Wednesday, January 6, 2010

Wala Lang


Mula sa Panulat ni Max Bringula

Woe to you who are complacent in Zion”. – Amos 6:1

Wala lang” – yan ang katagang madalas kong naririnig sa mga kabataan ngayon. Na kung tama ang aking interpretasyon, ang ibig sabihin ay “sige lang bahala ka, I don’t care anyway.” Isang ugaling walang keber o paki sa nangyayari sa kanyang paligid. Ang pagwawalang-bahala bagamat may mahalagang dapat gawin. “Wala lang” yan ang agad isasagot syo kapag tatanungin mo na. Sa madaling salita, dedma. Bahala ka, anong paki-alam ko.

Maraming ganito sa atin, sa buhay espirituwal o maging sa araw-araw nating buhay. Nagkikibit-balikat lamang at walang ginagawa bagama’t mayroong dapat gawin. Kuntento na lamang at pa-upo-upo, kukuya-kuyakoy. Nakahiga’t nagkakamot ng tiyan sa halip na kumilos. Sa tuwirang salita ay tamad. Ang mga ganyan ay di dapat pakainin. Ito ang tahasang sinabi ni Paul sa 2 Thessalonians 3:10, “If a man will not work, he shall not eat.” Huwag pakainin ang tatamad-tamad. Huwag palamunin ang mahilig magsabi ng “wala lang”.

Gusto nyo ba yon? Naku, siguradong maraming aapela at mag-aalsa balutan. Kung gayon, tumindig ka, wag laging nakahilata. Ayaw mo palang magutom, puwes magtrabaho ka. Huwag palaging sambit ay “wala lang”.

Ang mga ganito’y kinamumuhian ng Diyos. Sa Amos 6:1, ito ang sinabi ni Propeta Amos sa bayang Israel noong sila’y nagwawalang bahala sa kalagayan ng kanilang bayan, “Woe to you who are complacent in Zion”. Kahabag-habag kayong namumuhay ng maginhawa sa Sion. Kaawa-awa naman kayo. Akala ninyo’y ang sarap ng buhay nyo. Sa totoo’y hindi pagkat kayo ang unang ipatatapon ng Diyos.

Namumuhi ako sa labis na kapalaluan ng Israel. Hindi ako nalulugod sa kanilang mga palasyo. Ibibigay ko sa kaaway ang buong lunsod at lahat ng naroroon.” Ito ang sinabi ng Diyos sa kanila sa Amos 6:8.

Nais din ba nating maranasan ang ganito? Dahil lamang sa ating pagwawalang-bahala at pagsasabi ng “wala lang” bagama’t mayroon kang dapat gawin.

May iniuutos ba ang Panginoon syo na dapat mong tupdin? May mga aral bang itinatagubilin Siya na dapat mong sundin? May mga paalala ba siya syo na dapat mong bigyan ng pansin?

Tumalima ka na ba o nagkikibit-balikat lamang at nagsasabing “wala lang”.

Kapatid, kaibigan… huwag nating tularan ang mga taga-Sion. May magagawa ka at dapat gawin. Tumindig ka’t gawin mo na. Ngayon na.

Now na” yan ang sabihin mo. Hindi ang “wala lang”.

Isang Pagbubulay-bulay.

No comments: