Mula sa panulat ni Max Bringula
"If we claim to have fellowship with Him yet still walk in the darkness, we lie and do not live by the truth." - 1 John 1:6
Nakakita na tayo marahil ng taong sakang kung maglakad, kung saan ang dalawang talampakan ay magkasaliwa ang lakad, mistulang magkasintahang may LQ (lovers' quarrel). Magkahiwalay ang tingin bagama't sabay namang naglalakad. Ang isa'y nakatanaw sa kanluran, samantalang ang isa'y sa silangan. Iniiwasang magkasalubong ang paningin.
Sabi nila ang mga hapon daw ay sakang. Hindi naman lahat marahil, ang tugon ko naman. Subalit may mga Kristiyano na mistulang sakang. Hindi sa pisikal na paglakad, kungdi sa espirituwal. Inihahayag na siya'y Kristiyano, ngunit ang gawa'y taliwas sa sinasambit ng bibig. Kristiyano lamang sa nguso, hindi sa puso. May mga ilan pa nga na "kris-tiyan" lamang. Ang sikmura ang laging inaatupag. Ang Panginoon nila'y ang kanilang tiyan. Pag ginutom ay di na gagawa't kikilos.
Sakang pagkat patuloy na nakakapit sa kasalanan sa halip na kabanalan at pagsunod sa Kanyang kalooban ang ipanamumuhay. Ayaw bumitaw na animo'y lintang kapit na kapit sa binting sinisipsip.
Ikaw ba'y sakang? Kristiyano ka bang tunay o Kristiya-kristiyanuhan lamang. Suriin natin ang sarili baka tayo ay sakang na kung maglakad. Pagkat "kung sinasabi natin na tayo'y kaisa Niya, ngunit namumuhay pa rin sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay sa katotohanan." (1 John 1:6)
Tayo'y inialis Niya na sa kadiliman, nilinis sa ating karumihan. Kung kaya't mamuhay na tayo sa kaliwanagan at kabanalan.
Huwag maging sakang.
Isang pagbubulay-bulay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment