“I can do all things through Christ who strengthens me.” – Philippians 4:13
Pinalad akong makapanood muli ng isang pelikula nung Friday. Wala akong commitment ng kinahapunan iyon kung kaya’t I took the opportunity na makapag-relax kahit papaano. At sa mga ganitong pagkakataon, I normally opt to watch movies that were stored in my laptop.
And without much ado, I chose to watch “Bolt” dahil matagal ko na itong gustong panoorin. It is a computer-animated film na produce ng Walt Disney. Kuwento ito ng isang celebrity dog na ang pangalan ay Bolt na isinatinig naman ni John Travolta. Sa movie na ito, si Bolt ay may tele-seryeng ginagawa at napapanood araw-araw sa primetime TV sa Amerika na ang titulo ay Super Bolt. Kasama niya sa seryeng ito ang kanyang amo na si Penny na siyang bumili sa kanya mula sa isang pet store. Sa seryeng ito ay mayroon siyang superpowers na siyang gamit niya upang gapiin ang masasamang balakin ni Doctor Calico na siyang kontrabida sa pelikula. Upang maibigay ni Bolt ang tamang characterization sa kanyang role sa teleserye, minabuti ng producer na paniwalain si Bolt na siya nga ay may totoong taglay na superpowers. At ito naman ang nanatili sa kukote ni Bolt na siya ay isang super dog. Hindi siya iniaalis sa loob ng studio at doo’y mayroon siyang sariling van kung saan siya’y nananatili pag tapos na ang taping.
The twist of the story came nang si Penny ay kinidnap sa teleserye na inakala naman ni Bolt na sadyang totoo. Dahil sa labis na pagmamahal sa kanyang amo, minabuti niya itong iligtas hanggang makalabas siya sa van na kanyang kinalalagyan. At doon uminog ang panibagong kabanata sa buhay ni Bolt sa labas ng Hollywood studio. Dito niya nakatagpo si Mitten (ang pasaway na pusakal o pusang-kalye) at ang dagang si Rhino na super-equally pasaway din at number one fan ni Bolt.
Bagamat wala na sa loob ng film studio ay paniwalang-paniwala pa rin si Bolt na siya ay nagtataglay ng superpowers at kumbinsidong-kumbinsido na siya ay isang super dog at di ordinaryong aso lamang.
Subalit ang kahibangang iyon ay humantong din sa pagkakadiskubre niya sa katotohanang siya ay isang hamak na aso lamang – nasasaktan, nagugutom at napapagod. Only when Bolt accepts this reality naging makatotohanan ang buhay para sa kanya na dati-rati’y isang make-believe existence o kathang-isip lamang.
Minsan tayo’y tulad ni Bolt. Hindi bilang isang super dog, kungdi tayo’y nabubuhay sa karakter na inilagay natin sa ating isipan. May maskarang suot. Nag-aanyo at kumikilos ayon sa karakter na nasa ating isipan. Nag-aakalang tayo ay may kakaibang lakas na angkin, na may superpowers na taglay at kayang gapiin ang ano mang masasamang elemento ng buhay. Tingin natin sa sarili ay tayo si Superman o si Wonderwoman, si Darna o si Captain Barbell. Nabubuhay tayo sa isang kathang-isip lamang, nahahalina sa mga nagkikislapang mga ilaw.
Kung kaya’t kapag nagising na sa pagkakahimbing at natauhan saka natin mapagtatanto na tayo’y isang alabok lamang pala na nangangailangan ng tulong at pag-sagip sa ating kalunus-lunos na kalagayan.
Hindi natin kayang iligtas ang sarili. Hindi natin kayang sagipin ang mundo. Si Hesus lamang ang tunay na Tagapagligtas. Siya ang tunay na nakapagbibigay sa atin ng lakas at kapangyarihan upang magtagumpay sa larangan ng buhay. Sa pamamagitan Niya, magagawa natin lahat. Di sa ating sariling lakas o galing, kungdi sa lakas at galing ng ating Panginoon.
Ito ang itinuturo sa atin ng Kanyang Salita sa Philippians 4:13, "I can do all things through Christ who gives me strength.”
Kung tayo'y haharap ngayon sa salamin, sino ang ating nakikita? Ang sarili pa rin ba na may suot na maskara? O si Hesus na ang namamalas mo.
Kung napagtanto ni Bolt na siya isang hamak na aso lamang, ikaw kaya, napagtanto mo na rin ba na ikaw ay isang nilikha Niya na ang tanging lakas ay nagmumula sa Diyos na Lumikha sa atin.
Ikaw ba si Bolt?
Isang Pagbubulay-bulay sa Kanyang Salita.
Recommended Reading: Romans 8:28-39