Tuesday, May 19, 2009

Subukan Ninyo Ako


Subukan Ninyo Ako
Sa panulat ni Max Bringula mula sa kontribusyon ni Leo Amores

Test me in this," says the LORD Almighty, "and see if I will not throw open the floodgates of heaven and pour out so much blessing that you will not have room enough for it.” (Malachi 3:10)

Huwag ninyo akong subukan!” Yan ang popular na salitang binitawan ni Erap during his inaugural speech noong 1998 as President of the Philippines.

Ang pananalitang ito ay kahalintulad din ng pagsasabing “subukan ninyo ako”. Ang una’y sa paraang negatibo, “huwag ninyo akong subukan”, at ang huli nama’y sa paraang positibo.

Subukan ninyo ako - maraming maaaring ipakahulugan sa salitang ito. Una, ito’y pagbabadya na may mangyayaring di maganda kung hindi susunod agad. Ganito ang naririnig natin kay Tatay noon kapag matigas ang ulo at ayaw nating pasaway. “Wag makulit!” ang pasigaw niyang sabi. “Makakatikim ka sa akin pag di ka tumigil, subukan mo”, ang babalang iyong maririnig.

Subukan ninyo ako – maririnig mo rin ang babalang ito kapag ang isang tao’y napupuno na at halos mistulang bulkang sasabog sa galit dahil sa inis sa taong kausap. “Di ka pa yata nakakatikim ng golpe-de-gulat eh. Subukan mong galitin ako at makakatikim ka ng bangis ng aking kamao” ang pagmamayabang na iyong maririnig.

Subukan ninyo ako – ito’y maririnig mo rin sa mga politiko lalo na’t kapag malapit na ang eleksiyon. “Subukan ninyo ako” – ipapa-espalto ko ang inyong mga daan, ipagpapatayo ko kayo ng maraming eskuwelahan, bibigyan ko kayo ng hanap-buhay, ng libreng gamot, ng libreng pamasahe, at kung anu-ano pang mga pangako na kadalasan nama’y napapako lalo na’t kapag nakaupo na sa trono.

Sawang-sawa na tayo sa kanilang pangako, subalit lagi naman natin silang sinusubukan. Maabutan lang ng isang-daan o limang-daang piso o isang kilong bigas, iboboto na. Tatanggapin na ang hamong “subukan ninyo ako” na ang resulta naman ay lagi tayong bigo. Bigo na makamit ang pangakong binitiwan.

Subalit sa Diyos na nagsabing “subukan ninyo Ako” tiyak ang biyaya at pagpapalang matatanggap kung tatalima sa Kanyang iniuutos.

Sa Malachi 3:10, ating mababasa ang hamon ng Diyos sa atin kung susunod sa Kanyang utos na pagbabalik ng ikapu sa templo ng Diyos.

Bring the whole tithe into the storehouse, that there may be food in my house. Test me in this," says the LORD Almighty, "and see if I will not throw open the floodgates of heaven and pour out so much blessing that you will not have room enough for it.”

Subukan ninyong gawin ito, kung hindi ko bubuksan ang mga durungawan ng langit at ibuhos sa inyo ang masaganang pagpapala na halos wala kayong silid na mapaglagyan.”

Sinubukan mo na bang subukin ang Diyos sa bagay na ito? Ito lamang ang utos Niya na may hamon at pagsasabing “subukan ninyo Ako”.

Kung kaya’t tanggapin ang Kanyang hamon. Wag nang mag-alinlangan pagkat ang nangako ay Diyos na makapangyarihan. May mahirap kaya sa Kaniyang gawin?

Wag nang mag-atubili at magdalawang-isip pa pagkat ang nagsabi ay Diyos na may lalang ng langit at lupa. Mahirap kaya sa Kaniya itong gawin?

Subukan ninyo Ako” – yan ang hamon ng Diyos sa atin. “Hindi ko na padadalhan ng salot ang inyong lupain kaya’t mamumunga ng sagana ang inyong mga ubasan.”

Ito ang susi ng buhay na masagana, ng buhay na tagumpay – ang magbalik sa Diyos ng ating mga ikapu.

Subukan natin ang Diyos sa paraang ito, at tiyak di tayo mabibigo. Kung nais natin na ang ating pamahayanan ay sumagana, kung nais nating pamumuhay ay umunlad, kung nais natin ang mga pangarap ay matupad, tupdin natin ang utos Niya. Dalhin natin ng buong-buo, walag kulang, at di kinulangan ang ating mga ikapu.

Subukan ninyo Ako rito” – yan ang hamon Niya.

Sinubukan mo na ba, kapatid? Kung hindi pa, gawin mo na. Upang buhay ay managana at pagpapala Niya’y tanggapin ng siksik, liglig at umaapaw.

Subukan ninyo Ako - isang pagbubulay-bulay.

No comments: