Monday, May 25, 2009

Taas ang Kamay


TAAS ANG KAMAY
Sa panulat ni Max Bringula mula sa Kontribusyon ni Leo Amores

In every place of worship, I want men to pray with "holy hands lifted up to God", free from anger and doubts.” (1 Timothy 2:8)

Taas ang kamay” ang pasigaw na utos ng kapulisan sa lalaking nang-hostage na kanilang nagapi. Tutok ang baril, iniutos nila na itaas nito ang kamay bilang tanda ng pagsuko.

Ito’y karaniwang eksena sa isang hostage-taking na nagaganap sa aktuwal na pangyayari o maging sa pelikula man kung saan ang nasusukol na hostage-takers ay nagtataas ng kamay bilang pagsuko.

Noong taon 1972, sumuko ang huling sundalong Hapon na nagtatago pa sa Pilipinas matapos ang World War II noong 1945. Hindi alam ni Lt. Hiroo Onoda na tapos na ang digmaan kung kaya’t siya’y nanatiling nagtatago sa mga gubat at bulundukin ng Lubang Island sa may Mindoro.

Sa loob ng tatlumpung taon mula nang siya’y dumating sa Pilipinas noong 1942, ang Hapon na ito ay tago ng tago at "ayaw sumuko”, at patuloy na nakikipaglaban sa kanyang paniniwala, hanggang siya’y masukol ng mga awtoridad. Sa kanyang pagbalik sa Japan siya’y sumulat ng kanyang memoirs, ang “The 30 Years of Wasted Life.”

Ganito rin maituturing ang taong hindi nagsusuko ng kanyang buhay sa Diyos. Patuloy na nagtatago sa masalimuot na gubat ng buhay bagama’t tapos na ang digmaan. Napagwagian na ng Diyos ang kasamaan at ang kasalanan subalit di Niya alam pagkat pilit na namumuhay sa sariling desisyon at kaisipan. Hindi sumusuko sa Diyos. Nasasayang lamang ang maraming taon sa buhay na dumaraan.

Ganito rin maihahambing ang mga Kristiyanong bagamat nakakilala na sa tunay na Diyos ay pilit pa ring namumuhay sa sariling lakas at dunong. Hindi nagpapasakop sa kalooban ng Diyos bagkus ang sarili ang nasusunod. Kung kaya’t maraming taon ang nasasayang na dapat sana’y marami na ang naimpok na kayamanan sa kalangitan. Marami na sanang kaluluwang nadala sa paanan ng Panginoon, at marami na sanang natutunan sa mga Salita Niyang napapakinggan at napagbubulay-bulayan.

Taas ang Kamay” – ito ang dapat nating gawin. Sumuko sa Diyos at wag nang makipaglaban sa Kanyang kalooban sa atin. Pagka’t ang kalooban Niya’y higit na mabuti. Hayaan natin na ang layunin Niya ang higit na makapangyari.

Gamitin ang kamay hindi para mangumbaba at tumunganga sa kawalan, kungdi upang itaas ito bilang pagsuko sa Diyos na Lumikha. Ganito ang sabi sa Kanyang Salitang ating pinagbubulay-bulayan sa 1 Timothy 2:8 -

In every place of worship, I want men to pray with "holy hands lifted up to God", free from anger and doubts.”

Gamitin ang kamay upang itaas ito tanda ng pagsamba, pagpupuri at pasasalamat sa makapangyarihang Diyos. Tanda ng pagsuko ng ating buhay sa Kanya.

Huwag mahiyang magtaas ng kamay lalo na sa pagpupuri at pagsamba. Sa ating pag-awit, huwag mahiyang magtaas ng kamay kung kakailanganin, pwera na lang kung ikaw ay mayroong “it’s you they’re talking about” (o di magandang amoy sa kili-kili). Pagka’t kung magkakagayon, dapat ngang mahiyang magtaas ng kamay.

Subalit sa Diyos na nakakabatid ng lahat, ang Diyos na nagbibigay sa atin ng lahat ng pangangailangan, dapat lang itaas natin ang ating mga kamay sa Kaniya.

Taas ang kamay”. Wag mahiya.

Kapag may gagawin sa Iglesya, o maging sa tahanan, o sa sarili nating personal na buhay dapat “taas-kamay” tayong umabot at sumalo ng dapat gawin upang matiyak ang tagumpay at maganap ang Kanyang dakilang kalooban.

Taas ang kamay”. Wag ng mag-alinlangan. Sa Kanya magtiwala pagka’t Siya ang higit na nagmamahal sa atin.

Taas ang kamay”. Wag ng mag-atubili. Isuko na ang buhay sa Kanya tanda ng pagkilala bilang Diyos, Panginoon at Tagapagligtas. Upang sa kinalaunan ay wag masabing ito’y nasayang lamang.

Taas ang kamay”. Sumuko ka na. Ngayon na!

Isang pagbubulay-bulay sa Kanyang Salita.

Recommended Reading: Psalms 63

No comments: