Monday, November 10, 2008

Aral Mula sa Langgam - Isang Pagbubulay-bulay




Ants are creatures of little strength, yet they store up their food in the summer.” (Proverbs 30:25)

Yan ang binabanggit sa Banal na Aklat. Mga maliliit na nilikha ng Diyos. Mahina kung ituturing, subalit nakapag-iimbak ng sankaterbang supply ng pagkain na sapat at at di magkukulang dumating man ang tag-ulan o ang bagyo o malakas na unos.

Isang napakahalagang aral ito na matutunan natin mula sa langgam.

Nung araw tuwang-tuwa akong paglaruan at pagdiskitahan ang mga langgam na ito. Doon kasi sa tinitirhan namin noon sa Maynila ay napakaraming langgam-bahay kung tawagin na paikot-ikot sa aming dingding. Mistulang mga batalyon na pagkahaba-haba ng pila habang pasan-pasan ang pagkakalaking mga tipak ng kanin, tinapay, isda, karne at kung anu-ano pa.

At dahil may pagka-maldito ako nung araw (bagama’t ngayo’y hindi na), aking napagtri-tripan na guluhin ang kanilang linya. Isang pahid lang ng aking daliri sa kanilang dinaraanan ay kakaripas na agad sila ng takbo, magkakawatak-watak at kanya-kanya ng hilagpusan. Minsa’y naiiwanan na ang kanilang mga bitbit. Na siya namang labis kong ikinatutuwa.

Subalit ang aking ikinamamangha ay ilang saglit lamang silang gayon, pagka't maya-maya ay muli na naman silang mabubuo. Balik ulet sa pila, bitbit-bitbit ang kanina’y pasan-pasan nilang mga pagkain. Para bagang may lider sila na nagsasabi na ‘back to formation’. Ganoon sila kasigasig. Kahiman sila’y harangan ng sibat at anu man ang humadlang sa kanilang daraanan ay di sila papipigil at titigil sa kanilang pakay at gagawin – at ito’y ang makapag-imbak ng pagkain habang tag-araw pa. Upang pagdating ng dilim, ng tag-ulan, ng bagyo at iba pang unos na maaaring dumating, sila’y nakatitiyak na may sapat na kakainin.

Eh ano ba ang pakialam ko sa langgam?” ang tanong mo marahil. Buhay nila yon, buhay ko ito. Kumbaga, “mind your own business”.

Pero, hindi. Maraming matutunan sa langgam.

Tulad ng langgam, di tayo dapat pabandying-bandying lamang. Dapat tayong maging masipag, masigasig, matiyaga, marunong magtiis gaano man kahirap o kabigat ang ating mga trabaho, o pinagdaraanan sa buhay. At higit sa lahat dapat marunong tayong mag-impok para sa kinabukasan. Hindi yung panay mall-ing ang ating inaatupag. Hindi yung kung gumastos tayo ay para bagang wala ng darating na bukas. Galit na galit sa pera.

At tulad ng langgam, di tayo dapat nawawalan ng pag-asa at pinanghihinaan agad ng loob. Anu man ang panggugulo ng kalaban, gaano man karaming sibat ang kanyang pakawalan, tayo’y dapat manatiling matatag at handang sumulong upang makamit ang tagumpay.

Langgam, isang maliit na nilikha ng Diyos subalit may kakaibang kaisipan. Masipag, matiyaga, matatag.

Ikaw, ako, tayo… tayo’y nilikha ng Diyos kawangis Niya. Mas higit pa ba ang langgam sa atin?

Kung dumating ang unos o bagyo sa ating buhay, nakahanda ba tayo? O tayo’y mistulang isdang inalis sa tubig, sisinghot-singhot hanggang tuluyang pawian ng hangin.

Kung haharangan tayo ng sibat ng kalaban, matatag pa rin ba tayo, di matitinag o bibigay sa kanyang mga pain? O tayo’y agad kakaripas ng takbo, hindi papalayo kungdi papalapit sa tukso.

Dapat nating tandaan na tayong lahat ay kawangis Niya sa Kanyang kaluwalhatian. Kung kaya’t dapat nating higitan ang langgam.
Sa kasipagan, sa pagiging masigasig at matiyaga, sa pagiging matatag. Araw-araw dapat tayong nagniningning sa kaniyang kaluwalhatian.

"And we, who with unveiled faces all reflect the Lord's glory, are being transformed into his likeness with ever-increasing glory." - 2 Cor. 3:18

Ikaw ba’y langgam o higit pa sa langgam?

Isang pagbubulay-bulay.

1 comment:

Unknown said...

Thank you for the lesson. Godbless