Saturday, February 19, 2011
Yes, I Am Coming Soon
sa Panulat ni Max Bringula
"Yes, I am coming soon."(Revelation 22:20)
Isang pangako na ating mapanghahawakan sapagkat ang nagwika ay ang ating Panginoon, “I am coming soon!"
Noong araw kapag dapit-hapon na kung saan nag-aagaw ang liwanag at dilim ako’y uupo na sa may pintuan namin at tatanawin ang pagdating ni Nanay galing sa kanyang paglalabada. Ito kasi ang means of income ni Nanay noon sa pagpapalaki sa aming apat na magkakapatid bukod sa pagtitinda kung saan minsan kami’y kasama.
Ang paghihintay sa pagdating ni Nanay ay lagi kong kinasasabikan di lamang dahil sa dala niyang kakanin namin kungdi sa pangungulila at pagmamahal na rin bagama’t isang araw lang naman siyang wala sa bahay at ako ang naiiwan sa nakababata kong mga kapatid.
Nakagawian ko na rin na malinis na ang bahay at nakaligo’t maayos na ang kasuutan ng aking mga kapatid na dahil sa paglalaro ay gusgusin at marungis. Isang kagalakan sa akin na sa pagdating ni Nanay ay matutuwa siya’t masisiyahan sa kanyang daratnan.
Sa aking pagbubulay-bulay ng Kanyang Salita, aking napagtanto na ganito maihahalintulad ang pagdating ng Panginoon. Dapat ito’y kinasasabikan at Siya’y masisiyahan sa kanyang daratnan.
Ang pagdating Niya’y tiyak. Ang mga naganap, nagaganap at magaganap pa na ating nakikita’t nararanasan ay pawang katuparan lamang ng nakatala na sa Banal na Kasulatan, mga sensyales ng Kanyang muling pagbabalik. Kapag sumasapit na ang dapit-hapon, ito’y paalala na malapit na ang takdang oras na iyon.
Ang tanong – nakapaghanda na ba tayo? Kasuutan ba nati’y maayos at malinis na? Nasa pintuan na ba tayo’t naghihintay sa Kanyang pagdating? O di tayo magkanda-ugaga sa gagawin, tuliro at nagmamadali dahil magpahanggan-ngayon di pa natin naihanda ang sarili.
Hindi pa huli ang lahat. Sa bawat araw na dumaratal sa ating buhay ay pagkakataon upang tayo’y makapaghanda upang sa pag dapit-hapon, tayo’y madaratnan Niya na naghihintay sa kanyang muling pagbabalik.
Yes, He is coming soon. And He will.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment