Sunday, November 2, 2008

Anak - Isang Pagbubulay-bulay sa buhay-OFW




"Kung ayaw mo sa akin, ayaw ko rin s’yo. Sana di na lang ako ang naging ina mo, sana di na lang kita naging anak.

Ngayon kung iniisip mo na hindi mo ko pinili bilang isang ina mo, sana maisip mo rin na hindi ito ang buhay na pinili ko para sa mga anak ko.

Kung iniisip mo na sana ibinalik kita sa tiyan ko, sana maisip mo rin na ilang beses kung ginusto na hindi na kayo ipinanganak, para di nyo na maranasan ang hirap dito sa mundo.

Sana kahit minsan ay binigyan mo ng halaga ang lahat ng paghihirap ko sa inyo. Lahat ng sakrispisyo ko sa inyo.

Sana tuwing umiinom ka ng alak, habang hinihitit mo ang sigarilyo mo, habang nilulustay mo ang mga perang pinadala ko, sana maisip mo rin kung ilang pagkain ang tiniis kong hindi kainin para makapagpadala ako ng malaking pera dito.

Sana habang nakahiga ka riyan sa kutson mo, natutulog, maisip mo rin kung ilang taon ang tiniis ko na matulog mag-isa habang nangungulila ako sa mga yakap ng mga mahal ko.

Sana maisip mo rin kahit kaunti kung gaano kasakit para sa akin ang mag-alaga ng mga bata na di ko kaano-ano, samantalang kayo, kayong mga anak ko, na di ko man lang maalagaan.

Alam mo ba kung gaano kasakit iyon sa isang ina? Alam mo ba kung gaano kasakit yon?

Kung hindi mo ako kayang ituring bilang isang ina, respetuhin mo na lang ko bilang tao
Yun lang, Carla. Yun lang."

Pamilyar ba ang mga linyang ito sa inyo? Nanumbalik ba sa inyong alaala ang eksenang ito sa pelikulang “Anak”, kung saan ay buong husay na ginampanan ng nag-iisang Reyna ng Pelikulang Pilipino at premyadong aktres ng bansa na ngayo’y isa ng magaling na gobernadora ng lalawigan ng Batangas, walang iba kungdi si Gov. Rosa Vilma Santos-Recto, ang karakter ng isang ina na napilitang mag-abroad at mag-trabaho bilang DH (o sa ngayo’y tinatawag ng Household Worker) para lamang maitaguyod ang pamilya. Subalit ang naging kapalit naman niyon ay ang paglayo ng kalooban ng kaniyang mga anak sa kaniya.

Bilang pagpupugay sa magaling at nananatiling pangunahing bituin ng Pilipinas sa loob ng apat na dekada, at bilang handog sa kanyang kaarawan ngayong ika-3 ng Nobyembre, aking naisipang paglaanan ng espasyo sa aking panulat ang isang kaibigan at minamahal na idolo, na si Ms. Vilma Santos, sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga natatanging eksenang nabanggit sa pelikulang “Anak”.

Ang pelikulang ito ay tumabo sa takilya nang ipalabas noong taong 2000. Ito’y humakot rin ng mga iba’t ibang parangal kabilang na ang Pinakamahusay na Pelíkula at Pinakamahusay na Aktres sa iba’t ibang award-giving bodies noong taong sumunod.

Malapit sa puso ng mga OFW’s tulad ko ang pelikulang ito pagka’t siya’y sumasalamin ng tunay na buhay ng isang mangagawang Pilipino sa labas ng bansa – ang kanyang mga pangarap, mga karanasan, tagumpay at mga kabiguan habang nakikipagtunggali sa larangan ng buhay.

Ang mga salitang binitawan ni Vilma bilang si Josie habang ipinapaliwanag kay Carla (na ginampanan naman ni Claudine Barretto) ang hirap na dinanas para lamang makapagpadala ng pera ay malinaw na larawan ng buhay ng isang OFW.

Tinitiis ang pag-iisa at pangungulila, ang hirap ng kalooban at sakit ng katawan sanhi ng mga mabibigat na trabaho sa ilalim ng matinding init ng araw, o sa labis na lamig ng panahon.

