Mula sa Panulat ni Max Bringula
"But Jonah had gone down into the lowest parts of the ship, had lain down, and was fast asleep." - Jonah 1:5
Sa nakaraan nating Pagbubulay-bulay, ating natunghayan ang pagsuway ni Jonah sa iniutos ng Diyos na pumunta sa Nineveh upang pangaralan ang mga tao roon. Sa halip na tumungo sa Nineveh, siya’y tumakas papunta sa Tarsis lulan ng isang barkong papunta roon.
Subalit nang nasa kalagitnaan na ng dagat ang barkong sinakyan, inabot ito ng isang napakalakas na unos na halos ikalubog nito. Balisa’t di malaman ng mga tripulante kung anong gagawin. Nanalangin na sila sa kani-kanilang diyos subalit di pa rin humupa ang bagyo. Sa gitna ng ganoong kalagayan, si Jonah ay nakuha pa ring matulog ng pagkahimbing-himbing na di alintana ang panganib na maaaring sapitin.
Nang mga oras na iyon, di lamang mata ang kanyang ipininid, kungdi maging ang puso niya’y sarado, at ang katauhan niya’y manhid sa nangyayari na ang bagyong nararanasan ay sanhi ng kanyang pagsuway.
Siya nga kaya’y sadyang tulog o nagtutulug-tulugan lamang?
Sabi sa Psalms 119:70, “their hearts are callous and unfeeling”. Manhid at walang pakiramdam.
Ganito ang nagagawa ng kasalanan. Lalo na’t kung nakagawian na ang paggawa ng mali at likong pamumuhay. Nagkakakalyo ang puso. Hindi na tumatalab ang Salita ng Diyos at maging ang mga paalala ay di na rin pansin. Kung kaya’t maging ang mga pagpapalo ng Diyos ay di na rin iniinda.
Ganito ang naganap kay Jonah. Sa tahasang pagsuway niya sa Diyos, di niya pinansin ang unos na nararanasan at ang panganib na lumubog ang barkong sinasakyan, makatakas lamang sa utos ng Diyos na pumunta sa Nineveh.
Siya kaya’y sadyang tulog o nagtutulug-tulugan lamang. Nalulong na sa kasalanan. Manhid na ang katauhan. Wala ng pakiramdam.
Ganito rin kaya tayo? Hindi pa huli ang lahat. Ang unos na ating nararanasan sa buhay ay maaaring sanhi ng ating pagsuway. Tayo’y pinapaalalahanan ng Diyos kung kaya’t gumising at tumalima sa Kanyang utos. Huwag magtulug-tulugan. Bumangon at ayusin ang buhay.
Nanaisin pa ba nating lumubog ang barkong sinasakyan? Dahil tayo’y tulog at manhid na sa paggawa ng kasamaan.
Gumising. Magsisi na’t lumapit sa Diyos. Kapatawaran Niya’y laging laan kung sa Kaniya’y dudulog.
Kapatid, kaibigan… hindi pa huli ang lahat.
Isang Pagbubulay-bulay.
Tuesday, January 12, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment