Sunday, November 22, 2009

Ang Diyos ay Tapat

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"They are new every morning; great is your faithfulness." - Lamentation 3:23

"Your faithfulness endures to all generations." - Psalms 119:90

Katapatan mo O Diyos tunay at dakila
Ang pag-ibig mo’y wagas at walang kapantay
Sa aming puso, sa aming buhay
Papuri’t pagsamba’y iaalay
Bukas, noon, ngayon, magpakailanman
Luwalhatiin Ka
.”

Ito’y bahagi ng awiting madalas nating napapakinggan at inaawit sa Pananambahan na nagpapahayag na kadakilaan ng Diyos, ng Kanyang katapatan sa atin.

Katapatang di nagmamaliw, di nagbabago at di maglalaho.

Kung papaano nanatili ang langit at lupa, ang bituin, buwan at araw, ganoon ang katapatan ng Diyos.

Magbago man ang panahon, lumipas ang araw at mga taon sa ating buhay, pumuti man ang ating mga buhok (o maubos kaya), katapatan ng Diyos ay mananatili magpakailanman.

Ang Kanyang Salita at Pangako sa atin ay matutupad.

Kahiman tayo’y madalas nagkukulang, di nakakasunod sa Kanyang kalooban, di mawawala ang Kanyang pagmamahal, ang pagkakaloob ng kapatawaran. Kahiman tayo’y di nagtatapat, nananatiling tapat ang ating Panginoon. Ito’y isa sa Kanyang kalikasan.

Gayunpaman, maging daan nawa ito ng lalo pang pag-alab ng ating pagmamahal at paglilingkod sa Kaniya. Maging inspirasyon at kalakasan nawa natin ang katapatan ng Diyos sa ano mang hirap at pighating ating nararanasan. Magsilbing pag-asa nawa ito sa atin sa gitna na kaguluhan at mga kaganapan sa mundo na ating kinalalagyan.

Tapat ang Diyos. Hindi ka Niya iiwan at pababayaan.

Tapat Siya sa Kaniyang pangako. Magtiwala ka lamang sa Kaniya, at makakamit mo ang hangarin ng iyong puso.

Kapatid, kaibigan… may lungkot ka bang nadarama? May kabigatan ka bang dinadala? May katanungan ba sa iyong isipan? May hapdi ba sa iyong puso?

Pakatandaan, “katapatan ng Diyos ay tunay at dakila, ang pag-ibig Niya’y walang kapantay. Sa ating puso, sa ating buhay, ito’y mananatili – noon, ngayon at magpakailanman.”

Isang Pagbubulay-bulay.

No comments: