Tuesday, May 12, 2009

Hoy Gising!


Hoy Gising!

"Awake, awake! Stand up, O Jerusalem." (Isaiah 51:17)

Sinong makalilimot sa katagang ito na naging programa sa Channel 2 noong araw at magpahanggang ngayon, at palasak mong maririnig di lang sa telebisyon kungdi maging sa araw-araw na takbo ng buhay.

Ito’y pang-gising sa mga natutulog at nagtutulug-tulugan. Na kung tanghali na’t sinisikatan ka na ng araw, eh nakahilata ka pa’t nakanganga at sarap na sarap sa pagtulog, tiyak na isang malakas na bulyaw na “Hoy Gising!” ang matitikman mo kasabay ng malakas na hampas ng walis-tambo sa iyong katawan.

Ito’y pang-gising rin sa mga nagmamaang-maangan. Na bagama’t maliwang pa sa buwan at sikat ng araw ang katotohanang sinasabi mo't ipinapahayag, ay nakatunganga ka pa rin at nakanganga na kulang na lang na pasukan ng langaw ang iyong bunganga, tiyak na malakas na sigaw ng “Hoy Gising!” ang magpapabalikwas syo sa iyong kinauupuan kasabay ng malakas na hampas ng dyaryo sa pisngi mo.

Ito’y pang-gising rin sa mga Kristiyanong tutulog-tulog sa pansitan. Na walang alam gawin kungdi ang maupo lamang at pagsilbihan pag dating ng Biyernes o araw ng pagsamba. Susunduin mo’t ihahatid. Aawitan, tuturuan, kulang na lang na ipaghele-hele mo at subuan ng gatas. Na kapag bibigyan mo na ng tungkuling humayo at magbahagi ng Salita Niya, agad magkakamot ng ulo sabay tangging “di pa ako handa eh”. “Yung iba na lang” ang isasagot pa syo. Dapat sa mga ganito ay isang golpe-de-gulat na “Hoy Gising!” ang ibigay kasabay ang malakas na hampas ng iyong kamay tanda ng pagmamahal at pagmamalasakit.

Mapalad tayo pagkat’t ang ating Diyos ay mahabagin, mapagpatawad, at banayad kung magalit. Siya’y puspos ng pag-ibig. Wika sa Psalms 145:8, “The LORD is gracious and compassionate, slow to anger and rich in love.”

Hindi siya agad nanghahampas ng walis-tambo at dyaryo sa iyong katawan para ika’y magising, o magbubuhos ng malamig na tubig sa iyong mukha para ka matauhan. Siya’y laging may laan na pang-unawa sa atin. Subalit wag nating abusuhin ang kabutihang-loob ng Diyos pagka’t kung magkagayon, dos-por-dos ang tiyak na ihahataw sa atin.

Hihintayin pa ba natin na tayo’y makatikim ng matinding hagupit ng Diyos dahil tayo’y nagtutulug-tulugan at ayaw magising?

Kung kayat’ gumising. Tumayo’t ihanda ang sarili sa Kanyang gawain. Kung sa kalayawan ng mundo’y ikaw ay naparihaya at lubos na naakit, gumising. Imulat ang mata sa katotohanan at kumapit sa Kanyang Salita.

Gumising…gumising…tumayo ka, o anak ng Diyos!

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

No comments: