Wednesday, May 6, 2009

Kapag Ika'y Nag-iisa


Kapag Ika'w Nag-iisa

"In the spring, at the time when kings go off to war, David sent Joab out with the king's men and the whole Israelite army. They destroyed the Ammonites and besieged Rabbah. But David remained in Jerusalem." (2 Samuel 11:1)

Maraming maaaring maganap kapag ika’y napag-isa na. Kapag walang matang nakamasid at bibig na maaaring sumuway at magpa-alala. Lalo na’t kung walang ginagawa’t pinagkaka-abalahan kungdi ang tumingin sa malayo na animo’y may kung anong hinahanap sa karagatan o sa kalawakan.

Sa ganitong pagkakataon nakasisingit si Satan. Pagkat ito naman ang kanyang laging gawi - ang ika'y pagmasdan at bantayan. Minamasid kung ano ang iyong tinitingnan. Tinatanaw kung saan ka humahakbang. Sinusuri ang salitang lumalabas sa iyong bibig. Remember what the Word of God says about him? “for your enemy prowls around like a roaring lion looking for someone to devour” (1 Peter 5:8) Humahanap siya lagi ng masisila.

At ganito ang naganap kay David nang siya’y mapag-isa sa palasyo pagkat buong kawal niya’y nasa digmaan at siya lamang ang naiwan. Tinamad siyang sumama sa kanila. Mas inibig niyang mag-isa. "But David remained in Jerusalem"

At sa kanyang pag-iisa ng gabing iyon, siya'y ayaw dapuan ng antok. Di alam ang gagawin bagama’t marami siyang maaaring gawin – ang manalangin, magbulay-bulay ng Salita ng Panginoon o alamin ang kalagayan ng kaniyang mga kawal. Sa ganoong kalagayan, mas pinili ni David na magpahangin sa terasa, sa rooftop ng kanyang palasyo. At yun ang naging hudyat para kay Satan. “Aha!” ang naibulalas niya, at sabay buntot kay David sa pinatunguhan nito.

Doon sa may terasa, habang sinasamyo ang ihip ng hanging dumarampi sa kanyang mukha ay may naulinigan si David na lagaslas ng tubig. Sinundan ang tunog nito kung saan nagmumula at doo’y natanaw niya ang isang magandang babae na noo’y naliligo sa batis.

Batid natin ang naging kasunod ng pangyayaring ito na mababasa sa 1 Samuel 11:2-5. Na dahil inibig ni David na mag-isa at manatili sa Jerusalem, kaysa samahan ang kanyang mga kawal sa digmaan, ang di dapat mangyari ay naganap – nagkasala siya ng pangangalunya at nagkasanga-sanga na ang kasalanang iyon.

Nawa’y ating kapulutan ng aral ang bahaging ito sa buhay ni David. Upang makaiwas sa maaaring mangyari kapag tayo’y napag-isa na, wag magtamad-tamaran sa gawain para sa Panginoon. Sa halip na mapag-isa at tanawin ang butiki sa kisame ng iyong silid, ang bilangin ang ipis na dumaraan sa dingding, tumayo ka’t ihanda ang sarili sa gawain Niya.

Dingging ang paalala sa atin ng Hebrews 10:25, “Let us not forsake the habit of meeting together as some are in the habit of doing, but let us encourage one another, and all the more as we that the Day of the Lord is approaching.”

Ikaw ba'y nag-iisa sa ngayon? Nakararamdam ng panghihinawa't katamaran? Magpaka-ingat, baka maya-maya'y tayo'y nasa bitag na pala ng kasalanan.

Kapag ika'y nag-iisa, magbulay-bulay sa Kanyang Salita. Dumalo sa gawain. Ito ang mas mainam na gawin.

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.


No comments: