Wednesday, December 22, 2010

"MERRY" ba ang CHRISTMAS mo?


Ang pagsapit ng Kapaskuhan ay isa sa pinakamasayang okasyon sa Pilipinas at pinakaka-abangan ng marami, lalo na ng mga nagtratrabaho sa abroad. Ito ang buwan na itinataon nila upang magbakasyon. At kahit magastos sa ganitong panahon di nila alintana, makasama lamang ang mahal sa buhay at malasap ang simoy ng Kapaskuhan sa sariling bayan.

At habang papalapit ng papalapit ang Pasko, lalo itong nagiging kapana-panabik. Ilang araw na nga lang, Merry Christmas na.

Subalit ang tanong, “sadya nga bang Merry ang Christmas mo”? Sa mga nagdarahop, at isang kahig, isang tukang mga kababayan natin, magiging Merry kaya ang Christmas sa kanila?

Sa mga naulila at nawalan ng mahal sa buhay sanhi ng iba’t ibang kadahilanan, maaaring di nila madama kung Merry nga ba ang Christmas.

Sa mga Samahan ng Malalamig ang Pasko dahil iniwan ng minamahal, o kaya’y sadyang walang nagmamahal, siguradong hindi Merry ang Christmas para sa kanila.

At sa mga pamilya kung saan ang mahal sa buhay ay nasa ibang bansa na nagtratrabaho at malayo sa kanilang piling sa araw ng Pasko, maaaring di lubos na Merry ang kanilang Christmas.

At sa ating mga OFW, sa bawat isang nagtitiis ng hirap para sa ating mga mahal sa buhay, Merry ba ang Christmas mo?

Papaano nga ba magiging Merry ang Christmas?

Madalas nating naririnig ang pagbati na iyan, “Merry Christmas”. Bukam-bibig natin. Sinasambit bagama’t di lubos na batid marahil kung bakit nga ba Merry ang Christmas.

Ang kauna-unahang Pasko ay di lamang "silent and holy night". Ito'y puspos ng kagalakan, ng di masukat na kasiyahan pagka't isinilang ang Dakilang Manunubos ng sangkatauhan. "I bring you good news of great joy" ito ang tinuran ng anghel na naghatid ng balita ng gabing iyon. "Today in the town of David, a Savior has been born". (Luke 2:10-11)

Pagkasambit ng balitang iyon, nag-awitan at nagpuri ang libo-libong anghel sa kalangitan. (Luke 2:13-14) Binalot ng kabanalan at kagalakan ang pagsilang ng Dakilang Tagapagligtas. Ito ang dahilan kung bakit Merry ang Christmas.

Hindi nasusukat sa dami ng salapi na ating hawak o ng materyal na bagay na ating taglay ang kagalakang madarama sa Araw ng Kapaskuhan. Hindi sa dami ng regalong ating matatanggap o pagbating maririnig. Hindi rin ito makikita sa dami ng pagkain sa hapag-kainan, o kung sino ang ating kasama o hindi kasama.

Kahiman isang kusing lang marahil ang laman ng ating bulsa, kahit simpleng celfon lang ang gamit natin, kahiman malayo sa mahal sa buhay, kung si Kristo nama'y nasa ating puso, natitityak kong Merry ang Christmas mo.

Sa susunod na sambitin natin ang katagang "Merry Christmas", tiyaking si Kristo'y nananahan na sa atin upang tunay na maging Merry ang ating Christmas.

Merry Christmas po sa inyong lahat.

No comments: