Monday, May 11, 2009

Babalik Ka Rin


BABALIK KA RIN

"When you are in distress and all these things have happened to you, then in later days you will return to the LORD your God and obey him." (Deuteronomy 4:30)

Lalayas na ko! Di rin naman ninyo ako mahal, mabuti pang lumayas na ako sa bahay na ito”, ang iyong paghahamon na may tampo at galit sabay kuha ng iyong mga damit at dagliang pag-alis.

Ganito kadalasan ang nangyayari sa atin kapag ipinipilit ang gusto subalit di naman makamit. Nagmamalaki tayong nagsasabi ng “lalayas na ako”. O kaya'y "di na ako dadalo", dahil hindi napagbigyan ang gusto o nabigo sa tanging pakay.

Ganito rin ang nangyayari sa mga kabataang mapupusok ang kalooban at walang tanging nais kungdi masunod ang sarili. Ayaw na mapapagalitan o mapagsasabihan kung kaya’t walang bukam-bibig kungdi “lalayas na ako!”

Subalit ang Tadhana’y sadyang marunong at ang Kanyang katuwiran ang siya pa ring iiral. Sa iyong paglisan at pagtungo sa malayong lugar, sa iyong pag-iisa at pamumuhay ng walang nag-gagabay, ang mararanasan mo’y kahirapan, kalungkutan at kawalan ng pag-asa. Walang matakbuhan, walang masandalan. At sa gitna ng lahat ng ito, ang masusumpungan mo'y Kanyang pagmamahal. Siya’y naroroon pa rin at naghihintay sa iyong pagbabalik.

Tulad ng alibughang anak na mababasa natin sa Lukas 15:11-24, nang kanyang maranasan ang kahirapan sanhi ng tag-tuyot na dumating sa bayan na kanyang tinirhan pagkatapos na maglayas sa kanilang tahanan dala-dala ang manang hiningi na agad sa ama bagama't buhay pa ang huli, nang maubos na ang salaping taglay at namasukan na lamang bilang alipin, nang halos wala ng makain at pati pagkain ng baboy ay tangka niya ng agawin, doo’y napagtanto niya ang maling ginawa. Ang kanyang paglayas na di man lang inisip ang amang iniwanan at di isina-alang-alang ang damdamin ng ama masunod lamang ang ibig.

Sa gitna niyon, napag-isip-isip niya, “sa tahanan ng aking ama ay maraming pagkain, doo’y di ako naghihirap at sumasala sa oras ng pagkain. Doo’y di ako alipin kungdi ako ang pinaglilingkuran.”

Babalik ako sa aking ama” – ito ang nasambit niya. Ito ang napagtanto niyang marapat na gawin. At tulad ng alibughang anak, tayo ay babalik rin.

Babalik ka rin” sa ating ama. Hindi maaaring ika’y magpakalayo-layo, pagkat walang bahagi sa mundo na di Niya alam upang iyong pagtaguan. Hindi maaaring sa sariling lakas at dunong ika’y mamumuhay, pagkat walang ibang makapangyarihan kungdi ang Ama sa langit. Hindi maaaring ika’y mapag-isa ng tuluyan, pagkat ang tunay na pag-ibig at kaligayahan ay sa Kanlungan lamang ng ating Ama mararanasan.

Babalik ka rin” – bakit ka pa magpapakalayo-layo? Bakit mo pa patatagalin? Bakit magmamatigas pa kung sa Kanyang piling ika’y babalik rin?

Kapag kayo’y nasa matinding kahirapan, matututo kayong manumbalik at sumunod sa Kaniya. Siya ay mahabagin. Hindi Niya kayo pababayaan. Hindi Niya kalilimutan ang Kanyang mga pangako.” (Deuteronomy 4:30-31)

Babalik ka rin”. Sa iyo ang ating Ama’y naghihintay.

Babalik ka rin”. Kami’y sabik na sa iyong pagbabalik. Kung kaya’t pagbabalik mo’y wag ng patagalin.

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

No comments: