Tuesday, May 5, 2009

Leap for Joy (Nagtatatalon sa Tuwa)


LEAP FOR JOY (Nagtatatalon sa Tuwa)

"When Elizabeth heard Mary's greeting, the baby leaped in her womb." (Luke 1:41)

Nagtatatalon sa tuwa. Ito’y expression ng taong labis ang kagalakan, ng kasiyahang di maikubli at mapigilan, kung kaya’t sa pagtalon ito ipinapahayag.

Nagtatatalon sa tuwa ang mga fans ni Pacman na may kasama pang hiyaw at pagtaas ng kamay nang ang People’s Champ ay muling nagwagi sa huli nitong laban.

Nagtatatalon sa tuwa ang isang ama nang mabalitaang magiging “tatay” na siya, at ilang buwan lamang ang hihintayin pagkat sanggol sa sinapupunan ng asawa’y iluluwal na.

Nagtatatalon ka sa tuwa nang mabalitaan mong ika’y pumasa sa nakaraang board exam. Certified Accountant ka na o Civil Engineer na matatawag. Sa wakas natapos din ang iyong paghihirap at ngayo’y isang magandang bukas ang naghihintay.

Nagtatatalon ka sa tuwa nang matanggap mo ang pinakakaasam-asam na matamis na “oo” mula sa binibining nililyag, sabay ang sigaw nang paulit-ulit na “sinagot na ko! Sinagot na ko! Yahoooo!!!”

Marami pang dahilan na mababanggit kung bakit ang isang tao’y nagtatatalon sa tuwa na pagpapakita ng isang labis-labis na kasiyahan.

Ganito rin ang eksaktong ginawa ng sanggol sa sinapupunan ni Elizabeth (na walang iba kungdi si John the Baptist) nang siya’y bisitahin ng ina ng kanyang pinsan (ang Panginoong Hesus) na noon nama’y nasa sinapupunan ni Maria. Siya’y nagtatatalon sa tuwa pagka’t sino nga ba siya para bisitahin ng Anak ng Diyos, na kahit magtanggal man lamang ng sintas ng Kanyang sandalyas ay di siya nararapat.

At ako’y naniniwala na ang paggalaw ng sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina habang naroroon pa siya't naghihintay ng takdang araw ng kanyang pagsilang ay maituturing na isang “talon sa tuwa”, a leap of joy, pagka’t anu mang araw ay masisilayan niya na ang kagandahan ng mundo, at makikita na ng kanyang mga mata ang pinakamamahal na ina at amang nag-aruga sa kaniya habang siya'y nasa sinapupunan pa.

Leap for joy” – napakagandang expression ng pagpapahayag ng kagalakan pagkat ito’y likas na nagmumula sa puso at hindi inisip, plinano o binalangkas pagkat ito’y lumalabas ng kusa sa taong mapagpasalamat.

Kaya’t maging sa pagpupuri at pagsamba sa Diyos, wag mahihiyang tumalon pagkat ito’y pagpapahayag ng labis na kagalakan sa tinamong biyaya't pagpapala mula sa Kaniya.

Ito rin ang sinasabi sa Luke 6:23 “"Rejoice in that day and leap for joy, because great is your reward in heaven.”

Wag mahiya na ipakita ang iyong kagalakan sa pagtalon sa tuwa. Kung ang palaka nga’y nagtatatalon sa kabukiran, ang tipaklong ay nagtatatalon habang palipat-lipat ng damong matatapakan, ang kangaroo ay nagtatatalon habang bitbit-bitbit ang baby kangaroo, ikaw pa kaya na mahihiyang tumalon na kumpleto naman ang paa mo’t bahagi ng katawan?

Hindi lang sa pagsapit ng Bagong Taon tayo dapat tumalon kung nagnanais na ika’y tumangkad pa, kungdi dapat sa lahat ng oras na ika’y puspos ng kagalakan – tumalon ka sa tuwa.

Rejoice in that day and leap for joy. Tumalon sa tuwa bilang pagpapasalamat sa Kaniya.

Simulan mo na!

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

No comments: