Sunday, May 10, 2009

Katangi-tanging Ina


KATANGI-TANGING INA

Mandaraya ang pang-akit at kumukupas ang kagandahan, ngunit ang babaeng may takot kay Yahweh ay papupurihan ng balana. Ibubuhos sa kaniya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.” (Proverbs 31:30-31)

Ito ang huling pananalita na binigkas ni Solomon sa Kawikaan matapos niyang ipangaral at isa-isahin ang mga alituntunin na dapat matutunan sa iba’t ibang larangan ng buhay. Kanyang tinuldukan ang nasabing panulat sa pagbibigay parangal sa babaeng nagtataglay ng katangiang kapuri-puri na dapat pamarisan ng mga kababaihan.

At bilang pagpupugay sa ating mga dakilang ina at asawa, mainam na tunghayan nating muli ang mga katangiang binanggit sa Kawikaan patungkol sa isang huwarang maybahay.

Sabi roon, “mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling hiyas ang kanilang halaga.” (v.10) Kahiman daw ipunin at pagsama-samahin ang lahat ng ginto sa gold souk o sa buong mundo ay di pa rin matutumbasan o mahihigitan ang halaga ng isang mabuting asawa.

She is more than the precious jewel in the Nile and more beautiful than the pearl of the Orient.

(v.11-12) Siya’y mapagkakatiwalaan at masaganang pagpapala ang makakamit ng kanyang sambahayan dahil sa kanya. Pinaglilingkuran niya ang asawa at inaalagaang mabuti ang kanyang mga anak.

(v. 13-14) Wala siyang pagtigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang lino at saka ng lana. Tulad ng isang barkong tigib ng kalakal, siya ay nag-uuwi ng pagkain mula sa malayong lugar.

(v.15) Hindi pulos tsismis ang inaatupag at panonood ng mga telenovela, kungdi maaga pa lang ay inihahanda niya na ang kakanin at kakailanganin ng asawa’t mga anak. Bago pa man sila gumising, bago pa tumilaok ang manok sa kinaumagahan, nakapamalengke na siya at nakapagluto na.

(v.18) Sa kanya’y mahalaga ang bawat ginagawa, hanggang hatinggabi’y makikitang nagtitiyaga. Siya’y gumagawa ng mga sinulid at humahabi ng sariling damit.

Siya’y masipag, di sinasayang ang bawat oras na dumaraan. Habang nagluluto ay nakasalang ang labada, at karga-karga sa kaliwang kamay ang anak para di ito umiyak. At habang pinaiinin ang kanin at naluluto ang ulam, babalikan ang damit na kanina’y pina-plantsa, habang ang isang paa’y nagbubunot ng sahig, at sa kabilang kamay tangan-tangan ang walis, at nakaka-awit pa siya ng awiting papuri.

Kahanga-hanga nga. Kamangha-mangha. Sila’y walang katulad. Mga katangi-tanging ina.
Kaya’t iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kaniyang kabiyak. (v. 28)

Yan ang ating ina. Ganyan niya tayo kamahal at inaaruga.

Yan ang ating asawa. Ganyan niya tayo iniibig at pinaglilingkuran.

Sila’y dakila, karapat-dapat lamang na parangalan at pasalamatan. Igalang, mahalin at pahalagahan.

Sila’y mga katangi-tanging ina.

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

No comments: