Tuesday, March 2, 2010

Pagbabalik-loob


Mula sa Panulat ni Max Bringula

"So the people of Nineveh believed God, proclaimed a fast, and put on sackcloth, from the greatest to the least of them." - Jonah 3:5

Maraming mga kaganapan sa Bibliya ang ating matutunghayan tungkol sa pagbabalik-loob ng tao sa Diyos matapos marinig ang Kanyang Salita.

Sa panahon ng Panginoong Hesus mismo, marami ang nanumbalik at kumilala sa Diyos, tumalikod sa kasalanan at tuluyang naglingkod tulad ng mga apostoles. Nang si Paul ay magsimulang maghayag ng Ebanghelyo ng mabuting balita ng kaligtasan, marami ang tumanggap nito at kinilala ang Diyos sa kanilang buhay. Paul basically “turned the world upside down”. Sila’y nagbalik-loob.

Ito rin ang naganap sa Nineveh. Pagkatapos ihayag ni Jonah ang iniutos sa kaniya para sa Nineveh, sila’y nagbalik-loob sa Diyos, lahat ay nag-ayuno mula sa pinakamataas sa lipunan hanggang sa pinakamababa, pati na ang mga hayop na kanilang alaga bilang tanda ng pagsisi sa kasalanan at panunumbalik sa Diyos. (Jonah 3:5-10)

At sila’y Kaniyang pinakinggan. Ang parusang dapat igagawad sa kanila ay di Niya na ipinataw, bagkus sila’y pinatawad at pinanagana sa buhay, pisikal at espirituwal.

Ganito rin ang Diyos sa atin. Kung tayo’y magsisisi at magbabalik-loob sa Diyos, kikilala sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas, ang parusang dapat ay kakamtin natin ay Kanya ng papawiin at tayo’y pagkakalooban ng buhay na walang-hanggan.

Kaya nga’t tayo ng magbalik-loob sa Diyos. Huwag ng hintayin pa na maranasan ang parusa dito sa lupa at sa kabilang buhay dahil sa ating mga kasalanan. Bagkus magsisi, talikdan ang likong pamumuhay at humarap sa Diyos. Kilalanin Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas, at ang buhay na walang-hanggan ang ating makakamit.

Halina, kapatid, kaibigan…. tayo ng magbalik-loob sa Kaniya. Ito ang buhay na ibig Niya sa iyo.

Isang pagbubulay-bulay.

No comments: