"They cast lots and the lot fell on Jonah." - Jonah 1:7
Sa ating pagpapatuloy ng pagbubulay-bulay sa Aklat ni Jonah ating napag-alaman na ang barkong kanyang sinakyan patungo ng Tarsis ay sinalubong ng napakalakas na bagyo sa gitna ng karagatan.
Ito’y sa dahilang sumuway si Jonah sa utos ng Diyos na pumunta sa Nineveh at doo’y mangaral. Sa halip na pumunta sa lugar na iyon, tumakas si Jonah papuntang Tarsis. Kung kaya’t nagpadala ang Diyos ng isang napakalakas na hangin na lumikha ng bagyong halos ikalubog ng barko.
Dahil dito, nangatakot ang mga tripulante at di malaman ang gagawin. Nanalangin na sila sa kani-kanilang diyos subalit wala pa ring nangyari, lalo pang lumakas ang bagyo at nagngalit ng husto, habang si Jonah nama’y mahimbing na mahimbing ang pagkakatulog.
“Hoy gising!” ang sigaw sa kanya ng kapitan ng barko. "Ano't nagagawa mo pang matulog? Bumangon ka't manalangin sa iyong Diyos, baka sakaling kaawaan Niya tayo at iligtas sa kamatayan."
“Isa marahil sa atin ang kadahilanan ng bagyong ito” ang sabi ng isa. "Subalit sino sa atin? Sino ang salarin?"
"Magpalabunutan tayo, para malaman natin kung sino ang dahilan ng lahat ng ito” ang suhestiyon ng isa.
Gayon nga ang kanilang ginawa at nabunot ang pangalan ni Jonas. – Jonah 1:7
“Aha! Ikaw pala!” ang sabay-sabay nilang nasabi. At sinimulan nilang alamin kay Jonah kung anong nagawa niya’t gayon na lamang ang galit ng bagyong kanilang naranasan.
Hindi na naitago ni Jonah ang kasalanang nagawa. Hindi niya na nailihim ang pagsuway niya sa utos ni Yahweh.
Sadyang ang kasalanan kailanma’y di maikukubli. Itago man natin ito sa dilim, malalantad pa rin ito. Ibaon man ito sa pinakamalalim, mahuhukay pa rin.
Tulad ng isang bullet-guided missile. Pag ito’y pinakawalan mo, tiyak na tatamaan ang inaasintang target.
Gayon din ang kasalanan. Hindi mo matatakasan at maiilagan ang bullet-guided missile ng Diyos. Tiyak ika’y matatagpuan.
“Your sin will surely find you out.” – Number 32:23
Kung gayon, bakit pa magpapakalayo? Bakit pa magpapakatago? Bakit pa ikukubli ang maling gawi? Bakit pa magmamaang-maangan sa kasalanang nagawa?
Lumapit na sa Diyos at manumbalik sa Kaniya. Ihingi ng kapatawaran ang kasalanang nagawa. Ihingi ng tawad ang pagsuway sa Kanya.
Kapatawaran naman Niya’y laging nakalaan sa mga nagpapakumbabang lumalapit sa Kanya.
Kapatid, kaibigan… ikaw ba ang salarin? Hindi pa huli ang lahat. Tumindig ka’t manumbalik na sa Kanya.
Isang pagbubulay-bulay.
No comments:
Post a Comment