Sunday, January 10, 2010

Alalahanin Mo Siya

Mula sa "Munting Tanglaw" ni Alex Ventura

"Alalahanin mo ang Lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng buhay." - Mangangaral 12:1

Alalahanin mo Siya bago pa humina ang iyong katawan, bago manghina ang iyong mga bisig, bago mawala ang lakas sa iyong mga tuhod. Alalahanin mo Siya bago mabungi ang iyong mga ngipin at bago lumabo ang iyong mga mata. Alalahanin mo Siya bago ka mawalan ng pandinig na halos di mo na marinig ang ingay ng gilingan, ang huni ng mga ibon at himig ng awitin.

Alalahanin mo Siya bago dumating ang panahon na katakutan mo na umakyat sa itaas, bago dumating ang panahon na hindi ka na makalakad na mag-isa, bago pumuti ang iyong buhok, at lipasan ng kamalayan sa buhay. Alalahanin mo Siya bago mapigtas ang tali ng timba at itoy bumagsak at masira. Alalahanin mo Siya bago manumbalik sa lupa ang ating katawang-lupa at ang ating espiritu ay magbalik sa Dios na may bigay nito.

Ito ang tinagabilin sa atin sa Mangangaral 12:1 - "Alalahanin mo ang Lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng buhay"

Alalahanin mo ang Dios bago magkubli ang sikat ng araw, bago magdilim ang buwan at mga bituin, bago ka lambungan ng makapal at madilim na ulap.

Alalahanin mo si Yahweh na ating Dios na buhay na Siyang may lalang sa atin, pumili sa atin, ang nag-ingat sa atin. Dios na sa gabi’y nagmimistulang nagliliyab na apoy upang mabigyan ng liwanag ang kapaligiran at nagbibigay init sa nanlalamig nating mga kalamnan, at sa umaga naman Siya’y nagmimistulang ulap, upang tayo ay kanyang limliman sa init ng araw. Ang Dios na mabuti, ang Dios na tapat, at ang Dios na hindi nagbabago, Siya ang Dios noon, ngayon at magpakailanman at magpawalang-hanggan.

Alalahanin natin ang mga kabutihan na Kanyang ginawa sa ating buhay, pasalamatan natin Siya, dakilahin natin Siya, purihin natin Siya at sambahin natin Siya. Sapagkat Siya ang Dios na sumasanggalang sa lahat ng nagliliyab na palaso ng kaaway na ibig tayong saktan at wasakin ang ating buhay.

Nawa’y maging isang munting-tanglaw po sa atin ang munting-aral na ito upang maging mungting gabay sa ating paglago bilang Kristiyano
.

1 comment:

Anonymous said...

Salamat sa mensaheng ito, Na-blessed po ako. Pagpalain po kayo ng Diyos at patuloy na ipagkaloob sa inyo ang patuloy na init sa paglilingkod at pagsamba sa ating Panginoon.