Monday, March 8, 2010
Turumpo - Pabalik-balik, Paikot-ikot
Mula sa panulat ni Max Bringula
“Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan. Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga, habang araw na paikot-ikot.” – Mangangaral 1:5-6
Ganito ang napansin ni Solomon sa takbo ng buhay. Parang araw na sisikat at lulubog sa pinanggalingan. Bagama’t di naman umaalis ang araw sa kinalalagyan pagkat ang mundo ang siyang umiikot-ikot, pabalik-balik sa araw. Parang hangin na walang-sawa sa pag-ihip mula timog hanggang silangan, pati na hilaga at kanluran. Aalis, babalik, subalit naroroon pa rin pabalik-balik, paikot-ikot lang.
Para ring turumpo na pag inihagis ay iikot-ikot at pagkadaka’y hihinto pagkatapos.
Ganito ang buhay sa mundong ibabaw. Gigising sa umaga upang matulog uli pagsapit ng dilim. Isisilang upang bumalik din sa alabok kung saan nanggaling. Darating sa lupa para lisanin ulit pagdating ng araw?
Pabalik-balik, paikot-ikot lamang. Sabi nga ni Kim Atienza, “ang buhay ay weder-weder lang”.
Subalit ganito nga ba ang layunin ng Diyos sa atin? Ito nga ba ang Kanyang nais sa buhay na kaloob Niya?
Ang sagot ay “hindi” pagkat ang ibig Niya ay buhay na masagana, may kulay, may sigla at may pag-asa. Hindi pabalik-balik at paikot-ikot lamang.
At yan ay mararanasan ng lubos kung si Kristo ang nasa ating puso pagkat Siya ang tunay na kahulugan ng buhay.
Kilalanin natin Siya't iluklok sa trono ng ating puso bilang Panginoon at Tagapagligtas upang buhay nati'y di mistulang turumpong, paikot-ikot lamang.
Isang Pagbubulay-bulay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment