkakalooban ng buhay na walang-hanggan. Mabubuhay siyang kasama si Kristo. Mamatay man ang pisikal na katawan, ito’y muling Niyang bubuhayin sa Huling Araw. Subalit ang di kikilala at tatanggap sa Kaniya’y mananatiling patay magpakailanman.

Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, subalit ang dakilang kaloob ng Diyos ay buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ni Kristo Hesus.” (Romans 6:23)

Kung kaya’t bumangon na mula sa daigdig ng mga patay at mamuhay taglay ang buhay galing kay Kristo.

Huwag manatili sa piling ng mga patay.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin ng Pagtanggap: (maaari ninyo itong ariing dalangin)

"Panginoon, aming Diyos, tinatanggap ko po na ako’y nagkasala at di nakasunod sa Inyong kalooban. Sumuway sa Inyong utos at namuhay na tulad ng mga patay na walang kinikilalang Diyos. Pinagsisisihan ko po ang aking mga kasalanan at humihingi ng Inyong kapatawaran. Tinatanggap ko po Kayo bilang aking Tagapagligtas at Panginoon. Buhayin po Ninyo ako mula sa kamatayan tungo sa buhay na walang-hanggan. Amen.”

No comments: