Monday, February 1, 2010

Sa Loob ng Tiyan ng Isda


Mula sa Panulat ni Max Bringula

"But the LORD provided a great fish to swallow Jonah, and Jonah was inside the fish three days and three nights." - Jonah 1:17

Sa mga kasama natin na ang hilig ay kumain, sasang-ayon sila na ang pinakamasarap na bahagi ng bangus, ano pa man ang luto rito - inihaw, paksiw o sinigang, ay yung tiyan. Naroroon sabi nila ang pinaka-taba kung kaya't masarap siya. Ito ang laging nauunang maubos at natitira lagi ang buntot.

Marahil ngangasab-ngasab ka pa pagkatapos kumain dahil ang pobreng isda ay nasa iyong tiyan na.

Subalit baligtarin natin ang pangyayari. Ano kaya't ikaw naman ang nasa loob ng tiyan ng isda at siya naman ang ngangasab-ngasab pagkatapos na ika'y kanyang kainin at lunukin?

Ganito po kasi ang nangyari kay Jonah. Siya'y nilunok ng buong-buo ng malaking isda pagkatapos na siya'y itapon sa karagatan sanhi na rin ng pagsuway sa utos ng Diyos.

Bagama't di isdang bangus ang lumunok kay Jonah, masarap kaya ang pakiramdam ng nasa loob ng tiyan ng isda? Siguradong sagot ninyo ay "hindi!"

Tumpak. Pagkat ganito ang naranasan ni Jonah. Halos itakwil niya ang panahong iyon na siya ay nasa loob ng tiyan ng malaking isda. Tatlong araw at gabi na siya ay naroroon. Nakaririmarim ang paligid. Nakakasulasok ang amoy.

Sa gayong kalagayan, napagtanto-tanto niya ang pagkakasala't pagsuway sa iniuutos ng Diyos. Doon ay nabatid Niya na may Diyos na banal na nagpaparusa sa maling gawi subalit nagmamahal pa rin ng labis sa mga tulad niya.

Hindi niloob ng Diyos na siya'y lunukin ng dagat at doo'y tuluyang mamatay. Bagkus nagpadala Siya ng malaking isda upang siya'y sagipin. Bagama't di kanais-nais ang mapapunta sa loob ng tiyan ng isda, dulot naman niyon ay kaligtasan.

Ganito ang minsa'y nagaganap sa atin. Tayo'y napapapunta sa loob ng tiyan ng isda. Mga pangyayari sa ating buhay na ang dulot ay dusa't paghihinagpis, mga paghihirap at sakit ng katawan at kalooban. Subalit yun pala'y niloob ng Diyos upang tayo'y gisingin at mapanumbalik ang dating matuwid na pamumuhay.

Subalit iibigin pa ba natin na lunukin ng malaking isda para tayo'y magising at matauhan?

Kung gayon, tumalima na sa Kanyang utos. Huwag ng magpakalayo-layo pa't tumakas. Sumunod na upang huwag maranasang mapapunta sa loob ng tiyan ng isda.

Kapatid, kaibigan... nanaisin mo ba na mapapunta sa loob ng tiyan ng isda?

Isang pagbubulay-bulay.

No comments: