Tuesday, November 10, 2009

Bro...

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"That at the name of Jesus every knee should bow, in heaven and on earth and under the earth, and every tongue confess that Jesus Christ is Lord." - Philippians 2:10

Palasak mong maririnig ngayon ang tawagang “bro” sa mga kalalakihan, bata man o matanda ang kausap. Ito ang kadalasang tawag ngayon sa mga magba-barkada, mag-kumpare, magkaibigan o maging sa sino mang makausap. Ito’y karagdagan sa dati ng tawagang “pare, tol, dre, at brod”. Sa mga magagalang naman, ang tawag ay “kuya” na siyang tagalong ng “bro”. (Sa mga kababaihan, “sis” naman ang tawag o kaya’y “ate”).

Nagsimulang maging word-of-mouth ang “bro” dahil kay Santino, ang bidang-karakter sa TV series na “May Bukas Pa”. Sa nasabing serye, nakikita’t nakakausap ng harapan ni Santino si Hesus na ang tawag niya ay “Bro”. Bagamat sa telebisyon ay di ipinapakita ang mukha ng karakter ni Hesus kungdi ang likod lamang.

Masasabing malaki ang nagagawa o impluwensiya ng media (radio, TV at diyaryo) sa isipan ng tao. Tumatatak sa kanilang isip ang nababasa, napapanood at naririnig kung kaya’t ito ang kanilang nagagaya, intensiyonal man o hindi. Tulad ng pagtawag ng “bro”. Ngayon, di lang sa magka-kaibigan, magkaka-barkada maririnig ang tawagang “bro”, kungdi maging sa Panginoong Hesus, ang tawag na ng iba’y “bro”.

Minsan ako’y nakapanood sa TV ng isang iniinterbiyu. Narinig ko sa isa sa kanyang sagot ang “at saka kay bro” sabay turo sa itaas na ang ibig sabihin na yung “bro” na kanyang pinatutungkulan ay ang Diyos.

Subalit ganito nga ba nararapat na ituring o itawag natin sa Diyos na may lalang ng langit at lupa? Sa Kanya na lumikha sa atin at nagbigay ng buhay?

Bagama’t ang salitang “bro” ay “brother” sa ingles na siya namang totoo na Panganay nating Kapatid si Kristo. Mababasa ito sa Romans 8:29, “For those God foreknew he also predestined to be conformed to the likeness of his Son, that he might be the firstborn among many brothers.”

Subalit higit pa sa Panganay na Kapatid si Kristo sa atin. Siya ang ating Panginoon, Tagapagligtas at Nag-iisang Diyos.

Tama lamang na ituring nating Panganay na Kapatid ang ating Panginoong Hesus. Subait mas mainam at nararapat na Siya’y tawagin nating Panginoon at Diyos sa halip na “bro”.

Sabi sa Isaiah 45:24, “Ang lahat ng tuhod ay luluhod, ang lahat ng labi ay magsasabi na si Hesus ay Diyos”.

Siya ang Panginoon ng mga panginoon, Hari ng lahat ng mga hari. - Rev 17:14

Si Hesus ay di lamang “bro”, Siya ang ating Panginoon, Tanging Tagapagligtas at Makapanyarihang Diyos.

Kaibigan, kapatid, bro... pagbulay-bulayan natin ito.

No comments: