Monday, February 14, 2011

Pebrero Katorse


by Max Bringula

Pebrero katorse, araw daw ng mga puso. Araw ng mga pusong nagmamahal at minamahal. Panahong pinaka-aabangan ng magsing-irog, at pagkakataon ng binatang nanunuyo sa dalagang nililiyag na maipadama ang hangaring wagas at tapat.

Oportunidad din sa mga mangangalakal na kumita sa mga panindang bulaklak, tsokoleyt, at iba't ibang gift items. Tiyak puno rin ang mga restaurants, sinehan, hotel, at mga konsiyertong ang tema ay pag-ibig.

Subalit papaano kung walang nagmamahal? Papaano kung broken-hearted o nabasted? Papaano kung iniwan o nilayuan? Papaano ang mga singles at singled out? Pwede kayang Pebreo akinse na lamang?

Bakit may pag-ibig pa kasi? Ito marahil ang iyong himutok.

Ang totoo dapat araw-araw ay araw ng mga puso. Dapat ipinadarama ang pagmamahal sa tuwina di lamang tuwing Pebrero Katorse. Hindi dapat nahihiyang sambitin ang katagang “I love you” o “Mahal kita 3 times a day”, may okasyon man o wala. Yan dapat ang sambit lagi ng ating bibig.

Wala ng hihigit pa marahil sa mga katagang iyan na marinig ni Nanay, ni Tatay, ni Lolo, ni Lola, ni Ate, ni Kuya, ni Ditse, ni Dikong, ni Misis o ni Mister, ng ating Babe o ni Pangga, ni bespren o maging ng kapatiran.

Gayundin naman, huwag kalimutan na ang pinakamataas na antas ng pagmamahal ay ang ibigin ang Diyos ng buo nating puso, kaluluwa at isipan, at ang ibigin ang kapwa tulad ng pagmamahal natin sa sarili.

Iyan ang tunay na Pebrero Katorse.

Hindi kailangan ika'y may kaulayaw o kayakap, may ka-holding hands o ka-textmate, kung taglay mo ang dalisay na pag-ibig, kumpleteo ang Pebrero Katorse mo.

No comments: