Tuesday, March 16, 2010
Now Na!
Mula sa panulat ni Max Bringula
“Yet who knows whether you have come to the kingdom for such a time as this?" – Esther 4:14
Bukam-bibig ngayon ang katagang ito kapag may minamadali tayo at nais magawa agad at ayaw ng ipagpabukas pa. Ating binibigkas ang “Now Na!”.
Ang linyang ito’y una kong narinig mula sa isang kabinete ni PGMA noon na umaklas sa kanyang pamahalaan dahil sa mga anomalyang di matagalan. Nagnais siya ng pagbabago kaya’t hinimok niya ang pamahalaan na gawin ang tama, hindi bukas kungdi agad. Now na!
Ganito rin ang tema ng linyang binitawan noon ni Sister Stella L, isang karakter sa pelikula na buong husay na ginampanan ng premyadong aktres ng bansa na si Vilma Santos sa pelikulang ganoon din ang title. “Kung hindi ngayon, kaylan? Kung hindi tayo, sino?” Isang sigaw ng paghamon ng pagkilos at paggawa ng nararapat na hindi ipinagpapabukas, kungdi dapat gawin agad. Now na!
Ang dalawang katagang ito’y madalas maririnig ngayon sa kapulungan ng mga nagnanais ng pagbabago – sa gobyerno man o sa lipunan na kinabibilangan. Lalo ngayong panahon ng kampanya, ang battle cry na ito ay halos bukam-bibig ng mga kandidato at pulitikong humihimok sa mamamayang sila’y iboto.
Ganito rin ang winika ni Mordecai sa pinsan niyang si Esther, isang Hudyo na naging Reyna ng Hari ng Persia noon (na ngayo’y Iran). Kanyang hinamon si Esther na gawin ang nararapat – ang lumapit sa Hari at hilinging huwag ng ituloy ang pagpapapatay sa mga Hudyo. Kanya pang idinagdag na iyon ang akmang panahon na siya ay kumilos at makagawa ng makabuluhang bagay sa kanyang bayan. “For such a time as this”. Yun na ang panahon, hindi bukas, hindi sa susunod na araw, linggo o taon, kungdi ngayon na. Now na!
Tayo rin man ay may panahong ibinigay sa atin kung saan tayo’y dapat kumilos agad at hindi na magpatumpik-tumpik pa. Pagkat kung hindi gagawin ngayon, kaylan pa? Iinog din naman ang mundo. Di naman mapipigilan ang paglipas ng panahon. Ang tanong, nagawa ba natin ang dapat ay ating ginampanan?
Kung kaya’t maging hamon nawa ito sa atin, sa personal mang buhay o sa relasyon natin sa Panginoon. May nararapat tayong gawin na di na dapat ipagpabukas pa kungdi ngayon na. Now na!
“For such a time as this.”
Isang pagbubulay-bulay.
2009 copyrighted.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment