Sunday, May 3, 2009

Tama Na! Sobra Na!


TAMA NA, SOBRA NA

“.. for I have learned to be content, whatever the circumstances (is).”Philippians 4:11

Sabi sa Economics, “man’s satisfaction is unending.” Wala raw katapusan ang gusto ng tao. Hindi matapus-tapos. Ito’y padugtong ng padugtong, pataas ng pataas, parami ng parami, palawak ng palawak. Hindi kayang punuan ng mundo ang ating kapirasong puso – ang kanyang ibig makamit, nais gawin at hangaring marating.

Kung kaya’t dahil sa walang-katapusang paghahangad ng tao, kahit ang buwan ay napuntahan na at naka-apak dito, at ngayon nama’y ang planetang Mars ang nais na tunguhin at hindi titigil hanggang ang paa’y lubusang maka-apak sa pulang planetang ito. Kung maaari nga lamang maglakbay at magliwaliw sa buong kalawakan at doo’y iipunin lahat ng bituin, igagapos ang hangin at pati ang buhos ng ulan ay pipigilin, ito’y kanyang gagawin. Subalit tulad ng awit ni Nonoy Zuniga, sa panaginip lang natin ito magagawa, “doon lang”.

Ngunit may makapagbabawal ba sa tao na abutin maging ang langit? Sa kanya’y walang imposible (sa akala niya). Hahamakin ang lahat, susuungin anumang hirap, at pati kaluluwa’y irerenda’t isasanla, makamit lamang ang pinakananais-nais.

Tama na, sobra na!” Kaylan ba ito sasagi sa ating isip? Kung kaluluwa’y napahamak na at buhay’ nagkawasak-wasak, nagkaluray-luray sanhi ng paghahangad ng labis? Aanhin ang katanyagan, karangyaan at kapangyarihaan kung kapalit naman nito’y kaparusahan.

For what profit it is for a man if he gains the whole world, but loses his own soul?” (Matthew 16:26)

Mas mainam na kahit kaunti lamang ang yamang taglay at simpleng buhay lang tayo mayroon, tayo’y kuntento kung ano ang kaloob sa atin ng Diyos. Na kahit ano man ang ating katayuan sa buhay o kalagayan, tayo’y masaya, payapa, at may taglay na sigla at kalakasang nagmumula sa Kaniya.

“.. for I have learned to be content, whatever the circumstances (is).”

Ito ang nais Niya – buhay na masagana, hindi sa pisikal at materyal lamang, kungdi higit sa lahat, sa espirituwal.

Tama na, sobra na!” Kaylan pa sasabihin ito sa sarili? Wag labis na aligaga. Wag lubhang mabahala sa mga bagay na di naman kapaki-pakinabang. Wag mabalisa.

Tama na, sobra na!” Kaylan pa titigilan at pipigilan ang sarili sa anu mang labis? Mas mahalaga ang ating kalusugan, kung kaya’t maging sa pagkain ay hinay-hinay lang. Wag pulos kolesterol ang isinasaksak natin sa ating katawan. Lalo na’t ngayon may lumalaganap na “swine flu”. Paka-ingat.

Tama na, sobra na!” Mas mainam na tahimik ang ating kalooban, kung kaya’t wag tambakan ang sarili ng mga di kanais-nais na kaisipan, ng galit at poot at maging ng labis na paghihinagpis.

Tama na, sobra na!” Palitan na! Palitan na ang takbo ng ating pag-iisip. Maging kuntento sa lahat ng bagay na kaloob ng Diyos sa atin.

Tama na, sobra na!” yan ang dapat nating litanya. Maging si Pacquiao man na patuloy na humahakot ng karangalan bilang pinakamagaling na boksingero sa buong mundo ay magsasabi rin kinalaunan ng “tama na, sobra na!”

Ikaw, gusto mo pa ba? O kuntento ka na?

Iyan ang dapat nating matutunan. Kahiman kalahating tubig na lang sa baso ang natira para ating inumin, maging kuntento tayo at magpasalamat, at wag laging mapaghanap.

Ating alalahanin ang sinabi ng Kanyang Salita na ating pinagbubulay-bulayan, “.. for I have learned to be content, whatever the circumstances (is).”Philippians 4:11

At yan ang pinaka-mainam.

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

No comments: