Tuesday, May 26, 2009

Jele-Jele, Bago Quiere


Jele, jele… bago quiere.
Akda ni Max Bringula

"Let your "Yes" be yes, and your 'No,' no." (James 5:12)

Jele, jele, bago quiere”, ito’y kolokiyal na salitang Kastila na ang ibig sabihin ay “aayaw-ayaw, pero gusto.” At kung babaligtarin naman ay mag-o “oo”, tatango, pero di naman talaga gusto o nais gawin. Walang iniwan sa kasabihang “tulak ng bibig, kabig ng dibdib.”

Kung kaya’t maging ang Salita Niya ay ganito ang sabi, ‘Let your "Yes" be yes, and your "No," no.

At dapat lang dahil maraming mga Kristiyanong ganyan. Wag na sa labas tayo tumingin. Kungdi sa mismong mga tahanan natin.

Magsasabi ng “Yes”, ako ang manunundo, ako ang magtuturo, ako ang magpapa-awit, ako ang tutugtog, pero kamukat-mukat mo iba rin ang gumawa dahil di dumating, di mahagilap, di matawagan, ni “ha” ni “ho” sa text ay di sasagot. Ang “yes” nya pala ay “No!”

Ito rin ay kitang-kita mo sa pagtupad sa oras na pinag-usapan. Sasabihing “Yes”, ako ay darating sa takdang oras, pero tumirik na ang mata mo sa kahihintay, walang Juan at Juana na sumulpot. At kung minsan, o kadalasan, yung alas-otso ng umaga, nagiging alas-nuwebe o alas-diyes. Yung ala-diyes ay nagiging alas-dose o ala-una, at kung minsan ala-na. Wala na talagang dumating. Kinalimutan na ang “Yes” na binitiwan. “No” pala talaga ang ibig niyang sabihin.

At sa pakikinig naman ng Kanyang Salita ay gayon din. Tatango-tango, ngingiti-ngiti kung may nakaka-kiliti sa kanya habang nakikinig ng mensahe. Minsang tatawa at hahalakhak kung sadyang nakakatawa at nakaka-relate kumbaga sa sinasabi ng Pastor.

Minsan nama’y mangilid-ngilid pa ang luha at kaunting sundot na lamang ng Kanyang Salita ay bibigay na, tutulo na ang luha sa kaliwang pisngi sabay pahid ng kaunti rito na wari’y nahihiya pa kumbaga. Mayroon namang humahagulgol talaga at magtitika na “di na ako uulit”. Di na susuway. Magbabago na at lalayo na sa kasalanan. Magsasabi ng “No! ayaw ko na, suko na ako”, subalit ilang linggo pa lamang balik sa dating gawi. “Yes” pala ang ibig niyang sabihin.

Jele-jele, bago quiere” – ganito rin tayo makipag-patintero sa kaaway. Kay Satan, kanino pa? Pag andiyan na ang tukso, magsasabi ng “No”, pero ang pagbigkas ng “No” niya ay pagkalamya-lamya na para bagang nagsasabing “No... pero kung pwede at uubra, at OK lang, cge na nga, gusto ko naman eh.” Kaya ayun, kung patirin ng kalaban ay ganoon na lamang. Kasi walang isa at matibay na paninindigan. Na pag sinabing “No” ay sadyang “No” at di magiging “Yes”. At kung “Yes” naman ay di dapat magiging “No”.

"Let your 'Yes' be yes, and your 'No,' no.” (James 5:12)

Wag nating sayangin ang oras at panahong binibigay sa atin ng Panginoon araw-araw sa paglalaro ng patintero sa kalaban. Maging totoo sa ating sinasabi. “Magpaka-totoo ka kuya, magpaka-totoo ka ate”.

Sundin ang turo ng Salita Niya. Wag mag-jele-jele, bago quire.

Let your "Yes" be yes, and your "No," no.

Isang Pagbubulay-bulay sa Kanyang Salita.

Recommended Reading: Ecclessiastes 5:4-7

1 comment:

Unknown said...

Napakagandang artikulo. Malalim at makabuluhan👍👏👏👏