Di iniinda ang masasakit na salita mula sa among pinaglilingkuran, ang pagod sa haba ng oras ng trabaho o maging ang karamdaman, matiyak lamang may maipapadala sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Sana kahit minsan ay binigyan mo ng halaga ang lahat ng paghihirap ko sa inyo. Lahat ng sakrispisyo ko sa inyo.

Sana tuwing umiinom ka ng alak, habang hinihitit mo ang sigarilyo mo, habang nilulustay mo ang mga perang pinadala ko, sana maisip mo rin kung ilang pagkain ang tiniis kong hindi kainin para makapagpadala ako ng malaking pera dito

Sana habang nakahiga ka riyan sa kutson mo, natutulog, maisip mo rin kung ilang taon ang tiniis ko na matulog mag-isa habang nangungulila ako sa mga yakap ng mga mahal ko.

Bawat salita ay tumatagos. Tumuturok sa malambot na bahagi ng ating puso.

Ang akala ng iba’y masarap, maginhawa ang buhay-OFW. Akala ng marami madaling kumita ng dolyar na para bagang ito’y pinupulot lamang.

Subali’t ang totoo, karamiha’y nagtitiis, nagtitiyaga, dumaranas ng lungkot at pighati, minamaltrato, napapahamak at minsa’y nakikitlan ng buhay. All because of one desire – ang mai-angat ang antas ng buhay at malasap ng pamilya ang kaginhawaan.

Kung kaya’t ang pelikulang ito na “Anak” ay magsilbi nawang paalala at magbukas ng kaisipan ng karamihan sa ating mga kababayan ng kalagayan ng isang OFW.

Maraming mga “anak” ang marahil ay di lubos na nakakaunawa ng hirap na tinitiis ng isang ina o ama para lamang di maranasan ng mga anak ang hirap ng buhay sa mundo.

Maraming mga “anak” ang marahil ay di alintana ang sakit ng kalooban at katawan na binabata ng magulang para lamang sila’y mapalaki ng maayos at matiyak ang magandang kinabukasan.

Maraming mga “anak” marahil ang “pasaway” masunod lamang ang layaw at luho ng katawan kahiman ito’y magdulot ng pighati sa puso ng isang ina o ng isang ama.

Mga “anak”, ating pahalagahan ang pagmamahal na inuukol sa atin ng ating mga magulang. Ating pasalamatan sila sa kanilang pag-aruga at pagpapalaki sa atin. Bagama’t marahil ay di sapat sa ating pananaw ang oras at panahon na kanilang ibinigay, gayunpaman, sila’y kaloob ng Diyos sa atin bilang ating mga magulang – na dapat mahalin at igalang.

Nang isilang ka sa mundong ito, laking tuwa ng magulang mo
At ang kamay nila ang iyong ilaw
At ang nanay at tatay mo’y di malaman ang gagawin
Minamasdan pati pagtulog mo
At sa gabi’y napupuyat ang iyong nanay
Sa pagtimpla ng gatas mo
At sa umaga nama’y kalong ka ng iyong amang tuwang-tuwa sa iyo.

Ganyan tayo kamahal ng ating ina, ng ating ama.

At kung tayo’y lumaki man na di nasumpungan ang haplos ng isang ina sa ating mga kamay, lumaki na di naranasan ang tapik sa balikat mula sa ating ama, ating pakatandaan na may isang tunay na Ama tayo sa langit na sa ati’y lubos na nagmamahal at unang nagmahal sa atin.

Wika sa Isaiah 49:15-16, "Can a mother forget the baby at her breast and have no compassion on the child she has borne? Though she may forget, I will not forget you! (says the LORD). See, I have engraved you on the palms of my hands;

Salamat sa Diyos nating buhay, ang ating tunay na Ama.

Salamat sa magaling na pagganap, Ms. Vilma Santos. Isang inspirasyon sa amin ang "Anak".

Maligayang kaarawan, Ate Vi!

Mabuhay ka!

Anak” – isang pagbubulay-bulay sa buhay OFW.

No comments: