Sunday, November 23, 2008

Maskara - Ito ba'y suot-suot mo pa?


Sa ating pakikipagkapwa-tao, sa ating pakikisalamuha sa mundo, sa ating pamumuhay bilang isang asawa, magulang, kapatid o anak, kasintahan o kaibigan, at iba’t iba pang ugnayang-pantao (or human relationships), ang pagiging tapat at totoo ay napakahalagang sangkap upang matiyak na ang ugnayan natin sa bawat isa ay manatili at lalo bang yumabong.

Subalit kadalasan taliwas ito sa totoong nagaganap.

Mistulang naka-maskara ang bawat nakakaharap natin dahil pilit na ikinukubli ang sarili sa tunay niyang anyo o ugali upang maging tanyag lamang, kaakit-akit o kahangaan, at sa kabilang-dako, ang kahinaan, kapintasan at kakulangan ay mapawi ng lubusan sa paningin.

Walang nagtatapat. Ang lahat ay pawang pagpapanggap lamang. Isang maskara.

Tulad ng binabanggit sa awit noon ni Billy Joel na ‘’Honesty’’ (tanda nyo pa ba ito?)

Honesty is such lonely word
Everyone one is so untrue
Honesty is hardly ever heard
And mostly what I need from you.

Tayo ba’y naka-maskara? May ikinukubli ba tayong mapait na kahapon? Isang karanasang nais takasan kung kaya’t maskara’y animo’y suot-suot natin. Sa likod ba ng iyong pagtawa, ng iyong halakhak, ng iyong pagsasaya - ay naroon ang lungkot at pighati na nararanasa’t nadarama. Ang iyong bang pagluha ay tanda ng kagalakan, o pamamaraan upang maihayag ang di masambit ng iyong mga labi?

Sabi ng aking ka-Friendster, “kung may kakayahan lang ang mga luha na sabihin ang mga dapat mong marinig, habang buhay akong iiyak, dahil my mga bagay na puso lang ang nakakakita at luha lang ang may kakayahang magpadama (nito).”

Matalinghaga, subali’t minsa’y totoo. Maskara. Suot-suot nga ba natin ito?

Isinusuot pagka’t doo’y makakakilos tayo sa nais natin. Masasabi ang ibig natin. Magagawa ang bawat gustuhin natin. Ang lungkot ay sandaling napapawi, natatanyag at naaabot ang pangarap kahit sa panaginip lamang, sabi nga ng awitin.

Subalit di ito ang nais ng Diyos sa atin kungdi ang pamumuhay sa katotohan. Ang pagsasabi ng totoo, pagkat ang katotohanan ang magpapalaya sa atin. Sabi sa John 8:32 -
Then you will know the truth, and the truth will set you free."

Alisin na ang maskara. Limutin na ang kahapon, mabuhay sa pangkasalukuyan at harapin ang darating na bukas na puno ng pag-asa. “But one thing I do: Forgetting what is behind and straining toward what is ahead.” (Philippians 3:13)

Alisin na ang maskara nang higit mong malasap ang kagandahan ng buhay na kaloob Niya. Masamang ugali at gawa ay iwaksi na. Di mabuting mga balakin ay kalimutan na. Di magagandang pananalita ay iwasan na. Nang sa gayo’y, buhay ay sisigla at pagpapala Niya’y kakamtin at mararanasan sa tuwina.

Maskara? Ito ba’y suot-suot mo pa?

Wag nang mag-atubili, ito’y alisin na. “Magpakatotoo ka brother, magpakatotoo ka sister.”

Isang pagbubulay-bulay.

1 comment:

Anonymous said...

hubarin lang natin ang maskara pero wag natin iwanan kase ito yung nag-uugnay kung ano tayo ngayon...