Saturday, May 23, 2009

Umagang Kay Ganda


Umagang Kay Ganda
Akda at Panulat ni Max Bringula

And there was evening, and there was morning--the first day.” (Genesis 1:5)

Nang simulang likhain ng Diyos ang lupa at ang langit, ang lupa ay wala pang hugis o anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at umiihip ang malakas na hangin sa ibabaw ng tubig. Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. (Genesis 1:1-4)

Ito ang unang umaga na nasilayan ng sandaigdigan at nagbigay liwanag sa dati’y madilim na kapaligiran. Nalugod ang Diyos sa Kanyang nakita, at tinawag Niya ang liwanag na “Araw”, at ang dilim nama’y tinawag Niyang “Gabi”.

Isa sa mga dakilang nilikha ng Diyos na ating namamalas at nararanasan araw-araw ay ang pagsapit ng liwanag sa umaga. Kapag nababanaag na ang unti-unting pagtaas ng araw sa kalangitan, habang mula sa durungawan ng iyong silid ay makikita ang dahan-dahang pagsilip ng araw, kasabay ng pagtilaok ng alagang tandang o ang pagtunog ng orasan, ito’y nagsasabing “umaga na”.

Ang araw ay ngumingiti at nagsasabing “magandang morning” na hudyat na rin para tayo’y gumising, tumindig at harapin ang bagong hamon na dala ng isang umagang kay ganda.

Kung kaya’t kahit pupungas-pungas pa, kahit may muta’t may laway pa, tayo’y bumangon na at suklian din ng isang matamis na ngiti ang pagbati ng araw at pagsasabing “salamat O Diyos sa isang umagang kay ganda na muli mong kaloob”.

Sadyang kay ganda ng umaga. Pagka’t ito’y pagkakataong ibinibigay Niya upang maranasan ang Kanyang kagandahang-loob at mamalas ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan. Ito’y pagkakataon upang patuloy na makapag-impok ng kayamanan sa kalangitan – ang makagawa ng kabutihan sa kapwa, makapaghayag ng Kaniyang Salita, at makapaglingkod sa Kanyang ubasan. Ito’y pagkakataon natin na maluwalhati ang Diyos sa buhay na bigay Niya.

Kung kaya’t wag sayangin ang bawat umagang dumarating. Wag sayangin ang bawat araw na idinurugtong Niya upang sa pagsapit ng gabi ay di manghihinayang at magwiwika ng “sayang” pagkat di naipamuhay ng tama at lubos ang umagang kaloob.

Naalala ko ang linya sa pelikulang “Pahiram ng Isang Umaga” na sinambit ng pangunahing karakter sa pelikula (na ginampanan ni Vilma Santos) habang nakatanaw sa karagatan at pinagmamasdan ang unti-unting pagsikat ng araw sa dalamapasigan, habang dumarampi ang hangin sa kanyang mahina na ng katawan, at nakasandal na lamang sa bisig ng kanyang mahal sanhi ng malubhang karamdaman, habang habol ang hininga na unti-unti nang napapawi, nai-usal niya ang katagang “kay ganda ng umaga, ang sarap mabuhay”. At pagkatapos niyo'y hininga'y tuluyan ng pumawi.

Tunay na ang bawat umagang kaloob Niya ay kay ganda. Ito’y lasapin natin at damhin at ipamuhay ng lubos. Masarap mabuhay. Masarap lasapin ang bawat umagang binibigay Niya. Kahiman lubhang madilim ang gabing lumipas, nakakatitiyak pa rin na may magandang umagang darating.

Pagkat bawat araw na kaloob Niya ay taglay ang umagang kay ganda.

Nakikita mo ba’t nadarama?

And God said, "Let there be light," and there was light. God saw that the light was good." (Genesis 1:3-4)

Isang Pagbubulay-bulay ng Kanyang Salita.

Recommended Reading: Genesis 1:1 - 2:4

No comments: