Monday, May 3, 2010
Ang Bulag, Pipi at Bingi at ang Pilay
Akda ni Max Bringula
May popular na kundiman na madalas awitin ng mga matatanda noong araw o marahil magpahanggang-ngayon ay napapakinggan pa rin natin - yung “Doon Po Sa Amin”.
Batay sa lyrics ng awitin, sa bayan daw ng San Roque ay may nagkatuwaan na apat na pulubi – ang pilay, ang bulag, ang pipi at ang bingi. Umawit daw itong pipi, nakinig naman ang bingi, nanood ang bulag at humataw naman ng sayaw itong pilay na marahil ay nag-breakdance pa.
Nakaka-aliw, nakakagiliw pagkat imposibleng magawa ito ng pilay, bulag, pipi at bingi dahil taliwas ito sa kanilang pisikal na kalagayan.
Subalit ganito ang karamihan sa atin - animo’y pilay, bulag, pipi at bingi.
Hindi kakitaan ng katuwiran at kaliwanagan pagkat tayo mismo ay bulag sa katotohanan. Ang pinaiiral at pinanghahawakan ay ang baluktot na pananaw ng mundo sa halip na ang puro’t dalisay na mga Salita ng Diyos.
Animo’y pipi na hindi maihayag ang katotohanan pagkat tayo mismo ay nabubuhay sa kasinungalingan at pagbabalat-kayo kung kaya’t tikom ang bibig at di makapagsalita dahil di magiging kapani-paniwala at bagkus baka mapupulaan pa. “Ows….?” ang marahil pagtatanong at pagtataka ng makaririnig sa sasabihin natin pagkat taliwas sa ating gawa ang sinasambit ng ating bibig.
Animo’y bingi pagkat hindi napapakinggan o pinapakinggan ang aral na itinuturo Niya sa atin. Hindi sinusunod ang utos Niya. Bagama’t araw-araw naman nating naririnig o nababasa ang Kanyang mga Salita, may araw-araw na Pagbubulay-bulay na ibinabahagi sa atin, subalit mistulang bingi pa rin pagkat di naaaninag sa buhay ang pagbabagong idudulot sana kung pakikinggan niya lamang at susundin ang Salitang kanyang naririnig.
Kumpleto ang paa, subalit animo'y pilay. Di makalakad ng matuwid bagkus iika-ika at minsa'y animo'y sakang. Ang kabilang paa'y nasa katuwiran, samantala ang kabila nama'y nasa sanlibutan. Pilay pagkat di makakalakad kung walang tungkod na hahawakan. Lagi na lamang aalalayan.
Kapatid, kaibigan…. ikaw ba’y pilay, bulag, pipi at bingi?
May paa subalit di maihakbang sa tuwid na pamumuhay, may mata subalit di makita ang katotohanan at katuwiran. May bibig subalit di makapaghayag kung ano ang tama at nararapat. May tainga subalit di marinig ng malinaw ang mga utos at aral Niya?
Pagbulay-bulayan natin ito at pakalimiin. Baka tayo’y higit pa sa pilay, bulag, pipi at bingi
"They have mouths, but cannot speak, eyes, but they cannot see; they have ears, but cannot hear." - Psalms 135:16-17
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment