Peksman! Cross my Heart.
“If we say that we have fellowship with him, and walk in darkness, we lie, and do not practice the truth.” (1 John 1:6)
“Peksman! Cross my heart. Mamatay man yung aso ng kapit-bahay namin, totoo yung sinasabi ko. Hindi ako nagbibiro. Kahit magtanong ka pa sa katulong namin.” ang sunud-sunod na tinuran ni Gorio kay Tekla, sabay kurus sa dibdib, sa pagsisikap na kumbinsihin ang dalaga na di siya nagtataksil at mahal na mahal niya ito.
Yan ang katagang maririnig mo sa mga taong tiyak mong di tutupad sa pangako at sa salitang binitiwan. Na bubuhayin ang lolo’t lola na matagal ng nanahimik para lang mapaniwala ang kausap. “Mamatay man ang lolo ko”, ang pagkakadiin-diinanan pa. Ilang beses na kayang namatay ang lolo niya tuwing may makakausap, ilang beses na kayang bumangon sa libingan ang pobreng lolo para muling mamatay, tuwing ikakasangkapan para iligtas lamang ang sarili sa maling gawa, at tuwing may ipagmamalaki, kahiman magtagpi-tagpi ng kasinungalingan.
Kamakailan lamang kami’y nagkasarapang mag-kuwentuhan ng mga kapatiran, at sa gitna ng kasiyahang iyon maririnig mo ang paulit-ulit na pagsasabi ng nagkukuwento na “totoo ito huh, true story ito” o kaya’y ang pagtatanong ng nakikinig ng “totoo yan huh?”. Tinitiyak kung alin ang tama sa hindi, ang biro sa totoo.
Bakit nga ba na napakahalaga na ang katotohanan ang mamumutawi sa bibig natin? Bakit napakahalaga na ang ating mga gawi ay kakikitaan ng pagiging matuwid at totoo? Lalo sa ating mga lingkod Niya. Tayo na nagtataglay ng pangalan ng Panginoong Hesus.
Ito’y sapagkat ang Diyos na ating pinaglilingkuran ay liwanag, at sa Kanya’y walang anumang kadiliman. Kung kaya’t kung sinasabi nating tayo’y kaisa Niya, subalit namumuhay naman tayo sa kadiliman at hindi sa liwanag, tayo’y sinungaling at ang katotohana’y wala sa atin.
“If we say that we have fellowship with him, and walk in darkness, we lie, and do not practice the truth.” (1 John 1:6)
Kaya nga’t paka-ingatan lagi ang ating bibig, siyasating maigi ang sarili – kung may mali at di tama sa ating mga gawi at sinasabi. Mamuhay sa katotohanan. Pagningningin ang liwanag nating taglay.
Sa halip na “Peksman! Cross my Heart” ang maririnig, papuri sa Diyos at patotoo ng Kanyang kabutihan at katapatan ang ihayag natin.
Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment